Kaibigan
Party ni Ryan
Oktubre 2024


“Party ni Ryan,” Kaibigan, Oktubre 2024, 4–5.

Party ni Ryan

“Bakit mo inimbita si Chad?” tanong ni Braden.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Isinara ni Ryan ang huling sobre at ngumisi. Malapit na ang kaarawan niya, at hindi siya makapaghintay na imbitahin ang mga kaibigan niya sa kanyang party! Tinulungan na siya ni Inay na gumawa ng mga imbitasyon na may mga rocket ship at bituin. Sigurado siya na iyon ang magiging pinakamasayang kaarawan niya sa lahat.

Ang unang kaibigang ginustong imbitahin ni Ryan ay si Chad. Mabait talaga si Chad, at laging masaya si Ryan kapag kasama ito. Kung minsa’y nabubulol si Chad sa pagsasalita, at hindi siya gaanong mahusay sa isports. Pero ayos lang iyon kay Ryan. Mahusay si Chad sa iba pang mga bagay. Gusto niyang gumawa ng maliliit na hayop na origami sa pamamagitan ng pagtutupi ng papel. Minsa’y iginawa niya ng maliit na oso si Ryan. Itinabi iyon ni Ryan sa dresser sa kuwarto niya.

Batang lalaking nagbabasa ng imbitasyon

Naglakad si Ryan papunta sa bahay ni Chad at binigyan niya ito ng imbitasyon. “Para ito sa birthday party ko sa Sabado,” sabi niya. “Sana makapunta ka!”

Ngumiti nang todo si Chad. “Salamat. Pup-punta ako.”

Bago umalis si Ryan, ipinakita sa kanya ni Chad ang bago niyang origami. Mayroon siyang usa, mga chipmunk, squirrel, at kuwago—iba’t ibang maliliit na hayop na origami. Ang galing talaga!

Pagkatapos, nakita ni Ryan sina Ty at Braden sa bahay ni Ty. Binigyan niya ang bawat isa sa kanila ng imbitasyon.

“Sino pa ang pupunta?” tanong ni Ty.

“Inimbitahan ko sina Alex, Matt, Jacob, at Chad.”

Dalawang batang lalaki

“Ay,” sabi ni Braden. “Bakit mo inimbita si Chad? Weirdo siya.”

Natigilan si Ryan. “Kasi kaibigan ko siya.”

“Pero, hindi namin siya kaibigan,” sabi ni Ty. “Kung pupunta si Chad, hindi na ako pupunta.”

“Ako rin,” sabi ni Braden.

Naglakad na si Ryan pauwi. Hindi niya alam ang gagawin. Gusto niyang pumunta sa party niya sina Ty at Braden, pero gusto rin niyang pumunta si Chad.

Pagkauwi niya, ikinuwento niya kay Inay ang nangyari.

“Sori kung ganoon ang pakiramdam nila,” sabi ni Inay. “Parang hindi pa nila nabibigyan ng pagkakataon ang sarili nila na kilalanin si Chad. Ano sa palagay mo ang dapat mong gawin?”

Saglit na natahimik si Ryan. Itinuro na sa kanya nina Inay at Itay na kapag kailangan niya ng tulong, maaari siyang gabayan ng Espiritu Santo. Para daw itong banayad na tinig na mararamdaman mo sa puso mo.

Tahimik na nagdasal si Ryan. Ama sa Langit, ano po ang dapat kong gawin?

Nang maisip niya sina Ty at Braden, kinabahan siya at medyo nalungkot. Pero nang maisip niya ang pag-imbita kay Chad, napanatag siya at sumaya. Alam niya na sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na isang mabuting pasiya ang pag-imbita kay Chad.

Pagsapit ng Sabado, tinulungan ni Ryan si Itay na mag-ayos ng mga palaro sa likod-bahay. Inihanda ni Inay ang mga paborito ni Ryan na meryenda na popcorn at pretzels. Isa-isang nagdatingan ang mga kaibigan ni Ryan.

Hindi dumating sina Ty at Braden. Pero masayang-masaya si Ryan sa piling ng iba pa niyang mga kaibigan. Ipinakita pa nga sa kanila ni Chad kung paano gumawa ng origami. Umuwi silang lahat na may kani-kanyang hayop na papel.

Mga hayop na Origami

Iyon talaga ang pinakamasayang birthday sa lahat! Masaya at nagpasalamat si Ryan.

Nakipag-high five si Ryan kay Chad. “Salamat sa pagpunta!” sabi niya. “Natutuwa ako na magkaibigan tayo.”

Gumanti ng ngiti si Chad. “Ako rin.”

PDF

Mga larawang-guhit ni Colleen Madden