“Mga Awit ng Pag-ibig ni Macy,” Kaibigan, Oktubre 2024, 14–15.
Mga Awit ng Pag-ibig ni Macy
“Kahit maliit ka,” sabi ni G-pop, “malaki ang puso mo na puspos ng pagmamahal.”
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Pilipinas.
“Nami-miss ko po si G-pop,” sabi ni Macy sa lola niya. Ang tawag niya sa lolo’t lola niya ay G-pop at G-mom. “Mula nang maospital siya, gusto ko na siyang tulungan. Pero hindi ko po alam kung paano.”
Inikut-ikot ni Macy ang pagkaing nasa plato niya. Iyon ang paborito niyang almusal—kanin, itlog, at mga hot dog. Pero napakalungkot niya para kumain.
Inakbayan ni G-mom si Macy. “Naiintindihan ko. Kung minsa’y parang wala tayong magawa kapag nahihirapan ang isang mahal natin sa buhay. Pero tandaan mo, may dalawang nagmamahal sa atin nang higit kaysa inaakala natin.”
“Sino po?” tanong ni Macy.
“Ang Ama sa Langit at si Jesucristo,” sabi ni G-mom. “Kapag may pananampalataya tayo sa Kanila, ginagabayan at binibigyan Nila tayo ng lakas.”
Habang nakikinig si Macy, nakadama siya ng pag-asa. Alam niya na matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesus si G-pop.
Nang gabing iyon, lumuhod si Macy sa tabi ng kama niya at pumikit.
“Ama sa Langit, bantayan po sana Ninyo si G-pop at tulungan po Ninyong gumanda ang pakiramdam niya. Mahal ko po siya, at mahal ko rin po Kayo. Ipaalam po sana Ninyo sa akin kung ano ang magagawa ko para sa kanya.”
Kinaumagahan, nagising si Macy sa sikat ng araw na lumalagos sa kanyang mga kurtina. Nagkaroon siya ng ideya! Ang pagkanta ng mga awitin sa Primary at mga himno ng Simbahan ay isa sa mga bagay na gustung-gusto nilang gawin ni G-pop nang magkasama. Siguro makakaaliw iyon sa lolo niya!
Bumangon siya, umusal ng kanyang panalangin sa umaga, pagkatapos ay tinanong si G-mom kung puwede niyang bisitahin si G-pop. Hindi nagtagal, papunta na silang dalawa sa ospital. Sabik siyang makitang muli si G-pop sa wakas at sana’y mapangiti niya ito.
Pagpasok ni Macy sa kuwarto ng ospital, nakaupo si G-pop sa kama na may kumot na nakapatong sa mga binti niya. Mukhang pagod siya. Pero nang makita niya si Macy, umaliwalas ang mukha niya sa tuwa. Patakbong lumapit si Macy sa kanya at magiliw siyang niyakap.
“Magandang umaga po, G-pop!”
“Bakit narito ka, lang-lang kong munting Macy?”
Ang ibig sabihin ng lang-lang ay “mahal.” Iyon ang paboritong palayaw ni G-pop para kay Macy.
“Gusto ko po kayong kantahan,” sabi ni Macy. Naupo siya sa tabi ng kama ng lolo niya at binuksan ang kanyang songbook. “Ako ay anak ng Diyos, dito’y isinilang …” pagsisimula niya.
Napuno ng luha ng kaligayahan ang mga mata ni G-pop. Sumabay siya at nagsimula ring kumanta.
“… handog sa ’kin ay tahana’t mabuting magulang.”
Napuno ng tinig nila ang munting kuwarto ng ospital. Hindi nagtagal, sumabay na rin sa pagkanta si G-mom. Napayapa si Macy sa sabay-sabay nilang pagkanta.
Nang matapos sila, inabot ni Macy ang kanyang kamay, at hinawakan ito nang mahigpit ni G-pop.
“Magdasal po tayo, G-pop.”
Magkasama silang nagdasal, at hiniling ni Macy sa Ama sa Langit na palakasin at pagalingin si G-pop.
Pagkatapos ng panalangin, tumingin si G-pop kay Macy. “Salamat sa maganda mong mga kanta at panalangin. Napaganda mo ang pakiramdam ko. Kahit maliit ka, malaki ang puso mo na puspos ng pagmamahal.”
Ngumiti si Macy. Masaya siya na nakatulong ang kanyang pagmamahal at pananampalataya para gumanda ang pakiramdam ni G-pop. Alam niya na palaging nariyan ang Ama sa Langit at si Jesucristo para tulungan ang kanyang pamilya sa mahihirap na panahon.