“Kabaitan sa Camp,” Kaibigan, Oktubre 2024, 30–31.
Kabaitan sa Camp
Alam ni Kat ang pakiramdam ng maging naiiba.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Kinakabahang hinagud-hagod ni Kat ang kanyang prosthetic na braso habang nagmamaneho si Inay sa maalikabok na kalsada. “Inay, natatakot po ako!”
Bahagya siyang nginitian ni Inay. “Alam ko. Pero palagay ko magugustuhan mo ang summer camp, anak ko. Isipin mo ang lahat ng bagong batang makikilala mo.”
Hindi nagsalita si Kat, pero naisip niya, Iyan nga po ang kinatatakutan ko.
Hindi nagtagal ay dumating sila sa day camp. Sumama si Inay kay Kat para kausapin ang kanyang camp counselor na si Brian. “Pinutulan ng braso si Kat noong sanggol pa siya,” sabi ni Inay kay Brian. “Hindi ito makakaapekto sa paglalaro niya, pero kung minsa’y medyo hirap siyang makipagkilala sa mga taong bagong dating.”
“Huwag kang mag-alala, Kat,” sabi ni Brian. “Masaya kaming lahat na narito ka.”
Masaya si Kat na makakilala ang mga bata sa kanyang grupo. Tinawag nila ang kanilang grupo na Purple Tigers. Nag-hiking sila, kumain ng keso at biskwit, at nagpabilisan sa paglakad. Si Kat ang isa sa pinakamabibilis sa grupo.
Sa pagtatapos ng araw, sinabi ni Brian na makikipagpaligsahan sila sa isa pang grupo sa sack race. Umasa si Kat na mananalo ang Purple Tigers!
Nang siya na ang maglalaro, hinila ni Kat ang sako sa paligid ng kanyang tuhod at nagsimulang tumalon. Pero mahirap angatin ng isang kamay ang sako, at nadapa siya sa bigat ng tela. Natumba si Kat at gumulong sa damuhan. Nang makabangon siya, nakatapos na ang kalabang team. Natalo ang team ni Kat.
Nang gabing iyon sa hapunan, ikinuwento ni Kat sa kanyang mga magulang ang nangyari sa sack race. “Ayaw ko na pong bumalik sa camp,” sabi niya. “Natalo ang team dahil sa akin. Hindi po nila gugustuhing bumalik ako.”
“Sori, anak ko.” Mahigpit na niyakap ni Inay si Kat. “Sigurado akong mahal ka pa rin ng mga bagong kaibigan mo. At alam mo ba kung sino ang laging magmamahal sa iyo anuman ang mangyari?”
“Kayo po.” Ngumiti nang bahagya si Kat.
“Tama. Mahal ka namin! At pati na ng Ama sa Langit. Anak ka rin Niya, hindi ba?”
“Parang masayang-masaya ka bago ang sack race,” sabi ni Itay. “Bakit hindi mo subukang bumalik sa camp?”
Tumango si Kat. “OK po.”
Ngumiti si Itay. “Subukan mong pansinin kapag mabait sa iyo ang mga tao. At maghanap ka ng mga paraan para maging mabait sa iba. Laging nakakatulong iyan sa akin kapag nahihirapan ako.”
Kinabukasan sa camp, sinalubong si Kat ng high-five at yakap ng mga kagrupo niya. Walang bumanggit sa sack race, at nalimutan ni Kat kung gaano siya nag-alala. Nakipagbiruan siya sa mga bago niyang kaibigan habang naghihintay silang magsimula ang mga aktibidad.
Pagkatapos ay lumapit si Counselor Brian sa grupo. Katabi niya ang isang batang lalaking kaedad ni Kat. “Makinig kayo, Purple Tigers,” sabi ni Brian, “may bago tayong kaibigan ngayon. Ang pangalan Niya ay Rodrigo. Spanish lang ang sinasalita ni Rodrigo, kaya sinisikap naming makahanap ng isang counselor na nagsasalita ng Spanish para tulungan siya.”
Nag-aral ng Spanish si Kat sa paaralan niya, pero kakaunti lang ang alam niya. Takot na takot siyang kausapin si Rodrigo.
Pagkatapos ay tiningnan niya ito. Mukhang takot din ito. Tiyak na mahirap na hindi makapagsalita ng wikang gamit ng ibang mga bata, naisip niya. Alam niya ang pakiramdam ng maging naiiba.
Naalala ni Kat kung paano siya malugod na tinanggap sa grupo ng lahat ng bago niyang mga kaibigan. Ipinadama nila sa kanya na minamahal siya nila, tulad ng gagawin ni Jesus. Gusto rin niyang gawin iyon para kay Rodrigo.
Naalala ni Kat kung paano magsabi ng “hello” sa Spanish. Kaya huminga siya nang malalim at nilapitan niya si Rodrigo. “Hola,” nakangiting sabi niya.
Mukhang napawi ang pag-aalala ni Rodrigo, at gumanti ito ng ngiti. Iniabot ni Kat ang kanyang prosthetic na kamay.
“¿Amigos?” tanong niya. Magkaibigan na ba tayo?
Lalong lumaki ang ngiti ni Rodrigo. Hinawakan nito ang kanyang kamay at kinamayan siya. “Amigos.”