“Isang Mahalagang Mithiin,” Kaibigan, Oktubre 2024, 36–37.
Isang Mahalagang Mithiin
Ang family history ay parang paglalaro ng video game na may napakahalagang mithiin!
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Mexico.
Gusto ni Javi na matutong gumawa ng mga bagong bagay. Gusto niyang matutong maglaro ng baseball. Gusto niyang matutong tumugtog ng gitara. Gusto niyang matutong maglaro ng mga bagong video game. Kaya nang tanungin ni Papá kung gusto niyang may matutuhang bago, handa si Javi.
Pinanood ni Javi ang pagbubukas ni Papá ng kanyang laptop at pagpunta sa isang site na tinatawag na “FamilySearch.”
“Tuturuan kita kung paano hanapin ang mga pangalan ng mga ninuno natin,” sabi ni Papá. “Marami sa kanila ang matagal na panahon nang nabuhay, at wala sa kanila ang ebanghelyo. Kapag nakita natin ang mga pangalan nila, maaari tayong magpunta sa templo para mabinyagan para sa kanila. Pagkatapos ay magkakaroon sila ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo.”
Naalala ni Javi kung gaano kaganda ang pakiramdam niya nang binyagan siya. Kung puwede niyang tulungan ang kanyang mga ninuno na madama rin iyon, gusto niyang malaman kung paano!
Pinanood ni Javi si Papá na ipakita sa kanya kung ano ang gagawin. Pagkatapos ay ipinasa ni Papá ang laptop kay Javi. “Ikaw naman!”
Ngumisi si Javi. Nagpraktis siyang mag-klik sa paligid at magbasa ng mga pangalan at petsa. Ito ang kanyang pamilya!
Nang sumunod na ilang gabi, tinulungan nina Mamá at Papá si Javi na malaman ang iba pa tungkol sa paggawa ng family history. Sinimulan din ng ate niyang si Lily na pag-aralan ito. Parang paglalaro ito ng video game na may napakahalagang mithiin!
Isang araw ng Linggo, ipinahayag ng bishop na magdaraos ang stake ng isang espesyal na hamon. Bibigyan ng 60 araw ang mga miyembro ng stake para maghanap ng maraming pangalan hangga’t kaya nila na maipadadala nila sa templo. Ang mithiin ay may kabuuang 5,000 pangalan. Sa pagtatapos ng 60 araw, magkakaroon ng malaking party para magdiwang. Magkakaroon din ng mga gantimpala para sa mga taong nakahanap ng pinakamaraming pangalan.
“Gusto kong tumulong,” sabi ni Javi pag-uwi nila mula sa simbahan.
“Ako rin!” sabi ni Lily.
“Simulan na kaya ninyo ngayon?” sabi ni Papá. “Tingnan ninyo kung ilang pangalan ang mahahanap ninyo bago maghapunan.”
Nag-unahan sina Javi at Lily papunta sa sala. Binuksan ni Lily ang FamilySearch sa kanyang cell phone, at ginamit ni Javi ang laptop ni Papá. Hindi nagtagal at nakakita si Javi ng isang talaan para sa kapatid ng kanyang lolo-sa-tuhod. May nakalista rin doon na tatlong anak na hindi pa nabinyagan. Napahiyaw si Javi. Nakahanap siya ng tatlong pangalang ipadadala sa templo!
Sa loob ng 60 araw ginugol ni Javi ang karamihan sa kanyang libreng oras sa paggawa ng family history. Halos gabi-gabi siyang naghanap ng mga pangalan pagkalabas niya ng paaralan. Tuwing Linggo, tulung-tulong sila ng kanyang buong pamilya.
Sa pagtatapos ng 60 araw, nagpunta si Javi at ang kanyang pamilya sa gusali ng simbahan para sa party. May mga taco, musika, at maraming tao. Masaya!
Sa huli, tumayo ang stake president.
“Ipinagmamalaki ko kayong lahat,” sabi ng president. “Nakahanap ng 10,000 pangalan ang stake natin para sa templo!”
Nagbunyi ang lahat. Nanlaki ang mga mata ni Javi. Doble ng mithiin nila ang daming iyon!
Pagkatapos ay sinabi ng stake president ang mga nanalo. Ang adult na nanalo ay isang babaeng hindi kilala ni Javi, pero ang kabataang nanalo ay si Lily!
“Ngayo’y sa mga bata naman. May isang nagpadala ng 216 na mga pangalan,” sabi ng stake president. Nagpalakpakan nang malakas ang mga tao kaya hindi narinig ni Javi ang sumunod na sinabi ng stake president.
Siniko si Javi ng kanyang ama. “Javi, pangalan mo ang binanggit niya.”
Hindi makapaniwala si Javi. Nagpadala nga ba siya ng 216 na mga pangalan?
Nagpunta si Javi sa harapan. Malaki ang ngiti niya nang kamayan siya at abutan ng sertipiko ng stake president. Nakasulat doon ang pangalan niya!
“Ano ang pakiramdam ng manalo?” tanong ng stake president.
“Napakasaya po,” sabi ni Javi.
Masaya talaga ang manalo. At talagang masaya na matuto ng isang paraan para matulungan ang napakaraming tao!