“Ang Palumpon ng mga Sunflower,” Kaibigan, Oktubre 2024, 40–41.
Ang Palumpon ng mga Sunflower
Gustong tumulong ni Amalie. Pero paano?
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Denmark.
Sinundan ni Amalie ang kanyang mga magulang sa pagpasok sa pintuan ng simbahan. Napuno ng tugtog ng mga himno sa piyano ang chapel. Nakakita ng upuan si Amalie at ang kanyang pamilya at umupo sila.
Nagsimula ang sacrament meeting, at hindi naglaon ay kinakanta na ng buong branch ang pambungad na himno. Habang kumakanta siya, napansin ni Amalie ang kapitbahay nilang si Sister Aisha na nakaupo sa malapit. Pero hindi kumakanta si Sister Aisha. Nakakunot-noo ito.
Napakabait palagi ni Sister Aisha kay Amalie. Pero madalas ay mukha itong malungkot. Alam ni Amalie na mag-isa lang ito sa bahay. Siguro ay malungkot siya.
Naisip ni Amalie na sana ay may magawa siya para makatulong. Pero ano?
Nang sumunod na linggo, nagbisikleta si Amalie sa isang mahabang kalsada. Naraanan niya ang malalaking berdeng bukirin. Uminit ang kanyang balat sa sikat ng araw.
Hindi nagtagal ay nakarating siya sa isang bukid ng mga sunflower. Umiindayog nang bahagya sa hangin at nakaunat sa araw ang matitingkad na dilaw na bulaklak. Ang tataas at ang lalaki ng mga ito!
Sabi sa isang karatula sa tabi ng bukid, Libreng mga sunflower! Kumuha kayo hangga’t gusto ninyo.
Tumitig si Amalie sa bukid. Mukhang dilaw na karagatang nakangiti sa langit ang mga bulaklak.
Ipinarada niya ang kanyang bisikleta at namitas ng isang bungkos ng mga bulaklak. Puwede niyang ibigay ang mga iyon kay Inay! Mahilig si Inay sa mga bulaklak. Pero sapat ang dami ng mga bulaklak kaya puwede siyang mamitas ng mas marami para din sa iba.
Isang pangalan ang pumasok sa isip niya: si Sister Aisha. Baka sakaling makatulong ang mga bulaklak na ito para sumaya ang araw nito.
“Sana gusto niya ng mga sunflower,” mahinang sabi ni Amalie sa sarili. Pero medyo kabado siya. Paano kung isipin ni Sister Aisha na kakatwa ito?
Tumigil si Amalie sa pagpitas ng mga bulaklak. Inihagod niya ang malalambot na talulot sa pagitan ng kanyang mga daliri. Siguro hindi siya dapat magbigay ng mga bulaklak kay Sister Aisha.
Hindi, naisip ni Amalie. Alam niya na dapat niyang ibigay ang mga iyon kay Sister Aisha. Maaaring hindi mapaganda ng mga iyon ang pakiramdam nito. Pero gusto pa ring tumulong ni Amalie, kahit sa maliit na paraan. Maaari niyang ibigay ang mga bulaklak kay Sister Aisha sa simbahan bukas.
Matagal na namitas ng magagandang bulaklak si Amalie. Pinagsama-sama niya ang mga iyon at maingat na inilagay sa basket ng kanyang bisikleta. Pagkatapos ay sumakay na siya sa kanyang bisikleta at umuwi. Nagmukhang maganda ang matingkad na pagkadilaw ng mga bulaklak sa matingkad na kulay berde ng kakahuyan sa likuran.
Nang makauwi na si Amalie, tinalian niya ng laso ang bawat palumpon ng mga bulaklak. Binigyan niya ng isa si Inay.
Ngumiti nang malaki si Inay nang makita ito. “Salamat! Ang ganda ng mga ito.” Inilagay niya ang mga bulaklak sa isang plorera sa ibabaw ng mesa.
Kinabukasan, dinala ni Amalie ang isa pang palumpon ng mga sunflower sa simbahan. Nakita niya si Sister Aisha na nakaupong mag-isa sa isang upuan.
“Hi po,” sabi ni Amalie. “Namitas po ako ng ilang sunflower para sa inyo.”
Iniabot ni Amalie ang mga bulaklak. Nang makita iyon ni Sister Aisha, ngumiti ito. Matagal nang hindi nakita ni Amalie ang ngiti nito. Puno ng liwanag ang mga mata nito.
“Salamat,” sabi ni Sister Aisha. Niyakap nito si Amalie. “Ito ang paborito kong mga bulaklak.”
Ngumiti rin si Amalie. Hindi niya alam na iyon ang paboritong mga bulaklak ni Sister Aisha! Pero napahiwatigan siya ng Espiritu Santo na gumawa ng palumpon ng mga bulaklak para kay Sister Aisha, at nagpasalamat si Amalie na nakinig siya.