“Pagdaig sa Pinakamatindi Kong Kahinaan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa mga Tema ng Young Women at ng Aaronic Priesthood Quorum
Pagdaig sa Pinakamatindi Kong Kahinaan
“Aking pinahahalagahan ang kaloob na pagsisisi at sinisikap na magpakabuti sa bawat araw.”
Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng malaking problema sa pagsisinungaling sa aking mga magulang. Nagsimula ito sa isang inosenteng pagkakamali, pero sa paglipas ng mga taon naging napakasamang gawi na ito.
Nagsinungaling ako sa kanila halos araw-araw tungkol sa mga walang kuwentang bagay. Dumating ito sa puntong hindi na nila ako pinagkakatiwalaan. Kahit nagsasabi na ako ng totoo, hindi sila naniniwala sa akin. Dama kong bigong-bigo ako. Sinikap ng nanay at tatay ko na tulungan akong tumigil sa pagsisinungaling, pero hindi ko pa rin ito maitigil.
Isang araw ng Linggo pagkatapos magsimba, umupo sa tabi ko ang mga magulang ko sa mesa namin sa kusina. Binasa nila sa akin ang mga salita ng Tagapagligtas sa Ether 12:27: “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”
Iyon ang pinakamatinding talata na narinig ko. Isinaulo ko ito at sinikap kong hayaang baguhin nito ang puso ko.
Sa loob lamang ng ilang linggo, pagkaraan ng mahabang oras ng pagdarasal, pag-iyak, at pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, wala na akong problema sa pagsisinungaling. Hinayaan kong kumilos sa buhay ko ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo!
Simula noong araw na iyon limang taon na ang nakararaan, hindi na ako nakapagsinungaling sa mga magulang ko. Ipinagmamalaki ko ang aking pagsisikap. Sa wakas ay pinili kong magsisi at magbago, sa tulong ni Cristo. Talagang alam ko na ang “biyaya [ni Jesucristo] ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa [kanyang] harapan.”
Ang karanasang iyon ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Mapatototohanan kong ang mga banal na kasulatan ay totoo. Inaanyayahan ko kayong hanapin si Cristo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.
Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.