2022
Manna
Abril 2022


“Manna,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.

Mga Bagay mula sa mga Banal na Kasulatan

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Exodo 16

Manna

Ipinapaalala sa atin ng munting bagay na ito ang ilan sa pinakamalalaking himala ng Panginoon.

manna

Ano Ito?

Ano ang hitsura ng manna? Ito ay maliit, bilog, manipis na parang flake, at puti (tingnan sa Exodo 16:14, 31).

Ano ang lasa nito? “Tulad ng manipis na tinapay na may pulot” (Exodo 16:31) o tulad ng “tinapay na niluto sa langis” (Mga Bilang 11:8).

Paano ito dumating? Dumating ito kasabay ng hamog tuwing umaga maliban sa araw ng Sabbath. Sa araw bago ang Sabbath, nagtipon ang mga tao nang sapat sa loob ng dalawang araw. Sa ibang mga araw, anumang labis na kinuha nila ay napapanis. (Tingnan sa Exodo 16:14–30.)

Ano ang ginawa ng mga tao tungkol dito? “Kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay” (Mga Bilang 11:8). Kung minsan ay pinakukuluan nila ito (tingnan sa Exodo 16:23).

Mga Katotohanan sa Banal na Kasulatan

  • Ang ibig sabihin ng manna sa Hebreo ay “Ano ito?” Wala pang nakitang anumang katulad nito ang mga Israelita.

  • Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita na ilagay ang ilang manna sa isang palayok at dalhin nila ito. Nakatulong ito sa kanila na maalala ang ginawa Niya para sa kanila (tingnan sa Exodo 16:33–34; Mga Hebreo 9:4).

  • Minsan ay nagreklamo ang mga Israelita tungkol sa pagkain lamang ng manna. Gusto nila ang pagkain ng Egipto—kahit na sila ay mga alipin doon (tingnan sa Mga Bilang 11:1–6).

  • Itinuro ni Moises sa mga tao na ang kanilang pagdurusa ay nilayong tulungan silang magtiwala sa Panginoon. Itinuro niya na ibinigay sa kanila ng Panginoon ang manna “upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon” (Deuteronomio 8:3).

  • Matapos pumasok ang mga Israelita sa lupang pangako, tumigil ang manna sa pagdating (tingnan sa Josue 5:12).

  • Minsan ay mahimalang pinakain ng Tagapagligtas ang limang libong tao at pagkatapos ay nagsalita tungkol sa manna. At sinabi Niya, “Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman” (Juan 6:51).

Jesucristo