“Social Media: Kapangyarihang Baguhin ang mga Buhay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.
Social Media: Kapangyarihang Baguhin ang mga Buhay
Totoo, masayang makita kung ano ang ginagawa ng mga kaibigan mo. Pero ang paggamit mo ng social media ay talagang makapagpapabago ng buhay.
Naisip mo na ba kung paanong ang teknolohiyang naimbento ng mga tao ay talagang nabigyang-inspirasyon ng Panginoon para pabilisin ang Kanyang gawain?
Isipin ang himala ng eroplano. Kaya na ngayong marating ng mga missionary ng Panginoon ang bawat sulok ng mundo sa loob lang ng ilang oras. Paano naman ang smartphone? Ang nararating lamang ng mga unang missionary ay ang mga tao na kasama nila sa silid. Pero ang isang telepono na konektado sa social media ay maaaring maging kasangkapan para maibahagi agad ang ebanghelyo sa halos walang limit na bilang ng mga tao.
Isang pandaigdigang pandemya ang nagsulong sa paggamit ng social media para matulungan ang mga missionary at miyembro na maabot ang mas marami pang mga anak ng Diyos. Kung gumagamit ka ng social media, narito ang ilang alituntunin na maaari mong sundin para makatulong na tipunin ang Israel. Habang nagbabasa ka, pagnilayan kung paano mo magagamit ang social media sa pagtulong mo sa mahalagang gawaing ito.
Ibahagi Kung Bakit Ka Masaya
Habang nasa misyon si Ashlee Steede, nakipag-ugnayan siya sa isang dalagitang tumulong sa kanya dahil nagustuhan niya ang mga larawan ng kanyang masayang pamilya. “Batay sa aking profile, masasabi niyang mahalaga sa akin ang Diyos. Nadama niya na may isang espesyal na bagay tungkol sa aking pamilya. Sinabi niya na mukhang masayang-masaya kami, at iyon ay isang bagay na gusto niya. Gustung-gusto niya ang lahat ng itinuro namin, at nabinyagan siya.”
Subukan Ito:
-
Kung talagang gustung-gusto mo ang isang bagay, gugustuhin mong ibahagi ito sa iba. Magsimula sa pagpapaunlad ng sarili mong pagmamahal sa ebanghelyo at pagkatapos ay ibahagi kung bakit nagpapasaya ito sa iyo.
-
Ibahagi kung ano ang ipinagpapasalamat mo at samahan ito ng ilang retrato.
-
Magbahagi ng mga post na nagbibigay-inspirasyon sa iyo, marahil mula sa inyong mga lokal na missionary o sa mga General Authority.
Maging Totoo at Malikhain
Madalas masasabi ng mga tao kung tapat at totoo ang nasa post mo. Kapag nagpo-post tayo nang may Espiritu, maaantig natin ang maraming puso.
Isang elder sa New York ang nag-post ng isang nakakaantig na personal na kuwento. Isang batang babae na nakakita sa post ang nakipag-ugnayan sa mga missionary. Ang tunay na patotoo ng elder ay nakatulong sa kanya na magpasiyang magpabinyag.
Nag-post ang mga missionary sa New Zealand ng libreng serbisyo sa Facebook. Abalang-abala sila sa paglilingkod kaya itinampok sila sa dalawang lokal na pahayagan.
Ang mga missionary sa Romania ay lumilikha ng mga advertisement para sa mga libreng panalangin. Isinusumite ng mga tao ang kanilang phone number, tinatawagan sila ng mga missionary sa kanilang lungsod, ipinapaliwanag ng mga ito ang panalangin, at sama-sama silang nagdarasal.
“Ilang beses na akong nakapagdasal kasama ng mga tao kung saan napakalakas ng Espiritu,” sabi ni Sister Maci Sorensen. “Napakagandang tawagan ang lahat ng mga taong ito at manalangin na kasama nila.”
Subukan Ito:
-
Magbahagi ng isang karanasan o talata sa banal na kasulatan na mas naglapit sa iyo kay Cristo.
-
Mag-post ng mga video ng iyong mga kasanayan sa musika, sining, isports, o pagluluto at iugnay ang mga ito sa mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo o mga banal na kasulatan.
Magpokus sa Pagtulong sa Isang Tao
“Sumali ako sa isang Christian Facebook group at nag-post tungkol sa pagdama ng pag-ibig ng Diyos,” sabi ni Sister Ashton Petty. “Sa loob ng 24-oras ay mayroon akong mga 200 na komento. Isang komento ang nakaagaw ng aking pansin. Nagpadala ako sa kanya ng mensahe, at sinabi niya sa akin na hindi siya karapat-dapat na madama ang pagmamahal ng Diyos. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kalaunan ay nabinyagan siya. Sa iyong mga social media account, magpatotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos, dahil hindi mo alam kung sino ang kailangang makarinig nito.”
Subukan Ito:
-
Maaari mong isa-isang padalhan ng mensahe ang iyong mga kaibigan para sagutin ang kanilang mga tanong at komento. Ibahagi sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo na nakatulong sa iyo.
-
Mag-alok na sagutin ang mga tanong tungkol sa Simbahan sa isang post.
-
Personal na anyayahan ang iyong mga kaibigan sa mga aktibidad sa seminary o sa Simbahan.
Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang inspiradong mga kasangkapang ito nang mas angkop at mas epektibo para … ipahayag ang katunayan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. …
“… Pinapayuhan ko kayo na palaganapin sa mundo ang mga mensahe na puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensaheng totoo, nagpapasigla, at maipagkakapuri.” 1