“Si Jesucristo ang Inyong Tagapagligtas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.
Si Jesucristo ang Inyong Tagapagligtas
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa inyo.
“Siya’y wala rito: sapagka’t siya’y nagbangon” (Mateo 28:6).
Ito ang ilan sa mga pinakamakabuluhang salita sa mga banal na kasulatan. Ang mga ito ay binigkas ng mga anghel malapit sa isang walang laman na puntod. Ipinahayag nila na nadaig ng Panginoong Jesucristo ang kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, na nagwakas sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.
Gusto kong malaman ninyo na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa inyo! Ang Kanyang misyon sa buhay ay para sa inyo! Ang Kanyang sakripisyo ng kamatayan ay para sa inyo! At ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay para sa inyo! Kung minsan ay madaling madama na ginawa ni Jesucristo ang lahat ng ito para sa iba. Ngunit pinatototohanan ko na ginawa Niya ito para sa inyo.
Ito ang mensahe ng unang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay: Lubos na minahal ng Diyos ang mundo kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang tulungan tayo. At ibinuwis ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang Kanyang buhay para sa atin.
Ang sakripisyo ni Jesucristo ay may epekto sa buong mundo—pati na sa inyo.
Ipinropesiya at Ibinadya
Sa simula pa lang, itinuro na ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa Tagapagligtas. Nagsugo Siya ng anghel para ituro ito kina Eva at Adan: “Gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:8). Mula sa araw na iyon hanggang sa panahon ni Jesucristo, nag-alay ang mga tao ng mga hayop para matulungan silang asamin ang sakripisyo na gagawin kalaunan ng Anak ng Diyos.
Bukod pa rito, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay matagal nang ipinropesiya bago pa Siya isinilang sa Betlehem. Ipinropesiya ito ng mga propeta sa maraming henerasyon.
Ang Kanyang Walang Hanggang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli
Hindi natin talaga mauunawaan ang lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa atin. Hindi natin mauunawaan kung gaano katindi ang Kanyang pagdurusa at kung gaano kalawak ang mga epekto ng Kanyang sakripisyo. Pero madarama mo ang mga epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala sa araw-araw.
Sa Getsemani at sa krus, Kanyang “tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat … ay magsisi at lumapit sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 18:11). Pinasan Niya sa Kanyang sarili ang bigat ng mga kasalanan ng lahat ng tao. Ang pagbalikat ng mabigat na pasaning iyon ang naging dahilan upang siya ay labasan ng dugo sa bawat butas ng balat (tingnan sa Lucas 22:44; Doktrina at mga Tipan 19:18).
Kalaunan Siya ay binugbog at hinagupit. Isang putong ng matatalim na tinik ang ipinatong sa Kanyang ulo. Pagkatapos ay pinilit Siyang pasanin ang Kanyang sariling krus patungo sa Kalbaryo, kung saan natapos ang pagdurusa ng Pagbabayad-sala nang ipako Siya sa krus na iyon at pinahirapan ng di-makayanang sakit. Ginawa Niya ang kalooban ng Kanyang Ama. Siya ay nagdusa at isinuko ang Kanyang buhay.
Tulad ng ipinropesiya Niya at ng Kanyang mga propeta, nagbangon Siya mula sa libingan sa ikatlong araw. Siya ang unang nabuhay na mag-uli. Dahil sa Kanya, lahat ng nabuhay ay tatanggap ng kaloob na pagkabuhay na mag-uli. Salamat sa kanya, bawat katawan ay maibabalik sa wasto at ganap na anyo nito.
Binayaran ng Tagapagligtas ang halaga ng ating mga kasalanan at paglabag. Dahil sa Kanya, lahat ng tao ay matutubos mula sa kasalanan—kung sila ay magsisisi.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang-hanggan. Iniligtas Niya ang buong sangkatauhan mula sa walang katapusang kamatayan. Dumanas Siya ng matinding pagdurusa, na higit pa sa maaaring pagdusahan ng sinumang tao. Ang Kanyang pagdurusa ay para sa lahat ng taong nabubuhay sa napakaraming daigdig na nilikha Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:24; Moises 1:33).
Si Jesus lamang ang makapag-aalay ng gayong walang-hanggang Pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at sa isang imortal na Ama. Dahil dito si Jesus ay isang walang-hanggang Nilalang—ang tanging makapipili na ialay ang Kanyang buhay at kunin itong muli (tingnan sa Juan 10:14–18). Ang perpektong buhay ng Tagapagligtas ay mahalagang kwalipikasyon din para matugunan Niya ang mga hinihingi ng katarungan para sa ating kapakanan (tingnan sa Alma 34:8–14).
Ang Kanyang misyon sa lupa—na kinabibilangan ng Kanyang Nagbabayad-salang sakripisyo at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa mga patay—ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng mga pagkakataong matubos mula sa kasalanan at magkaroon ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli! Ang ating utang sa Kanya ay hindi masusukat.
Kapwa Walang-Hanggan at Personal
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang-hanggan. Gayunman iyon ay personal din. Dagdag pa sa sakdal na pagmamahal Niya para sa Kanyang Ama, Siya ay nahikayat din ng Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit. At pinagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ang bawat isa sa atin sa napaka-personal na paraan. Basahing mabuti ang paliwanag na ito mula sa Tagapagligtas:
“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—
“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 19:16–19).
Nagdusa nang husto si Jesus dahil mahal na mahal Niya kayo! Nais Niyang magsisi kayo at magbalik-loob upang lubos Niya kayong mapagaling.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa inyo. Dinala Niya sa Kanyang sarili ang inyong mga kasalanan. Binayaran Niya ang halaga ng inyong mga kasalanan upang kayo ay makapagsisi. Siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan na ilipat ang bawat bundok na makakaharap ninyo. Natamo ninyo ang kapangyarihang iyan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, tiwala, at kahandaang sumunod sa Kanya.
Habang nagdarasal at nag-aaral ka nang may layunin, malalaman mo kung paano ka pinagpapala ng Kanyang misyon. At ang Espiritu Santo ay makapagtuturo at makapagpapatotoo sa inyo tungkol sa walang hanggang kahalagahan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Siya “ang muling pagkabuhay at ang buhay” (Juan 11:25). Siya ay buhay. Minamahal ko Siya nang buong puso ko, at pinatototohanan ko Siya. Pinatototohanan ko na Siya ang Anak ng Diyos na buhay. Si Jesus ang Cristo—ang ating Tagapagligtas at Manunubos.