2022
Mga Panalangin sa Malamig na Ilog
Abril 2022


“Mga Panalangin sa Malamig na Ilog,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.

Mga Saligang Kaytibay

Mga Panalangin sa Malamig na Ilog

batang babaeng hirap sa tubig, isa pang batang babaeng nasa kayak

Larawang-guhit ni Corey Egbert

Sa isang camping trip kasama ang aming pamilya, kami ng kaibigan kong si Bayley ay kumuha ng kayak at namangka sa ilog. Sanay na ako sa kayaking, pero hindi pa ito nagawa ni Bayley kailanman. Matapos ko siyang turuan ng mga pangunahing gagawin, isinuot namin ang aming life jacket at sumakay na sa aming mga kayak.

Malamig na tagsibol iyon, at nagyeyelo ang tubig. Nagsasagwan kami nang makarinig ako ng splash sa tubig. Lumingon ako sa likod at nakita ko ang nakataob na matingkad na kulay berdeng kayak ni Bayley. Maraming bagay ang pumasok sa isipan ko. Nagdasal ako na muli siyang lumitaw.

Sa huli, biglang lumitaw si Bayley, at naghahabol ng hininga. Mabuti na lang at mababaw ang tubig kaya nakapa niya ang lupa. Pero nahirapan pa rin siyang itihaya ang kanyang kayak. Sinikap ko siyang tulungan, pero mahirap habang nasa kayak ako.

Sinabi ni Bayley na namamanhid ang kanyang mga binti. Nagsimula siyang mataranta. Nadama kong dapat akong magdasal kasama niya. Matapos manalangin para sa kaligtasan at patnubay, napanatag ako; alam ko na magiging OK kami.

Lumusong ako sa nagyeyelong tubig. Tinulungan ko si Bayley na makasakay sa kayak ko at itinihaya ang kanyang kayak. Hinawakan ko ang dalawang kayak at naglakad sa maputik na tubig papunta sa pampang.

Nagpapasalamat ako na tinuruan ako ng mga magulang ko na laging manalangin, lalo na sa mahihirap na sitwasyon. Ginabayan ako ng aking panalangin para matulungan ang kaibigan kong nangangailangan.

Kung minsan nagsisimba tayo at hindi tayo nagtutuon ng pansin. O nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan at nadaramang hindi angkop ang mga ito sa atin. Pero kapag dumarating ang paghihirap at sinusubok ang ating pananampalataya, ang mga simpleng bagay na itinuro sa atin ay magpapala sa atin.

Adaline L., Prince Edward Island, Canada