2022
Pamagat ng Artikulo
Abril 2022


“Sumulong nang May Tiwala sa Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Exodo

Sumulong nang May Tiwala sa Panginoon

Kapag nagtitiwala ka sa Panginoon, nasa iyo ang Kanyang tulong sa bawat araw.

dalagitang naglalakad sa tuyong lupa sa dagat na hinawi

Isipin na kunwari ay kasama ka ni Moises nang pamunuan niya ang mga anak ni Israel na makaalis ng Egipto at makawala sa mga gapos ng pagkaalipin. Habang nagkakampo sa Dagat na Pula, nakikita mo ang hukbo ng mga taga-Egipto na nagmamadaling lumapit sa inyo sakay ng kanilang mga karwahe. Isinugo sila ni Faraon para habulin kayo.

Ang Dagat na Pula ay nasa harap ninyo. Nasa likuran ninyo ang hukbo ni Faraon. Wala na kayong matakbuhan!

Natatakot na ang marami sa paligid ninyo. Sinabi nila na mas mabuti sanang nanatili na lang sila sa Egipto kaysa mamatay sa ilang. Narinig mong sinabi ni Moises sa lahat na magtiwala na “ipaglalaban kayo ng Panginoon” (Exodo 14:14).

Pagkatapos ay hinawakan ni Moises ang kanyang tungkod at iniunat ang kanyang kamay sa Dagat na Pula. Biglang nahawi ang tubig, kaya nakadaan kayo at ang lahat ng anak ni Israel sa tuyong lupa (tingnan sa Exodo 14:16–22). Ang Panginoon ay naglaan ng paraan para makatakas sila.

Ang paghawi ng Dagat na Pula ay isa sa mga pinakapambihirang himala sa Biblia. Nagawa ni Moises ang himalang ito dahil nagtiwala siya sa Panginoon. Isipin kung ano ang magagawa mo kapag ginawa mo rin ito!

Ang Kapangyarihan ng Pagtitiwala

Hindi man tayo mahaharap sa mga hamon na hinarap ni Moises, pero mayroon pa rin tayong sariling natatanging mga hamon. Ang sagot sa ating mga hamon ay katulad ng kay Moises: magtiwala sa Panginoon.

Alam ni Moises na ang Panginoon lamang ang makapagliligtas sa mga anak ni Israel. Alam niya ito dahil nagkaroon siya ng mga karanasan kung saan natuto siyang magtiwala sa Panginoon noong bata pa siya (tingnan sa Exodo 1:21; 3:2–10; 7–11).

Isipin ang mga karanasan mo o ng ibang kakilala mo na nagsasabi sa iyo na maaari kang magtiwala sa Panginoon. Matutulungan ka ng mga iyon na manampalataya sa Kanya ngayon. Narito ang ilang paraan na matutulungan ka ng pagtitiwala mo sa Panginoon na makaraos sa bawat araw.

Magtiwala na Magiging Maayos ang Lahat

Kung minsan, ang pagtitiwala sa Panginoon ay maaaring mahirap, lalo na kapag hindi mo nakikita kung ano ang kalalabasan ng mga bagay-bagay. Sa mga sandaling tulad nito, hinihikayat tayo na “masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24). Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol na, ito ay totoo dahil “alam” ng Ama sa Langit at ni Jesucristo “kung paano magkakalakip na gumagawa ang lahat ng bagay, at alam Nila kung ano ang mabuti para sa atin.” 1

Magtiwala sa Paghahayag

Paano nalaman ni Moises ang gagawin nang siya at ang mga anak ni Israel ay wala nang mapuntahan? Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ito ay sa pamamagitan ng “diwa ng paghahayag” (Doktrina at mga Tipan 8:3). Tulad ni Moises, mapagtitiwalaan natin ang mga pahiwatig at inspirasyong ibinibigay sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na maaari tayong “tumanggap ng patnubay at direksyon, mabalaan sa panganib at ligalig, at mabigyan ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na hindi natin kakayanin nang mag-isa.” 2

Gawin ang Unang Hakbang

Ipinakita ni Moises at ng mga anak ni Israel ang kanilang tiwala sa Panginoon sa unang paghakbang nila sa tuyong lupa kung saan naroon dati ang dagat.

Ipinapakita natin ang ating tiwala sa Panginoon kapag may tapang tayong gawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon. Kung minsan ang ibig sabihin nito ay kailangan tayong “lumakad patungo sa dulo ng liwanag, pagkatapos ay ilang hakbang pa papasok sa kadiliman; pagkatapos ay lilitaw ang liwanag at ipapakita sa inyo ang daan.” 3

Alalahanin ang Dakilang Gawain na Ginagawa ng Panginoon para sa Iyo

Pagkatapos ng karanasan nila sa Dagat na Pula, “nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon … at sila’y sumampalataya sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Moises” (Exodo 14:31). Sa kasamaang-palad, nalimutan nila ang mga bagay na ito sa paglipas ng panahon. Hindi sapat na makita ang dakilang gawain ng Panginoon sa ating buhay; kailangan din nating alalahanin ang ginawa Niya para sa atin. Kapag ginawa natin ito, magkakaroon tayo ng pananampalataya na muling magtiwala sa Kanya.

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Be Not Afraid—Believe Our Lord Jesus Christ,” New Era, Hulyo 2019, 4.

  2. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2018 (Liahona o Ensign, Mayo 2018, 94).

  3. Harold B. Lee, ayon sa sipi sa Boyd K. Packer, “The Edge of the Light,” BYU Today, Mar. 1991, 23.