2022
Pagkakataong Matuto at Lumago nang Magkasama
Abril 2022


“Pagkakataong Matuto at Lumago nang Magkasama,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.

Tulong sa Buhay

Pagkakataong Matuto at Lumago nang Magkasama

Marami tayong matututuhan mula sa mga kapatid ng mga taong may kapansanan.

magkapatid

Pagkatapos ng mahirap na araw sa paaralan, sa wakas ay nakauwi na si Lucy S. (13, mula sa Utah, USA). Napansin ng kapatid niyang si David (12) na nagalit siya.

“Ano’ng problema?” tanong ni David. “OK ka lang ba?”

Malaki ang nagawang kaibhan kay Lucy ng pag-aalala ni David. “Mas bumuti ang pakiramdam ko,” sabi ni Lucy. “May autism si David, at madalas ay nakatuon lang siya sa bagay na interesado siya, pero kapag nakikita niya ang isang taong malungkot o nag-iisa, nilalapitan niya sila. Alam na alam niya ang nangyayari sa ibang mga tao. Iyon ang klase ng kanyang pagkatao—siya ay mabuti, tunay, at tapat.”

Alam ng mga kapatid na katulad ni Lucy na ang paglaki kasama ang isang kapatid na may kapansanan ay maaaring mahirap, pero alam din nila kung gaano ito kaganda. At alam nila ang maraming pagpapalang maaaring dumating. Marami silang maituturo sa atin. Basahin ang mga halimbawa ng natutuhan ng ilan sa mga kapatid na ito na maaari ring makatulong sa iyo.

Talagang Kilalanin Sila

Sina Anela (14), Chiyo (11), at Daniel (10) mula sa Pilipinas ay may kapatid na lalaki, si Bien (12), na may cerebral palsy. Nakikita nila siya bilang isang natatanging tao na may mga kalakasan. Nais nilang makilala ng iba si Bien gaya ng pagkakilala nila sa kanya.

magkakapatid na tumutugtog ng ukulele

“Sa lugar kung saan kami nakatira, may matarik na burol na tinatawag naming magkakapatid na ‘bundok,’” sabi ni Anela. “Masaya kaming nagbibisikleta paakyat ng burol at nag-uunahan sa pagbaba. Nahihirapan si Bien sa pag-akyat, kaya tinutulungan namin siya. Kung minsan nakatitig sa kanya ang mga tao. Nababahala ako kapag ganoon ang nangyayari. Pero parang wala lang iyon kay Bien. Ngumingiti siya at kumakaway sa kanila habang dumaraan kami.

“Sana’y malaman ng mga tao kapag nakikita nila si Bien na mabait siya at masaya na makasama ang ibang tao. Mahiyain siya sa una, pero masaya siyang kasama kapag komportable na siya. Hindi niya nagagawa ang kayang gawin ng mga taong may kakayahan, pero gustung-gusto niyang matuto. Natutuhan ko kay Bien na hindi tayo dapat mag-alala nang husto tungkol sa iniisip ng lahat tungkol sa atin, at dapat nating pakitunguhan nang may kabaitan ang lahat.”

Mahalaga ang Pasensya

“Kung minsan mahirap pagpasensyahan si David, lalo na kapag ayaw niyang makinig,” sabi ni Lucy. “Kung minsan hindi niya ito maiwasan, kaya ayaw kong magalit nang sobra sa kanya, pero gusto ko ring matiyak na natututo siya at nauunawaan niya ito. Mahalagang magkaroon ng balanse. Tinutulungan ako nitong malaman kung paano ko tutulungan ang kapatid ko.”

Natuklasan ni Chiyo na ang pagpapasensya ay nakakatulong para matuto si Bien. “Tumutulong ako na turuan ang kapatid ko ng alpabeto, mga kulay, bilang, at mga hayop,” sabi ni Chiyo. “Kung minsan ay nahihirapan siyang tukuyin ang mga hayop. Lagi ko siyang tinutulungan, at makalipas ang ilang panahon, napansin kong natututo na siya. Nagbabanggit ako ng isang hayop, ituturo niya ang retrato, at tama naman siya sa ilan sa mga ito! Itinuturo sa akin ng halimbawa ni Bien na kailangan ng panahon para matuto ng mga bagong bagay at maaaring mahirap ito, pero kung magtitiyaga ka at patuloy na magpapraktis, matututuhan mo ito kalaunan.”

Sikaping Ibilang ang Iba

“Gustung-gusto ko na iniisip ng pamilya ko ang kapatid ko bago kami gumawa ng aktibidad para maging masaya rin siya,” sabi ni Anela. “Isinasali rin namin si Bien sa pagtulong sa bahay,” sabi ni Chiyo. “Kaya niyang itupi ang ilang damit niya at magwalis ng sahig.”

Nakita rin ni Lucy kung paano ipinadarama ng mga guro at kaibigan sa simbahan na malugod na tinatanggap si David. “Nakakatuwang makita ang mga tao na sinusubukan at inaalam ang mga bagay na gusto ni David,” sabi ni Lucy. “Sa ngayon, talagang gusto niya ang Star Wars, kaya tinatanong siya ng mga miyembro ng ward tungkol dito. Alam nila na isang bagay ito na gugustuhin niyang pag-usapan. Sinusubukan ng isa sa kanyang mga guro na kahit paano ay isama sa mga lesson ang gusto ni David. Nakakatulong ito para mas magtuon siya sa klase.”

Maaaring iba ang hitsura ng isang tao, iba ang kilos niya, o may iba’t ibang kakayahan, pero lahat tayo ay kabilang. Maraming paraan para matulungan ang lahat na madama na sila ay kabilang at mahalaga. Kapag mas sinisikap nating gawin ito, mas matututo at lalago tayong lahat.

pinagagaling ni Jesus ang lalaking ibinababa sa bahay

Si Cristo at ang Lalaking Lumpo, ni J. Kirk Richards