2022
7 Paraan na Maililigtas Ka ng Panginoon
Abril 2022


“7 Paraan na Maililigtas Ka ng Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Exodo 7–20

7 Paraan na Maililigtas Ka ng Panginoon

Alamin ang tungkol sa pito sa maraming paraan na maililigtas tayo ng Panginoon mula sa ating mga hamon sa araw-araw.

dalagita

Kapag nahaharap kayo sa isang hamon na tila walang solusyon, ano ang ginagawa ninyo?

Noong nasa Egipto ang mga sinaunang Israelita, dumanas sila ng matitinding hirap. Mga alipin sila. Napilitan silang gumawa ng mabibigat na gawain. Wala silang pag-asa para sa mas magandang buhay. Kaya ano ang ginawa nila? “[Sila ay] dumaing … sa Diyos” para humingi ng tulong (Exodo 2:23).

At sumagot ang Panginoon. Naalala Niya ang Kanyang mga pinagtipanang tao at isinugo si Moises para tulungan silang makalaya. Sa pamamagitan ni Moises, nagdala ang Panginoon ng mga palatandaan at kababalaghan, mga salot at himala. Pinatigas ng Faraon ang kanyang puso sa mahabang panahon. Ngunit matapos ang kakila-kilabot na mga salot, sa huli ay pinayagan niyang umalis ang mga Israelita (tingnan sa Exodo 2–12).

Pero kahit nakalaya na sila, hindi pa natapos ang mga problema ng mga Israelita. Dumanas sila ng maraming pagsubok at maraming problema.

Sa kabuuan ng lahat ng ito, paulit-ulit na sinubukan ng Panginoon na ituro ang isang simpleng aral: Kung magtitiwala kayo sa Kanya, ililigtas Niya kayo.

Iba’t Ibang Uri ng Pagliligtas

Ang Panginoon ay may kapangyarihang iligtas tayo mula sa mga hamon at problemang kinakaharap natin. Pero marami Siyang iba’t ibang paraan ng pagliligtas sa atin, at kung minsa’y maaaring hindi ito ang inaasahan natin. Matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan kung ano ang ilan sa iba’t ibang uri ng pagliligtas na iyon.

Narito ang pitong iba’t ibang paraan na iniligtas ng Panginoon si Moises at ang kanyang mga tao—at kung paano Niya kayo maililigtas.

1
Pagpapalambot ng inyong puso

Maaaring hindi naging madali para sa mga Israelita na maniwala na isinugo ng Panginoon si Moises. Pero para sa mga nanampalataya, mapapalambot ng Panginoon ang kanilang mga puso sa mensahe ni Moises. (Katulad ito ng ginawa Niya para kay Nephi upang maniwala siya sa mga salita ng kanyang ama [tingnan sa 1 Nephi 2:16]).

Maaaring nahihirapan kayo kung minsan na maniwala, makaunawa, o tumanggap ng isang bagay na sinabi ng mga lingkod ng Panginoon. Pero kung kayo ay mapagpakumbaba at tapat, maililigtas kayo ng Panginoon mula sa pagkalito, kapaitan, at kabiguan sa pamamagitan ng pagpapalambot ng inyong puso.

2
Pagpapalambot ng puso ng iba

Matapos isilang si Moises, ipinahayag ng faraon na bawat batang Israelita na isinilang sa panahong iyon ay dapat patayin. Pero naligtas si Moises dahil pinalutang siya ng kanyang ina sa ilog lulan ng isang basket. Natagpuan ng anak na babae ni Faraon si Moises at naantig siya, kaya nagpasiya siyang palakihin ang sanggol bilang kanyang sariling anak. Napalambot ang kanyang puso. (Tingnan sa Exodo 2:1–10.)

Kung minsan ang mga taong makagagawa sa inyo ng pinsala ay sapat na binubuksan ang kanilang puso para tumagos ang tinig ng Panginoon, na naghihikayat sa kanila na maawa. Maililigtas ka ng Panginoon mula sa problema sa pamamagitan ng pagtulong na mapalambot ang puso ng iba.

3
Binibigyan ka ng lakas

Nang unang hilingin ni Moises kay Faraon na payagan ang mga Israelita na umalis, tumugon si Faraon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas malalaking pasanin kaysa dati. Marami sa mga Israelita ang nagreklamo, pero tiniis nila ang mga pasaning iyon.

Nais ng Panginoon na ipaubaya ninyo ang inyong mga pasanin sa Kanya. Kung magtitiwala kayo sa Kanya, talagang kaya Niyang mapagaan ang mga pasanin (tingnan sa Mosias 24:13–15). Maililigtas Niya kayo mula sa pisikal, mental, o emosyonal na pagdurusa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa inyo upang makayanan ang inyong mga pasanin.

4
Pagbibigay sa inyo ng paraan para makatakas

Pagkatapos ng mga salot, pumayag na rin sa wakas si Faraon na palayain ang mga Israelita. Habang naglalakbay sila, nagbago ang isip ni Faraon at nagpadala ng mga karuwahe para habulin sila. Sa Dagat na Pula, inabutan sila ng mga karuwahe ni Faraon, at sinabi ng Panginoon kay Moises na hawiin ang tubig. Tinawid ng mga Israelita ang dagat sa ibabaw ng tuyong lupa. (Tingnan sa Exodo 14.)

Sa mahihirap na sitwasyon, kaya kayong bigyan ng Panginoon ng paraan para makatakas. Totoo ito lalo na pagdating sa tukso—tutulungan ka Niya kung mananalangin ka sa Kanya (tingnan sa 1 Corinto 10:13; Doktrina at mga Tipan 95:1; Alma 13:28).

5
Nagbibigay-inspirasyon sa iyo na makahanap ng solusyon

Habang gumagala ang mga Israelita sa ilang, madalas silang umasa kay Moises para lutasin ang kanilang mga problema. Pero tila kung minsan ay nais ni Moises na matuto sila mismong tumanggap ng inspirasyon mula sa Panginoon (tingnan sa Mga Bilang 11:29). Nagpakita si Nephi ng mabuting halimbawa nito. Nang hindi siya binigyan ng Panginoon ng detalyadong mga tagubilin kung paano lulutasin ang isang problema, kusang kumilos si Nephi, ginawa niya ang makakaya niya, humingi ng patnubay mula sa Panginoon, at nakahanap ng mga inspiradong solusyon habang ginagawa ito (tingnan sa 1 Nephi 16:18–32).

Maililigtas ka ng Panginoon mula sa mga problema sa pamamagitan ng pagbibigay-inspirasyon sa iyo na makaisip ng mga solusyon.

6
Nagbibigay-inspirasyon sa iba na tulungan ka

Nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, dinalaw si Moises ng biyenan niyang si Jethro. Nakita ni Jethro kung paanong inilalapit ng mga tao ang bawat tanong at alitan kay Moises. Sinabi niya na mapapagod dito si Moises. Pinayuhan niya si Moises na magbigay ng awtoridad sa iba pang kalalakihan na makatutulong sa kanya. Sinunod ni Moises ang payong ito at pinagpala nito. (Tingnan sa Exodo 18:13–24.)

Kadalasan binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga miyembro ng pamilya, guro, lider, propeta at apostol, o mga kaibigan na tulungan ka sa mga hamon. Maililigtas ka ng Panginoon mula sa iyong mga problema sa pamamagitan ng pagbibigay-inspirasyon sa iba na tulungan ka. (At maaari ka ring mabigyang-inspirasyon na tulungan din ang iba.)

7
Pagtugon sa iyong mga pangangailangan gamit ang mga himala

Sa ilang, maraming pangangailangan ang mga Israelita, kabilang na ang pagkain at tubig. Naglaan ang Panginoon para sa kanilang mga pangangailangan sa mahimalang mga paraan. Halimbawa, binigyan niya sila ng manna na makakain, na lumilitaw tuwing umaga (tingnan sa Exodo 16). Nang kailangan nila ng tubig, binigyan ng Panginoon si Moises ng kapangyarihan na mahimalang mabigyan sila ng tubig—na mula pa nga sa isang solidong bato (tingnan sa Exodo 15:23–26; 17:1–7).

Kung magtitiwala ka sa Kanya, makagagawa ng mga himala ang Panginoon at ibibigay sa iyo ang kailangan mo. Maililigtas ka Niya mula sa kawalang-katiyakan, pag-aalala, at takot sa pamamagitan ng Kanyang mahimalang kapangyarihan.

Ating Tagapagligtas

Ang Panginoon ay may kapangyarihang iligtas tayo mula sa mga problema at kaguluhan sa araw-araw. Kapag nararanasan natin ang Kanyang pagliligtas araw-araw, nadaragdagan ang ating pananampalataya sa Kanyang pinakadakilang kapangyarihang iligtas tayo mula sa ating pinakamalalaking hamon: kasalanan at kamatayan.

Kapag inaalala natin ang Panginoon at ang Kanyang pagliligtas, naaalala Niya tayo. Binibigyan Niya tayo ng mga tipan na nagbibigkis sa atin sa Kanya at binibiyayaan tayo ng mas maraming tulong at lakas sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Tunay ngang Siya ang ating Tagapagligtas.