“Pagbabago ng Puso ni Farid,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abril 2022.
Pagbabago ng Puso ni Farid
Nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng paanyaya sa isang text message.
Noong 14 anyos si Farid, akala niya ay alam na niya ang gusto niya sa buhay, at ang relihiyon ay hindi bahagi nito. Sinabi niya sa kanyang pamilya na ayaw niyang dumalo sa kahit aling simbahan.
Kumpleto ang buhay niya sa magandang lungsod ng San Pedro Sula, Honduras. Ang mga paborito niyang aktibidad ay musika, pagsayaw, soccer, volleyball, swimming, at hiking. Ginugol niya ang halos lahat ng kanyang oras sa pagbabasa ng mga aklat ng pilosopiya at pagsama sa kanyang mga kaibigan. Nais ni Farid noon na makapag-aral at makapagtapos ng medisina, at gusto lang niyang masiyahan sa buhay.
Sinabi ni Farid na siya ay isang 14 anyos na makasarili—sarili lang niya ang iniisip niya noon. “Wala akong pakialam sa aking pamilya o sa kanilang mga pangangailangan,” sabi niya. “Madalas akong makipag-away noon sa pinsan ko.”
Pagkatapos isang araw ng Linggo, nagkaroon ng hindi inaasahang pagbabago sa buhay ni Farid. Habang nababagot siya sa bahay, nag-text sa kanya ang kaibigan niyang si Isaías at nagtanong ito kung gusto niyang sumama sa kanyang simbahan. Iyon ang unang pagbisita ni Farid sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkatapos ay inanyayahan siya ni Isaías na dumalo sa seminary, at gustung-gusto niya ito.
“May nadama ako sa aking kaluluwa na nagsabi sa akin na nasa tamang lugar ako, kasama ang mga tamang tao, at tamang simbahan,” sabi ni Farid.
Hindi nagtagal matapos siyang dumalo sa seminary sa unang pagkakataon, sumapi siya sa Simbahan. At hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagsimula niyang mapansin ang ilang di-inaasahang pagbabago sa kanyang sarili.
Mula sa Pagiging Makasarili ay Naging Hindi Makasarili
Sabi ni Farid, “Mula sa isang 14 anyos na hindi pa husto ang kaisipan at nais lamang magrebelde, ako ay naging isang binatilyo na may walang-hanggang pananaw. Napansin din ito ng pamilya ko.”
Tumigil si Farid sa pakikipag-away sa kanyang pinsan. Sa halip, sinusubukan niya ngayong humanap ng mga paraan para mapaglingkuran siya tulad ng pagluluto ng kanyang tanghalian, paglilinis ng kanyang silid, o pagtatanong kung kailangan niya ng tulong. Pero sa kabila ng mga positibong pagbabago sa buhay ni Farid, ilan sa kanyang mga kapamilya ang nagalit nang una siyang sumapi sa Simbahan.
“Hindi ko hinayaang baguhin ng kanilang mga komento ang opinyon ko tungkol sa Simbahan,” sabi ni Farid. “Nagpapasalamat ako na hindi tumigil ang pananampalataya ko. Sa halip, lalo itong lumago. Tanggap na ngayon ng pamilya ko ang aking mga paniniwala dahil nakita nila ang aking halimbawa at kung paano ako nagbago.”
May iba pang malalaking pagbabago sa pamilya ni Farid. Tinuturuan na ngayon ng mga missionary ang kanyang nanay, at gusto niyang magpabinyag!
“Ipinapangako sa atin ng Ama sa Langit na kapag nagsikap tayo, tatanggap tayo ng mga pagpapala,” sabi ni Farid. “Pero mayroon Siyang takdang panahon. Inabot ng apat na taon bago nagustuhan ng isang miyembro ng aking pamilya na magpabinyag. Hindi ito naging madali para sa akin. Natukso akong isipin na hindi totoo ang Simbahan. Pero nang tanungin ko ang Ama sa Langit tungkol sa katotohanan ng Simbahan, nakatanggap ko ng patotoo, na patuloy na nagpapalakas sa akin.”
Mga Walang-Hanggang Pamilya
Sinabi ni Farid na ang pinakamalaking pagpapalang natanggap niya simula nang sumapi sa Simbahan ay ang kaalaman na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman. Isang taon matapos sumapi sa Simbahan si Farid, pumanaw ang kanyang lolo. “Mahal na mahal ko siya,” sabi ni Farid. “Isa siya sa pinakamalalaking halimbawa ko. Talagang hindi ko tiyak kung saan siya pupunta sa kabilang-buhay.”
Kinausap siya ng isa sa kanyang mga kaibigan sa simbahan tungkol sa plano ng kaligtasan at kung paano niya magagawa ang gawain sa templo para sa kanyang lolo. Sinimulang gawin ni Farid ang kanyang family history, at nagpunta siya sa templo at nabinyagan para sa kanyang lolo.
“Nananalig ako na kapag namatay ako at dumaan sa tabing, hihintayin niya ako,” sabi ni Farid. “Ang gawain ng Panginoon ay hindi nagwawakas sa buhay na ito. Alam ko na ngayon na kung papanaw ang aking mga lolo’t lola o mga magulang, may pagkakataon kaming magkita-kitang muli sa buhay na darating. Kami ay magiging walang-hanggang pamilya.”
Magtiis Hanggang Wakas
Maraming kabataan sa Honduras ang nahaharap sa mga hamon ng droga at aktibidad ng gang. Nakakakuha ng lakas si Farid sa pag-iisip ng tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang pagpokus sa mga pagpapalang iyon ay tumutulong sa kanya na magtiis.
“Sa seminary natutuhan kong makita ang lahat ng bagay sa buhay nang may walang-hanggang pananaw,” sabi niya. “Binago nito ang buhay ko. Ngayon iniisip ko ang mga pakinabang na maidudulot sa buhay ko ng paglilingkod sa full-time mission. Alam ko na kung mananatili akong karapat-dapat, makatatanggap ako ng maraming pagpapala. Iniisip ko ang magiging mga anak ko. Malalaman nila na ang tatay nila ay naging missionary, at kapag inanyayahan ko silang maglingkod, maaari silang manalig sa aking halimbawa.”
Nais din ni Farid na patuloy na manampalataya ang iba pang mga kabataan. Ganito ang sasabihin niya sa kanila:
“Patuloy na magsikap, at hilingin sa Ama sa Langit na puspusin ka ng pananampalataya at lakas na huwag sumuko kailanman. Huwag mong sarilinin ang iyong patotoo. Lagi itong ibahagi sa isang tao: sa isang kaibigan, kapitbahay, pinsan—sinuman ito—at makikita mo na magsisimulang magkaroon ng interes sa simbahan ang ibang tao. Iyon ang nangyari sa akin. Iba-iba ang ginagawa ng Ama sa Langit sa bawat isa sa atin. Huwag sumuko kailanman. Magtiis hanggang wakas, at ibibigay sa iyo ng Ama sa Langit ang iyong gantimpala sa takdang panahon.”