2022
Manatili sa Lifeboat
Abril 2022


“Manatili sa Lifeboat,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022.

Manatili sa Lifeboat

Kapag tumatagilid ang mundo, tulad ng nangyari sa Titanic, nagsisimulang maghanap ng lifeboat ang ilang tao. Si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan ang lifeboat.

batang lalaking lumangoy papunta sa lifeboat, na may lumulubog na barko sa gawing likuran

Mga paglalarawan ni Melissa Manwill

“Malungkot na panahon ito para sa mga bata,” sabi sa akin ng isang tinedyer. “Parang nagkakawatak-watak ang mundo.”

“Talagang naharap tayo sa ilang hamon,” sagot ko. “Pero isipin ninyo ito na tulad nito: Ang mundo ay ang Titanic , at ang Simbahan ang lifeboat! Kung tutuusin, napakagandang panahon ito para maging bata! Nasa lifeboat kayo—ang perpektong lugar para matulungan ang iba.”

Nang simulan ng Titanic ang unang paglalayag nito noong 1912, sinabi ng mga tao na hindi kayang palubugin ang barko. Gayunman, nang tumama ito sa iceberg sa gitna ng hilagang Atlantic Ocean, nagsimula itong lumubog. Sinabi ng kapitan sa lahat na sumukay sa mga lifeboat, pero kumbinsido sila na nakasakay sila sa isang barko na hindi kayang palubugin. Nakita ng karamihan sa mga pasahero na hindi kailangang sumakay sa lifeboat—hanggang sa tumagilid na ang Titanic sa isang panig. Dito na ginusto ng lahat na sumakay sa lifeboat. 1

Pero sa oras na iyon, huli na ang lahat.

dalagitang nakasuot ng mask

Noong 2019 sinabi ng ilang tao, “Walang makapipigil sa ekonomiya ng mundo. Ang bilang ng mga walang trabaho sa iba’t ibang panig ng mundo ay mas mababa kaysa kailanman.” Pagkatapos ay dumating ang isang virus na hindi natin nakikita, at pinatagilid nito ang mundo. Hindi lamang nagkasakit ang milyun-milyong tao at marami ang namatay, kundi marami rin ang nawalan ng trabaho at may takot sa lahat ng dako. Sa panahon ng pandemya, natanto ng maraming tao kung paanong si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan ay isang lifeboat.

Maniwala sa Diyos

Ipinakita sa isang internasyonal na pag-aaral kamakailan na mas maraming kabataan ngayon higit kailanman ang nagsasabi na sila ay mga ateista. Iniisip ng mga taong ito na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nakagagawa ng kaibhan pagdating sa pagiging mabuti, moral, at etikal na tao. 2

Narito ang hamon: Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang maniwala sa Kanya o hindi, pero hindi tamang sabihin na wala itong nagagawang kaibhan. Ang ating paniniwala sa Diyos ay nakakaapekto sa pagtingin natin sa ating sarili at sa pagtingin at pakikitungo natin sa iba. Ipinapakita ng mga pag-aaral na sa panahon ng kaguluhan at krisis, mas nakakayanan ito ng mga nananalig kaysa ng mga hindi nananalig. 3

Pahalagahan ang Organisadong Relihiyon

Maraming tao ang naniniwala sa Diyos pero hindi naniniwala sa organisadong relihiyon. Sabi nila, “Espirituwal ako, hindi relihiyoso.” Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang espirituwalidad ay maaaring ang tanging kailangan natin kung mag-isa tayong nakatira sa mga tuktok ng bundok, pero kabilang tayo sa mga pamilya, komunidad, at lipunan. 4 Madaling maupo nang mag-isa sa tuktok ng bundok at sabihing, “Mahal ko ang lahat.” Kung walang iba pang nakapaligid, hindi ninyo kailangang isagawa ang espirituwal na paniniwalang iyon. Kailangan natin ang mga kaugalian at pamantayan ng relihiyon para tulungan tayong maipakita ang mga ideyal na tulad ng “pagmamahal sa lahat” sa realidad ng isang sandali na may isang tao na hindi kaibig-ibig. Natutulungan tayo ng Simbahan ni Jesucristo na gawin iyan.

Sa tingin ng ilang tao ay hindi kailangan ang organisadong relihiyon, pero gusto nila na organisado ang mga paaralan, lungsod, tindahan, paliparan, at ospital. Nakikita nila ang pakinabang ng pagpunta sa ospital kung saan organisado ang gawain at mga manggagawa at may mga patakaran at inaasahan para sa lahat. Nakikita natin ang gayunding kapakinabangan sa isang organisadong Simbahan.

Tulungan ang Iba na Mahanap ang Lifeboat

yakap ni Jesucristo ang bata

Kapag tumatagilid ang mundo, tulad ng nangyari sa Titanic, nagsisimulang maghanap ng lifeboat ang ilang tao. Si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan ang lifeboat. Magandang pagkakataon ito para maging isang kabataan dahil makagagawa kayo ng kaibhan! Kayo ay nasa isang magandang posisyon para tulungan ang iba na mahanap ang nawawala sa kanila bago pa man mahuli ang lahat. Huwag nang bumalik sa Titanic. Manatili sa lifeboat kung saan kayo makahahanap ng kaligtasan, lakas, at pagkakataong tulungan ang iba na sumama sa inyo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Susan Wels, Titanic: Legacy of the World’s Greatest Ocean Liner (1997).

  2. Tingnan sa Christine Tamir at iba pa, “The Global God Divide,” Pew Research Center, Hulyo 20, 2020, pewresearch.org.

  3. Tingnan sa Jacqueline Ruth Mickley at iba pa, “God and the Search for Meaning among Hospice Caregivers,” Hospice Journal, tomo 13, blg. 4 (1998), 1–17, doi.org.

  4. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Religion: Bound by Loving Ties” (debosyonal sa Brigham Young University, Ago. 16, 2016), 2, speeches.byu.edu.