“Pisikal at Espirituwal na Ehersisyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum
Pisikal at Espirituwal na Ehersisyo
“Sinisikap kong maglingkod, manampalataya, magsisi, at magpakabuti pa bawat araw.”
Matapos makalog ang ulo ko dahil sa paglalaro ng [American] football, nagsimulang sumakit ang ulo ko araw-araw. Nahirapan akong hindi pansinin ang sakit na nararamdaman ko. Isang araw nadama ko ang impresyon mula sa Espiritu Santo na ang kaligayahan ay hindi nagmumula sa ating sitwasyon kundi kung saan tayo nakatuon. Natanto ko na lagi akong nakatuon sa sakit na nararamdaman ko sa halip na sa araw-araw na mga pagpapalang natatanggap ko mula sa Diyos.
Nagsimula akong mag-isip, ano pa ang pumipigil sa akin para espirituwal na umunlad? Mapagpakumbaba kong itinanong ito sa Ama sa Langit. Alam ko na hindi ko mahahanap ang tamang sagot sa sarili ko lang, pero nasa ating Ama sa Langit ang lahat ng sagot.
Ang sagot na natanggap ko ay tila napakasimple, pero ito ang kailangan ko: “Bumangon ka at muling mag-ehersisyo.” Nagsimula akong mag-ehersisyo sa kabila ng palagiang sakit na nadama ko. Natagpuan ko na mas napapalapit ako sa Diyos.
Kapag nag-eehersisyo ako, hindi ko nakikita kaagad ang mga resulta. Pero kung patuloy akong nagpupursige, may nakikita akong pagbabago. Ganyan din ang alituntunin sa espirituwal na paglago. Kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan, maaaring hindi natin maranasan kaagad ang pagbabago. Kung patuloy tayong magbabasa ng mga banal na kasulatan at magtatanong nang taos-puso, makikita natin ang kaibhan sa mga pagpapalang natatanggap natin at sa ating pananampalataya.
Binigyan ako ng Diyos ng labis na pagmamahal. Sa pag-eehersisyo ko kapwa sa pisikal at espirituwal, mas napapalapit ako sa Kanya. Ang pagiging malapit sa Ama sa Langit ang pinakamalaking kapanatagan ko at uri ng kapayapaan. Kapag tumatanggap kayo ng sakramento, inaanyayahan ko kayong magtuon sa espirituwal na pag-unlad na magagawa ninyo sa darating na linggo. Ibibigay sa inyo ng Espiritu Santo ang personal na patnubay na kailangan ninyo.
Ang awtor ay nakatira sa Netherlands.