“Ang Nakapagpapabago ng Buhay na Kapangyarihan ng Pag-alaala sa Kanya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hun. 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mateo 26:26–29; Marcos 14:22–25
Ang Nakapagpapabago ng Buhay na Kapangyarihan ng Pag-alaala sa Kanya
Sa pamamagitan ng sakramento at ng Espiritu Santo, inaalala natin si Jesucristo at nagkakaroon tayo ng lakas, kapayapaan, at kagalakan.
Nang tipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem para sa Paskua, ang huli Niyang pagkain kasama nila sa mortalidad, alam Niyang “dumating na ang [Kanyang] oras” (Juan 13:1). Hindi magtatagal ay iaalay Niya ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo.
Nakasama at nakausap ng mga Apostol si Jesus. Narinig nila ang Kanyang mga turo at nakita ang Kanyang mga himala. Ngayo’y kailangan na Niyang umalis? Ano na ang mangyayari sa kanila kapag wala Siya?
Ibinahagi ni Jesus sa kanila kung paano nila Siya maaalala kapag hindi na nila Siya kasama. Pinasimulan Niya ang sakramento at nangakong isusugo ang Espiritu Santo.
Bilang mga disipulo ng Panginoon sa mga huling araw, iniuutos sa atin na alalahanin Siya sa tuwina. Habang ibinabahagi ko kung paano tayo tinutulungan ng sakramento at ng Espiritu Santo na alalahanin at sundin si Jesucristo, inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan na mas maaalala at masusunod ninyo Siya araw-araw.
Mga Pagpapala ng Sakramento
Sa Huling Hapunan, binasbasan ni Jesus ang tinapay at ibinigay ito sa Kanyang mga Apostol, sinasabing, “Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.” Pagkatapos ay “kumuha siya ng isang saro at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Uminom kayong lahat nito sapagkat ito ang aking dugo … na nabubuhos dahil sa marami” (Mateo 26:26–28).
Sinabi Niya, “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin” (Lucas 22:19).
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, iniuutos sa ating tumanggap ng sakramento bawat linggo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9, 12). Ang banal na ordenansang ito ng priesthood ay paulit-ulit na paanyaya na magsisi nang taos-puso, mapanibago sa espirituwal, at alalahanin si Jesucristo.
Ang pagkain at pag-inom ng tinapay at tubig ay hindi nagbabayad ng mga kasalanan. Ngunit kapag mapanalangin at taos-puso tayong naghahanda at karapat-dapat na nakikibahagi sa ordenansa, sinusuri natin ang mga kilos at hangarin ng ating puso at tinatanggap ang paanyaya ng Panginoon na magsisi (tingnan sa Moises 6:57). Kapag iniaalay natin ang sakripisyong hinihingi Niya—isang bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:20)—pinangakuan tayo na sa tuwina ay mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. At sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo na ating palagiang patnubay, tayo ay makatatanggap at laging makapananatili ng kapatawaran sa ating mga kasalanan (tingnan sa Moroni 6:4).
Matapos tumanggap ng sakramento sa isang pulong sa pamumuno, sinabi ni Pangulong Russel M. Nelson: “Gumawa ako ng tipan nang makibahagi ako ng sakramento na magiging handa akong tanggapin sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo at magiging handa akong sundin ang Kanyang mga kautusan. Madalas, naririnig ko ang pahayag na nakikibahagi tayo ng sakramento para magpanibago ng mga tipang ginawa sa binyag. Bagama’t totoo iyon, ito ay higit pa roon. Gumawa ako ng bagong tipan. Gumawa kayo ng mga bagong tipan. … Ngayon bilang kapalit nito ay ipinapahayag [ng Panginoon] na palagi nating makakasama ang Kanyang Espiritu. Kaylaking pagpapala!”1
Sa oras ng sakramento, inaalala natin si Jesucristo at kung paano “S’ya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay”2 para sa atin. Ang taimtim na paghahanda para sa sakramento at taos-pusong pagtanggap nito ay nagdudulot ng espirituwal na pagpapanibago, kapangyarihan ng langit, at ng mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon.
Anyayahan ang Espiritu Santo
Ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na isusugo sa kanila ng Ama ang Mang-aaliw, o ang Espiritu Santo, upang pagpalain sila pagkatapos Niyang lumisan (tingnan sa Juan 14:26).
Ang tungkulin ng Espiritu Santo ay gabayan (tingnan sa Juan 16:13), tagubilinan (tingnan sa 2 Nephi 32:5), aliwin at panatagin (tingnan sa Juan 14:26), pangalagaan (tingnan sa Mosias 2:36), at pabanalin (tingnan sa 3 Nephi 27:20) tayo. Maaari lamang Siyang makipagtulungan sa atin at sa pamamagitan natin kung taos-puso nating hahangarin ang Kanyang palagiang patnubay at angkop na maghahanda at aanyayahan Siya sa ating buhay.
Para maanyayahan ang Espiritu Santo, mag-aral, magnilay-nilay, at magpakabusog sa mga salita ni Cristo sa mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 31:20). Patuloy na manalangin. Tapat na kumilos ayon sa mga pahiwatig. Maghangad ng mabubuting kaisipan, kilos, at pananalita. Sumamba sa tahanan, sa templo, at sa simbahan.
Kapag inilakip ninyo ang mabubuting gawaing ito sa inyong buhay, ang pangako ng Panginoon ay “sa tuwina ay mapasa[inyo] ang kanyang Espiritu upang makasama [ninyo]” (Doktrina at mga Tipan 20:77; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Isang Malaking Pagbabago
Nang magpakita ang isang anghel ng Panginoon sa Nakababatang Alma at sinabihan siya na magsisi, si Alma ay nalugmok sa lupa at hindi makapagsalita o makagalaw nang ilang araw.
Sa panahong ito, giniyagis siya ng alaala ng kanyang mga kasalanan, ngunit naalaala niya na narinig niya ang kanyang ama na nagpropesiya “hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” Itinala niya kalaunan, “Nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako. … At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit” (Alma 36:17–19).
Hindi ang pagpapakita ng anghel ang nagpabago kay Alma. Ang pag-alaala kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang nagbunsod sa kanya na magsisi at manalangin para sa kapatawaran at awa, makadama ng napakalaking kagalakan, at maging tapat na disipulo.
Kapag inaalala ninyo si Jesucristo at masigasig ninyo Siyang hinahanap at sinusunod, Siya ay nagiging higit pa sa pinakamahalagang personahe sa mga kuwento sa mga banal na kasulatan. Ang Kanyang kabanalan at buhay na katotohanan ay nakakaimpluwensya sa inyong mga desisyon sa araw-araw, nagpapala sa inyo, at nagpapasigla sa inyo na maging higit na katulad Niya. Ang malaking pagbabagong ito ay nagsisimula kapag inaalala ninyo si Jesucristo!
Ang Inaasam Ko para sa Inyo
Pinatototohanan ko na pagpapalain kayo ng Panginoong Jesucristo kapag inaalala ninyo Siya, tinataglay ang Kanyang pangalan, at sinusunod ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Sabi Niya, “At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo” (3 Nephi 18:7).
Umaasa ako na sa susunod na tumanggap kayo ng tinapay at tubig sa oras ng sakramento, sasabihin ninyo sa inyong puso: “Hinding-hindi ko Siya malilimutan o ang Kanyang sakripisyo para sa akin. Mamahalin at susundin ko Siya.” Dalangin ko na gagawin ninyo ang pasiyang ito sa buong buhay ninyo.
Nawa’y sumulong kayo nang may lakas, kapayapaan, at kagalakang nagmumula sa pag-alaala at pagsunod kay Jesucristo sa tuwina.