2023
Buksan ang Switch!
Hunyo 2023


“Buksan ang Switch!” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023.

Buksan ang Switch!

May nakareserbang lakas na maaari mong gamitin kapag nakadarama ka ng kahungkagan, kalungkutan, o pagkaligaw.

binatilyong nakasakay sa motorsiklo

Mga paglalarawan ni Dean Macadam

Nitong huling dalawang summer ng high school, pinagtrabaho ako ng mga magulang ko sa aking tiyuhin sa Idaho. Pinamamahalaan niya ang Budge’s Golden Sunshine Honey, isang negosyo ng pamilya na sinimulan ng lolo ko.

Alam ng tatay ko kung ano ang mararanasan ko roon. Lumaki siya na “nagtatrabaho na napapalibutan ng mga bubuyog.” Gusto niyang matutuhan ko kung paano magtrabaho tulad ng ginawa niya. Mahirap ang trabaho, at kakaunti ang mga benepisyo, maliban sa isa: paminsan-minsan, hinahayaan ako ng tiyuhin ko na sumakay sa kanyang motorsiklo.

Isang araw, nagpasiya akong mamasyal gamit ang motorsiklo. Ang bughaw na kalangitan, maliwanag na sikat ng araw, at hangin na umiihip sa aking buhok ay talagang kasiya-siya! Sa loob ng ilang sandali, tila sulit ang lahat ng mahabang oras ng pagtatrabaho. Maya-maya, biglang pumugak-pugak ang motorsiklo at huminto. Naubusan ako ng gas sa liblib na lugar! Nangyari ito noong wala pang mga cell phone, kaya mag-isa lang ako.

Naisip ko na magagalit ang tiyuhin ko kapag iniwan ko ang motorsiklo at bumalik sa bayan, kaya nagpasiya akong itulak ang motorsiklo pauwi. Madilim na nang makarating ako sa bayan. Sarado ang gasolinahan. Nauuhaw ako, gutom, at pagod.

Habang itinutulak ko ang motorsiklo papuntang bayan, nakita ko ang trak ng aking tiyuhin na nakaparada sa labas ng sinehan. Nahanap ko siya at ikinuwento ko sa kanya ang nangyari. Nagulat ako sa tugon niya.

“Bakit ka mauubusan ng gas?” tanong niya.

Lumabas siya papunta sa motorsiklo at binuksan ang switch. Pagkatapos ay pinihit niya ang susi at sinipa ang starter. Laking gulat ko nang umandar ang motor!

“Paano mo iyan nagawa?” tanong ko.

“May reserbang tangke sakaling maubusan ka ng gas,” sabi niya. “Ang kailangan mo lang gawin ay buksan ang switch.”

Nahiya at napahiya, sinakyan ko ang motorsiklo pauwi.

Ang Talinghaga tungkol sa Motorsiklo

Madalas kong isipin ang karanasan ko sa motorsiklo. Sa paglipas ng mga taon, naging parang talinghaga ito sa akin.

Sa buhay na ito, tayo ay “nauubusan ng gas,” sa espirituwal na aspeto. Gusto nating umasa sa sarili nating resources at lakas na lutasin ang ating mga problema. Kung minsan nagkakaproblema tayo, pero nahihiya tayong humingi ng tulong. Ngunit sa espirituwal, parang pagpipilit iyan na ilakad ang motorsiklo nang walang tulong. Hindi natin alam na may switch na makapagbibigay ng lakas.

Sa halip na piliting itulak ang ating “motorsiklo” gamit ang sarili nating lakas, dapat nating “buksan ang switch” at gamitin ang pinakadakilang pinagmumulan ng kapangyarihan sa buhay na ito: ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo. Upang magamit ang Kanyang kapangyarihan, kailangan nating lumapit sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, magsisi, at maniwala (tingnan sa 2 Nephi 2:7; Alma 26:35). Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mabubuksan natin ang espirituwal na switch na nagbibigay sa atin ng lakas na kailangan natin para makabalik sa ating tahanan sa langit.1

Siya ay Laging Naririyan

Kung nababagabag tayo dahil sa kasalanan, nilinaw ng Panginoon na kinakailangan tayong “magsisi o magdusa” (Doktrina at mga Tipan 19:4). Hinihiling Niya sa atin na tanggapin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. “Ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat,” sabi Niya sa atin, “upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi” (Doktrina at mga Tipan 19:16).

Kung minsan ang ating pagsisisi ay maaaring mangailangan ng matinding “pagkukumpuni” at ng tulong ng “espirituwal na mekaniko” tulad ng isang magulang o bishop. Ngunit dapat lagi tayong humingi ng tulong sa Panginoon. Malaki ang Kanyang kagalakan kapag nagsisisi tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:13).

Pinatototohanan ko na nariyan si Jesucristo para tulungan tayo sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Hindi natin kailangang umasa sa sarili nating lakas. Kapag nagsumamo tayo sa Kanya at sinunod ang Kanyang mga kautusan, dahan-dahan Niya tayong aakayin “[mula sa kadiliman tungo] sa liwanag ng araw.”2 Kahit nakadarama tayo ng kahungkagan, kalungkutan, o pagkaligaw, maaari nating “buksan ang switch” at makahanap ng panibagong lakas at direksyon.

Mga Tala

  1. Binanggit sa kuwento ko tungkol sa motorsiklo ang tungkol sa backup o reserbang tangke ng gasolina, ngunit hindi ko ipinapahiwatig na ang pag-asa kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay backup na plano. Siya ang plano!

  2. “Magsipaglapit kay Jesucristo,” Mga Himno, blg. 68.