“Ang Susunod na Level,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023.
Ang Susunod na Level
Gusto mo bang mas matuto sa iyong pag-aaral ng ebanghelyo? Subukan ang tip na ito.
Sa video gaming, “nagle-level up” ka kapag natapos mo ang isang level ng isang laro at gagawin mo na ang kasunod. Magdudulot ito sa iyo ng pakiramdam na nagtagumpay ka. Kaya isipin mo na lang kung gaano kasaya ang makarating sa susunod na level sa isang bagay na mas mahalaga—tulad ng pag-unawa mo sa ebanghelyo.
Narito ang isang tip na tutulong sa iyo na “mag-level up” sa iyong pag-aaral ng ebanghelyo.
Ang Kapangyarihan ng mga Simpleng Simbolo
Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan at pinag-iisipan ang mga espirituwal na bagay, ang isang paraan para mas tumaas ang level ay maghanap ng mga simbolo.
Ang mga simbolo ay mga simpleng bagay (mga larawan, kulay, bagay, kilos, galaw) na nagpapaalala sa atin ng iba pang mas kumplikadong mga bagay (mga ideya, turo, alituntunin). Tinutulungan tayo nitong makipag-ugnayan nang mabilis at mas matuto.
Ang mga simbolo ng ebanghelyo ay nariyan na sa simula pa lang. Sinabi ng Panginoon kay Adan, “Ang lahat ng bagay ay may kani-kanyang kahalintulad, at ang lahat ng bagay ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa akin” (Moises 6:63). Kaya, gumagamit ang Panginoon ng mga simbolo para tulungan tayong malaman ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.
Narito ang isang halimbawa.
Maghanap ng mga Simbolo
Habang pinag-aaralan mo ang ebanghelyo, makakahanap ka ng mga simbolo na tutulong sa iyo na matuto. Narito ang ilang paraan na mas madali mo itong makikita at mauunawaan.
-
Maghanap ng mga kuwento, talinghaga, panaginip, at pangitain. Ang mga ito ay kadalasang kinapapalooban ng mga simbolo.
-
Tingnan kung ang mga simbolo ay ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang Kanyang talinghaga tungkol sa manghahasik. Nakatanggap si Nephi ng pangitain na ipinapaliwanag ang panaginip ng kanyang ama tungkol sa punungkahoy ng buhay. Maaari ka ring makahanap ng paliwanag sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl)
-
Maghanap ng mga larawan, bagay, o kilos. Kung may mga larawan, bagay, o kilos na pinakamahalaga sa isang bagay (tulad ng tinapay at tubig sa sacrament o paglulubog sa tubig sa binyag), pag-isipan kung ano ang mga bagay na iyon, ano ang ginagawa niyon, paano ginagamit, at ano ang kahalintulad ng mga ito, at iba pa. Maaaring humantong iyan sa ilang karagdagang kaalaman.
-
Pansinin kung lumabas ang mga bagay na iyon sa iba’t ibang lugar. Ang mga puno, tubig, tinapay, tupa, barko, paglalakbay—maraming bagay na makikita sa iba’t ibang lugar sa buong banal na kasulatan. Pansinin ang mga ito, at maaari kang makakita ng mas marami pang pagkakatulad.
Simula pa lamang ito. Kapag mas tumaas ang iyong level, maaari mong madama na ikaw ay “nagle-level up” sa iyong pag-aaral ng ebanghelyo. Mangyari pa, ang pinakamahalagang pagkatuto ay darating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na gagabay sa iyo at magpapatotoo sa iyo habang nag-uukol ka ng oras at pagsisikap sa mga espirituwal na bagay.