2023
Ang Iyong Halamanan ng mga Posibilidad
Hunyo 2023


“Ang Iyong Halamanan ng mga Posibilidad,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023.

Ang Iyong Halamanan ng mga Posibilidad

Kung ano ang pinagtutuunan mo iyon ang kalalabasan mo.

bahay na may halamanan

Mga larawang-guhit ni Katy Dockrill

Ang mga talinghaga sa mga banal na kasulatan at pagpapatubo ng mga halaman ay magandang kombinasyon tulad ng tsokolate at peanut butter. (O jam at toast, kung iyon ang gusto mo. O marahil ang hangin at mga saranggola, o mga dalampasigan at mga kastilyong buhangin?)

May talinghaga ng manghahasik (tingnan sa Lucas 8), talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo (tingnan sa Jacob 5), at analohiya ng pananampalataya na lumalagong tulad ng isang binhi (tingnan sa Alma 32). May talinghaga ng binhi ng mustasa (tingnan sa Mateo 13), binhi na lihim na lumalago (tingnan sa Marcos 4), at mga manggagawa sa ubasan (tingnan sa Mateo 20). Napakarami nito.

Siyempre, palaging may puwang para sa isa pang talinghaga tungkol sa halaman, ‘di ba? Ikumpara natin ang pag-aalaga ng halamanan sa pagtutuon sa tatlong mahahalagang estratehiya sa paraan ng paggamit mo ng media.

Estratehiya 1: Pumili nang may Intensyon

Sa totoong halamanan, kahit gusto mo lang magtanim ng kamatis, marami pang ibang uri ang maaari mong mapalago sa buong buhay mo. At, siyempre, maaari kang magtanim ng alinman sa napakaraming iba pang gulay, berry, prutas, o mga bulaklak. Walang katapusan ang mga posibilidad.

Subalit kahit ang bilang ng mga opsiyon na iyon ay malayo sa bilang ng mga pagpiling kinakaharap mo sa media. Matagal nang lumipas ang mga araw na ikinuwento sa iyo ng iyong lolo’t lola kung saan kailangan nilang pihitin ang pihitan ng telebisyon o radyo para makahanap ng isa o kakaunting channel o programa. Ngayon ay halos walang hangganan ang opsiyon mo sa telebisyon, mga podcast, social media, internet streaming, at marami pang iba—talagang napakaraming posibilidad.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Ngunit hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may iba pang pinakamaganda.”1

Tulad ng kailangan mong piliin kung ano ang itatanim sa lupa, nagsisimula ang mga estratehiya sa pagpili ng media sa pagpapasiya kung saan mo gugugulin ang oras mo. Huwag magsayang ng oras sa panonood sa media na hindi mo naman talaga gustong piliin. Mahalaga ang oras mo! Gamitin ito sa pinakamagagandang opsiyon.

mga halaman at mga electronic device

Estratehiya 2: Diligan ang Gusto Mong Palaguin

Mahirap isipin na may taong nagpasiyang magtanim ng nakakalasong oak at ng nakakatusok na kulitis. Ang mundo ay puno ng mga damo na makapipinsala sa atin, tulad ng maraming uri ng nakapipinsalang media. Ang pornograpiya ay isa sa mga damong iyon, subalit hindi lamang ito.

Para hindi tubuan ng damo ang halamanan, may dalawang pamamaraan na makatutulong. Ang una ay ang pinakamadalas nating naiisip: bunutin ang mga damo sa lupa. Sa pornograpiya o iba pang negatibong media, ang katumbas nito ay ilagay sa safeguard para hindi mo na makita o magamit ang mga ganoong media.

Pero may pangalawang solusyon na hindi gaanong napag-uusapan na maaari at dapat kasama sa pagbubunot ng mga damo: pagdidilig at pag-aalaga ng magagandang halaman. Sa isang halamanan, kung sisikapin mong pagtuunan ang magagandang halaman na gusto mong palaguin, masasapawan at matatabunan ng mga ito ang mga hindi kanais-nais na mga halaman kalaunan. Ang mga pesteng damo ay magsisimulang kulangin sa tubig at sikat ng araw dahil nadaig na ang mga ito ng magagandang halaman na inaalagaan mo.

Totoo rin ito sa masasamang gawi sa paggamit ng media. Habang sinusuri mo ang iyong mga pagpipilian sa media, maghanap ng magagandang opsiyon sa media—nakasisiglang musika, mga podcast na may kalidad, nakahihimok na mga video—na makatutulong para maalis ang mga hindi kanais-nais.

Kung kailangan mo ng anumang payo kung paano piliin ang mabubuting opsiyon na iyon sa media, ipinapaalala sa atin ni Pangulong Oaks na “dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil nagpapalakas ito ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya.”2

mga bulaklak

Estratehiya 3: Palalimin ang Ugat bago Dumating ang Tag-init

May mga panahon sa buhay na tila maayos ang takbo ng buhay. Sa gayong mga pagkakataon maaaring sa pakiramdam mo ay umaayon sa iyo ang mga bagay-bagay, nang walang matinding hirap o mga problema. Para sa mga halaman, maitutulad ang panahong ito sa tagsibol.

Matalinong ginagamit ng mga halaman ang mga panahong ito. Sa halip na magpahinga, pinalalalim ng mga ito ang mga ugat sa lupa upang maprotektahan kapag dumating na ang nakakapasong sikat ng araw.

Gamit ang sarili mong mga estratehiya sa media, isaalang-alang ang gayon ding pamamaraan. Hangaring magkaroon ng mabubuting gawi sa paggamit ng media (lalo na ng mga gawi na espirituwal na nagpapalakas tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan) bago pa man dumating ang panahon ng hirap o pagsubok. Pagkatapos, kapag dumating ang mga panahong iyon, tutulungan ka ng iyong mabubuting gawi na magtagumpay.

Ganito ang pagkasabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang kakailanganin natin sa araw ng ating pagsubok ay espirituwal na paghahanda.”3 Ang isang bahagi ng gayong espirituwal na paghahanda ay ang pagbutihin pa ang iyong mga gawi sa paggamit ng media upang mapasaiyo ang Espiritu na maaasahan mo sa mga panahon ng pagsubok.

Ang idagdag ang ilang estratehiyang ito sa iyong mga pagpili sa media ay maaaring mangailangan ng dagdag na pagsisikap, lalo na sa simula, ngunit sulit ang bunga nito!

mga halaman na may mga ugat