2023
Hindi Kailanman Mababago ng Pangungutya ang Katotohanan
Hunyo 2023


“Hindi Kailanman Mababago ng Pangungutya ang Katotohanan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023.

Hindi Kailanman Mababago ng Pangungutya ang Katotohanan

Maaari kang manindigan sa katotohanan kahit pinagtatawanan ka ng mga tao.

binatilyo na dinuduro

Larawang-guhit ni David Klug

Nabubuhay tayo sa panahon na parami nang parami ang mga taong nangungutya kay Jesucristo, sa Kanyang mga turo, at sa Kanyang mga tagasunod.

Ang ibig sabihin ng mangutya ay manghiya, gawing katatawanan, o manghamak. Hindi madaling makutya, ngunit ang paraan ng pagtugon mo rito ay gumagawa ng malaking kaibhan.

Tularan ang Halimbawa ng Tagapagligtas

Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano tutugon sa pangungutya. Tiniis Niya ang pangungutya ng mga taong hindi naniwala sa Kanya. Ngunit hindi kailanman mababago ng kanilang pangungutya ang katotohanan: Siya ang Anak ng Diyos at ginagawa ang kalooban ng Kanyang Ama. Si Jesus ay matapang na nanindigan sa katotohanan. At matutulungan ka Niya na gayon din ang gawin.

Manindigan para sa Katotohanan

Kapag nasa isang sitwasyon ka kung saan maaari mong ipagtanggol si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan, huwag mo itong palampasin. Maaaring mauwi iyan sa panghihinayang dahil nawalan ka ng pagkakataong mapagpala ang iba ng walang hanggan at di-nagbabagong mga katotohanan na kailangang malaman ng mundo.

Ang manindigan sa katotohanan ay hindi palaging madali, lalo na kapag kinukutya ka dahil dito. Maaaring mangyari ito sa paaralan, sa trabaho, sa mga kaibigan, o maging sa pamilya.

Si Jesus ay kinutya, ang mga propeta ay kinutya, at marami pang iba ang kinutya dahil sa pagtatanggol sa katotohanan. Maaaring hindi komportable kapag kinukutya ka ng iba, ngunit ang pagtatanggol sa katotohanan ay palaging tamang gawin, dahil hindi kailanman mababago ng pangungutya ang katotohanan.