2023
Paglutas sa Problema sa Pornograpiya
Hunyo 2023


“Paglutas sa Problema sa Pornograpiya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023.

Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa pamamagitan ni Cristo

Paglutas sa Problema sa Pornograpiya

Larawan
binatilyo

Larawan sa kagandahang-loob ni Smith Alley

Lahat ng ito ay nagsimula sa pagkautal. Sasabihin sa iyo ng nanay ko na cute ito, pero hindi iyon ang pakiramdam ko. Sa unang araw ng grade one, sinabihan kami ng guro na tumayo nang isa-isa at ipakilala ang aming sarili. Nang ako na ang magpapakilala, tumayo ako at agad na kinabahan sa harap ng napakaraming tao.

“H-h-h-hi, a-a-a-a-ako si Smith.”

Napahiya ako dahil nagkamali-mali ako sa harap ng klase. Umupo ako, at tiningnan ako ng isang batang babae sa aking mga mata (tingin na parang tagos hanggang kaluluwa) at sinabing, “Bakit hindi ka makapagsalita nang maayos?”

Nang araw na iyon inisip ko na kakaiba ako at, dahil kakaiba ako, hindi ako gaanong mahalaga kumpara sa iba.

Sa paglipas ng panahon, lalong lumiit ang pagpapahalaga ko sa aking sarili. Hindi ako naniwala na maaari akong magkaroon ng mga kaibigan na talagang nagmamalasakit sa akin. Hindi ako naniwala na may kakayahan ako na maipagmamalaki ng mga magulang ko. At sa huli, hindi ako naniwala na may Diyos na nagsugo ng Kanyang Anak upang mamatay para sa akin.

Sa edad na siyam ay nalantad ako sa pornograpiya sa internet. Hindi ko intensyong mahanap ang nakita ko. Pero dahil naniniwala ako na hindi ako mahalaga, naisip ko na kung sasabihin ko ito sa mga magulang ko, ikahihiya nila ako. Dahan-dahan akong inakay nito sa adiksyon.

Noong 10 taong gulang ako, nagsimula akong gumamit ng social media, na nagbigay sa akin ng mas maraming paraan para makahanap ng pornograpiya. Kasabay nito, sinimulan kong ikumpara ang aking buhay sa mga “perpektong” buhay na nakita ko sa social media. Nakakita ako ng mga post ng mga tao na nasa bakasyon o kasama ang mga kaibigan nang hindi ako inimbita. Nakakita ako ng mga taong may mga “perpektong” katawan, at inisip ko na hindi maganda ang katawan ko. Sa ganitong paulit-ulit na pagkasuklam sa sarili at adiksyon, lumala ang depresyon ko. Sa edad na 14, nagplano akong magpakamatay.

Isang araw na parang wala nang matinong nangyayari sa buhay ko, nalaman ng aking mga magulang ang paghihirap ko at ginabayan ako patungo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Doon nagsimulang magbago ang aking buhay. Nakipag-usap ako sa aking bishop, at binasbasan nila ako ng tatay ko. Iyon ang unang pagkakataon sa loob ng anim na taon na nadama ko ang Espiritu. Totoo talaga ang Espiritu.

Larawan
Jesucristo

Focus on Joy [Magtuon sa Kagalakan], ni Michael Malm

Nangailangan ito ng mahabang panahon at pagsisikap, ngunit dahil sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, nagawa kong magsisi at lumakas bilang isang tao. Nakakita ako ng magagandang himala sa buhay ko na bunga mismo ng nakapagliligtas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Ginugugol ko ngayon ang oras ko bilang tagapagsalita sa publiko, naglalakbay sa bansa at nagsasalita sa mga grupo ng mga kabataan, paaralan, at komunidad tungkol sa nakapipinsalang epekto ng social media at pornograpiya. Itinuturo ko ang kahalagahan ng malusog na isipan at ang pangangailangang iwasan ang pagpapakamatay. Gumawa ako ng isang platform sa social media na magagamit ko para sa kabutihan. Katatapos ko lang ng hayskul. Nagtayo ako ng dalawang negosyo at matibay na ugnayan sa mga mahal ko sa buhay. Higit sa lahat, natagpuan kong muli ang Diyos. May matibay akong patotoo tungkol sa Diyos Ama, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Kanilang kapangyarihan at impluwensya.

Hindi nangyari ang anupaman dito dahil mayroon akong mga karagdagang espesyal na talento o kakaibang kakayahan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, nakapagsisi ako, nakayanan ko ang mga hamon, at nakahanap ng kapayapaan at paggaling. Kung sa palagay mo ay napakalayo mo na, ang sagot ko sa iyo ay nagkakamali ka. Handa akong magpasakop sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo. Magagawa mo rin iyan.

Smith Alley, Utah, USA

Print