2023
Pagkakaisa ang Aming Mithiin
Hunyo 2023


“Pagkakaisa ang Aming Mithiin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023.

Pagkakaisa ang Aming Mithiin

Sina Tia at Alice ay magkaiba. Ngunit pareho ang kanilang pinakamalaking hangarin—ang maging kaisa ni Cristo.

dalagitang naglalaro ng soccer

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney

Sa bilis na parang rocket na mababa ang lipad, mabilis na humagis ang soccer ball (football) papunta sa sulok ng net. Ngunit nakahanda ang goalie. Nakapokus na mabuti, mabilis na kumilos si Tia J. sa huling posibleng sandali. Naharang niya ang rocket (ang bola) habang nasa ere ito.

Sa isa pang kalapit na field, si Alice J. ang may hawak ng bola. Ipinasa niya ang bola sa isang teammate, na ipinasa ito pabalik. Nag-shoot si Alice. Nakalagpas ang bola sa nakaabang na mga kamay ng goalie. Goal!

magkapatid

Pareho ngunit Magkaiba

Ang magkapatid na sina Tia, 16, at Alice, 15, ay mahilig sa soccer. Ngunit isa lamang ang soccer sa maraming bagay na pareho nilang gusto. Gustung-gusto nila ang lahat ng uri ng sports. Mahilig sila sa musika. Kapwa sila ipinanganak sa China at inampon ng iisang pamilya sa Idaho, USA. Halos isang taon ang pagitan nila, kaya may dalawang linggo na “pareho” sila ng edad. Sina Tia at Alice ay parehong may pisikal na kapansanan. Pareho nilang mahal ang kanilang pamilya. At pareho nilang mahal ang ebanghelyo.

Ngunit may pagkakaiba rin sila. Si Alice ay mas mababa kay Tia ng isang grado sa paaralan. Sa paglalaro ng soccer, gusto ni Tia ang defense at gusto naman ni Alice ang offense. Sa musika, tumutugtog si Tia ng saxophone at clarinet, at keyboard at percussion naman ang kay Alice. Inampon si Tia ng pamilya sa edad na dalawa at naaalala niya nang ampunin si Alice sa edad na siyam na taong gulang. Isinilang si Tia na iisa lamang ang binti. Naglalakad siya at tumatakbo at naglalaro ng soccer gamit ang isang prosthetic (isang artipisyal na binti). At si Alice ay isinilang na walang mga ear canal. Nakakarinig siya dahil sa mga listening device na may mga magnet na inilagay sa kanyang bungo sa tulong ng operasyon.

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Pagtutulungan

Habang nagtitipon sila kasama ang kanilang mga magulang para pag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, sinabi nina Tia at Alice kung ano ang nagpapatibay sa relasyon nila bilang magkapatid at kung ano ang nagpapatatag sa kanilang pamilya.

“Ang magkaroon ng isang kapatid na malapit sa edad ko ay nakakatulong sa akin,” sabi ni Tia. “Kasama ko ang isang tao na mas nakauunawa sa akin. Si Alice ay isang mabuting tagapakinig, at kung minsan iyon lang ang kailangan mo, isang taong nakikinig sa iyo na ka-level mo. Kapag kaibigan mo rin ang kapatid mo, nagiging mas magandang lugar ang tahanan.”

“Napakasaya talaga na magkaroon ng kapatid na malapit sa iyo,” sabi ni Alice. “Pinatatawa niya ako. Gustung-gusto naming nagbibiruan. Nag-uusap kami tungkol sa sports, paaralan, mga ganoong bagay. At kung minsan ay ipinaghahanda niya ako ng almusal. Masarap siyang magluto.”

mga kabataan na naglalaro ng soccer

Isang Team ng Pamilya

“Ang tatay ko ang coach ko sa soccer,” sabi ni Tia. “Pero nakakatuwa talaga dahil siya rin ang ‘coach’ ko sa buhay. At gayon din si Inay. Kaya teammate ko si Alice.”

Sa katunayan, ang paghahambing sa pamilya sa isang team ay angkop sa maraming paraan. “Magkakasama kaming nagdarasal, nag-aaral ng ebanghelyo, at nagsisimba,” sabi ni Alice. “Parang training ito. May mga bagay kayong ginagawa nang magkakasama na nagpapalakas sa inyo bilang indibiduwal at bilang isang team.

At may mga bagay na para talagang nasa laro kayo. Gumawa si Alice ng listahan:

  • Pagpili ng tama

  • Paglilingkod sa kapwa

  • Pagsisikap na tularan si Jesus

  • Pagsisisi

“Napakagandang pag-usapan ang ebanghelyo,” sabi niya. “Ngunit kailangan mo ring ipamuhay ito.”

“Parang isports din iyan,” sabi ni Tia. “Isang bagay ang pag-usapan ang paglalaro. Ibang bagay naman ang nasa field ka na at naglalaro.”

dalagitang tumutugtog ng keyboard
dalagitang tumutugtog ng saxophone

Ang Maging Isa

Tulad ng alam nina Tia at Alice, isa sa pinakamahahalagang katangian ng isang magaling na team ay pagkakaisa. Ang mga manlalaro ay nagkakaroon ng kani-kanyang mga kasanayan at kaalaman, ngunit nagpapraktis at naglalaro sila nang magkakasama. At bawat isa ay nag-aambag sa tagumpay ng team.

Gayunman, pagdating sa team ng pamilya sa ebanghelyo, may mas mataas na mithiin: “Maging isa” (Doktrina at mga Tipan 38:27).

“Magkakaiba ang bawat miyembro ng aming pamilya,” sabi ni Alice. Ngunit kapag nakatuon kami sa pagsunod kay Jesucristo, iisa ang aming mithiin.”

At totoo iyan sa magkakapatid, pamilya, klase at korum, ward at stake, at sa lahat ng tao sa Simbahan. Tulad nina Tia at Alice, bawat isa sa atin ay natatangi at naiiba sa ilang paraan. Maaaring iba ang ating pinagmulan, gayundin ang ating mga kaloob, talento, interes, at panlasa. Ngunit kapag nagsama-sama tayo at nagsikap na maging isa kay Jesucristo, tumatanggap tayo ng lakas na makamit ang ating pinakamahahalagang mithiin.

magkapatid na nakasuot ng uniporme ng soccer