“Kapag Nalulungkot Ka,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2023
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 22–23; Juan 18–19
Kapag Nalulungkot Ka
Naglakad ang Tagapagligtas sa “pinakamalungkot na paglalakbay”1 upang hindi mo kailangang mag-isa.
Naging malungkot ka na ba? Nadama ko na iyan. Noong pitong taong gulang ako, umiyak ako sa nanay ko dahil wala akong malalapit na kaibigan sa paaralan. Noong tinedyer ako, ako lang ang nag-iisang kabataang babae sa klase sa Sunday School na halos lahat ay lalaki (at siyempre, ayokong makipag-usap sa kanila!). At kung minsan ay nahihirapan akong makibagay sa mga kasama ko sa team o sa mga kaeskwela ko.
Ngunit ang pinakamalungkot kong sandali ay noong nasa misyon ako sa Guadalajara, Mexico. Iilang araw pa lang ako roon, at hindi ako gaanong marunong magsalita ng Espanyol. Espanyol lang ang wikang gamit ng kompanyon ko. Kadalasang nag-uusap kami sa pamamagitan ng ilang salitang natutuhan ko sa missionary training center at halos puro senyas na lang ang komunikasyon namin. Ang mas malala pa, ang apartment namin ay pansamantalang walang kuryente o tubig. Talagang hindi ako komportable, at sobrang lungkot ko.
Malamang na may mga pagkakataon na nalungkot ka rin. Siguro ay:
-
Nahihirapan kang makibagay sa paaralan o binu-bully.
-
Hindi mo makasundo ang ilan sa mga kaibigan mo.
-
Nag-iisa kang miyembro ng Simbahan sa inyong paaralan.
-
Nakatira ka sa isang bagong lungsod o bansa.
-
Nami-miss mo ang isang kapamilya na nasa misyon o nasa militar o pumanaw na.
-
Tila nadarama mo na nahiwalay ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa kasalanan.
Kapag nalulungkot ka, makakaasa ka sa Tagapagligtas. Alam Niya ang pakiramdam na malungkot, at alam Niya nang lubos kung paano ka tutulungan. Narito ang ilang bagay na matututuhan natin tungkol sa pagdaig sa kalungkutan mula sa dinanas ng Tagapagligtas sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Ikaw ay Palalakasin
Tinawag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na “pinakamalungkot na paglalakbay.”2 Habang si Cristo ay nagdurusa at nilalabasan ng dugo mula sa bawat pinakamaliit na butas ng balat sa halamanan ng Getsemani, tulog ang Kanyang mga disipulo.
Habang nagdurusa si Jesus, Siya ay nanalangin, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.” Bagama’t hindi inalis ang pasanin ng Tagapagligtas, “Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya” (Lucas 22:42–43).
Nagpadala ang Ama sa Langit ng isang anghel upang palakasin ang Kanyang Anak sa pagdurusa Nito. At palalakasin Niya tayo sa ating kalungkutan. Sa aking misyon, pinadalhan kami ng “mga anghel” sa katauhan ng mga miyembro sa ward, na nagbigay sa amin ng makapal na kumot, panligo, at pagkain sa oras na kailangang-kailangan namin.
Hindi Ka Pinababayaan
Kung minsan maaaring malungkot ka kung kaya’t sa pakiramdam mo ay pinabayaan ka, o kinalimutan ka na ng Diyos. Ngunit hindi ka Niya pinababayaan. At nauunawaan ni Jesucristo kung gaano ka kalungkot.
Matapos ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, Siya ay ipinagkanulo ng isa sa Kanyang mga Apostol. Itinatwa Siya ng Kanyang matatapat na tagasunod at kaibigan. Ipinaliwanag ni Elder Holland na “ang naging pinakamahirap na sandali sa kabuuan nitong malungkot na paglalakbay tungo sa Pagbabayad-sala [ay dumating sa yaong] huling pagdurusa ng sukdulang kawalan ng pag-asa dahil pinabayaan Siya ng Diyos nang dumaing [ang Tagapagligtas] dahil sa napakatinding kalungkutan, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?’”3
Sa ilang sandali sa krus, lubos na nadama ng Tagapagligtas na nag-iisa siya.
Ngunit “hindi pinabayaan ng perpektong Ama ang Kanyang Anak sa oras na iyon,” paliwanag ni Elder Holland. “Tunay nga, ito ang personal kong paniniwala na sa buong ministeryo ni Cristo sa lupa maaaring sa huling sandaling ito ng napakatinding paghihirap naging napakalapit ng Ama sa Kanyang Anak.”4
Tulad ng Ama sa Langit na hindi kailanman pinabayaan ang Tagapagligtas, hindi ka Niya pababayaan kailanman. Maaaring hindi mo palaging natatanto ito, ngunit malapit Siya sa iyo. Alam niya ang iyong mga kalungkutan at naririnig ang iyong mga panalangin. Lagi Siyang nariyan para sa iyo na nakaunat ang mga bisig (tingnan sa Mosias 16:12).
Madaraig Mo ang Espirituwal na Pagkahiwalay
Bagama’t hindi tayo pinababayaan ng ating Ama sa Langit, kung minsan ay gumagawa tayo ng mga pagpili na naghihiwalay sa atin sa Kanya at kay Jesucristo sa loob ng ilang panahon. Ang pagkahiwalay na ito ay maaaring magpadama sa atin ng labis na kalungkutan. Ngunit nauunawaan din ito ni Jesucristo.
Hindi kailanman pinabayaan ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak, ngunit “saglit na binawi ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya,” paliwanag ni Elder Holland. “Ang perpektong Anak na ito na hindi kailanman nagsalita ng masama, ni gumawa ng mali … ay kailangang malaman kung ano ang mararamdaman ng sangkatauhan—tayo, nating lahat—kapag nakagawa ng gayong mga kasalanan … kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa.”5
Nauunawaan ng Tagapagligtas kung gaano kalungkot kapag nagkakasala tayo. At dahil inako Niya ang ating mga kasalanan, hindi natin kailangang malungkot nang matagal. Maaari tayong magsisi at muling lumapit sa Diyos. Hindi pa huli ang lahat.
Kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga tipan, ipinangako sa atin na palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Nangangahulugan ito na kung nagsisisi tayo araw-araw at nagsisikap na piliin ang tama, maaari tayong malungkot, ngunit hindi talaga tayo nag-iisa kailanman.
Nakauunawa ang Tagapagligtas
Anuman ang dahilan kung bakit ka nalulungkot o gaano ka nalulungkot, dapat mong malaman na nakauunawa ang Tagapagligtas. Naranasan Niya ang lubos na kalungkutan sa pinakamatinding pagdurusang naranasan ng sinuman.
“Aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay,” sabi Niya. “Ang iyong mga muog ay laging nasa harapan ko” (1 Nephi 21:16). Alam Niya ang kalungkutan mo. Kilala ka Niya. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, hindi mo kailangang mag-isa.