2023
Patuloy na Pagbabalik-loob
Agosto 2023


“Patuloy na Pagbabalik-loob,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.

Patuloy na Pagbabalik-loob

Ang pagsisikap na patuloy na magbalik-loob ay hindi kumplikado. Magagawa mo iyan.

Ang pagbabalik-loob ay hindi lang minsanang nangyayari sa binyag at pinapanibago mo na lang tuwing Linggo sa simbahan. Kailangang palakasin ang paniniwala. Dapat patuloy ang iyong pagbabalik-loob. Hindi ka dapat umasa na sa isang malaking pangyayari ay mapapalalim mo na ito nang wala kang ginagawa na gaya ng mga domino na nagbabagsakan lahat kahit isa lang ang pinatumba.

Sa halip, kusa mong hinahangad na gumawa ng paunti-unting mga hakbang hanggang sa mapabuti mo ang iyong buhay dito sa mundo at sa kawalang-hanggan. Ang patuloy na pagbabalik-loob ay dumarating sa maliliit na bagay na ginagawa mo araw-araw, tulad ng paghingi mo ng paumanhin dahil nakapagsabi ka ng masasakit na salita (o pigilan na ang sarili bago pa makapagsabi nito) o kapag naaalala mong basahin ang iyong mga banal na kasulatan. Ito ay ang muli’t muling pagpapasiya na maniwala. Ito ay ang palaging pagsisikap na gawin at maging ang pinakamainam sa abot ng makakaya mo. Ganyan ka magiging pinakamabuting bersyon ng iyong sarili at ganyan mo mapapalakas ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ebanghelyo ng Tagapagligtas … ay tungkol … sa paggawa ng mabuti at pagiging mabuti. At ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay tumutulong sa atin upang madaig at maiwasan ang masama at gawin ang mabuti at maging mabuti. Tutulungan tayo ng Tagapagligtas sa buong paglalakbay natin sa mortalidad—mula sa pagiging masama tungo sa pagiging mabuti at mas mabuti pa at babaguhin ang ating pag-uugali.”1.

Narito ang ilang ideya na maaaring makatulong.

pagsusulat sa journal

Isulat ang Iyong mga Tagumpay

Kung sa pakiramdam mo ay hindi ka na umuunlad, subukang pansinin ang magagandang nagagawa mo bawat araw. Maglaan ng ilang sandali para maisulat ang lahat ng magandang nagawa mo ngayong araw.

Pagsisimba, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagtupad ng mga tipan, pagiging mabait, pagdarasal—ang maliliit na tagumpay na ito ay mga sandali ng kabutihan na nangyayari sa iyong buhay sa araw-araw. Ito ay pag-unlad; ito ay paghakbang mo patungo sa iyong walang hanggang tadhana!

mga kamay na itinapat sa sikat ng araw para maging silhouette

Magsikap na Magkaroon ng Karagdagang Liwanag

Ginagantimpalaan ng Diyos ang maliliit na ginagawa mo nang may pananampalataya tuwing pinipili mo ang isang mabuting bagay. Ginagawa Niyang makabuluhan ang iyong mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng lakas, tapang, at kaalaman upang patuloy na sumulong tungo sa buhay na walang hanggan.

Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa paglipas ng mga taon paulit-ulit nating ginagawa ang mahahalagang espirituwal na hakbang na ito. Nalalaman natin na, “siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw’ [Doktrina at mga Tipan 50:24]. Ang ating mga tanong at pagdududa ay nalulutas o hindi na gaanong bumabagabag sa atin. Nagiging payak at dalisay ang ating pananampalataya.”2

Kapag mas nagbalik-loob ka sa ebanghelyo, nagiging mas mabuti ka kaysa dati. Natututuhan mo kung paano maging mabuting tao at kung ano ang kakayahan mo. Tinuturuan ka ng Espiritu Santo habang sinisikap mong magpakabuti pa. Kapag nakatatanggap ka ng karagdagang liwanag, nagiging mas katulad ka ng Diyos at ni Jesucristo, na matiyaga, mahabagin, mapagmahal, matalino, mabait, at mapagpatawad. Sa madaling salita, mas napapalapit ka sa pagiging perpekto (tingnan sa 3 Nephi 12:48).

mansanas at donut

Magkaroon ng Mabubuting Gawi

Isipin kung paano magkaroon ng mga gawi. Paulit-ulit mong ginagawa ang isang bagay hanggang sa maging awtomatiko ito. Gayon din ang mangyayari sa magagandang kaisipan. Kapag sadya mong pinag-iisipan na maging mas mabait, mas magmahal nang tapat, paglingkuran ang iba, o maging mas mapagpasalamat, mas madalas na maiisip ng iyong utak ang mga ideyang iyon. Pagkatapos habang kumikilos ka ayon sa iniisip mo, makakagawian mo ito.

Upang maging mas makabuluhan ang pagpapakabuti, maaari mong gawing mithiin na pagtuunang magtaglay ng partikular na katangian ni Cristo.

Halimbawa:

  1. Pupurihin ko ang tatlong tao araw-araw para matutuhan kong makita ang kabutihan sa mga tao.

  2. Hindi ako makikinig sa masasamang musika upang palaging mapasaakin ang Espiritu.

  3. Magdarasal ako kapag nagagalit ako para maging mas mabait ako.

Pinapasimple ng mga gawing tulad nito na patuloy na mithiing maging perpekto at mamuhay nang mas masaya ngayon. Mas madaling maging mabuti kapag nakaugalian mo nang “patuloy na gumawa ng mabuti” (tingnan sa Alma 63:2).

Mga kabataang babae

Alalahanin ang Mabuting Balita

Habang pinagsisikapan mong makamit ang araw-araw na mithiing mamuhay ngayon nang mas maligaya, nang mas katulad ng pamumuhay ni Cristo, umuunlad ka rin tungo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t napakaganda niyon? Nagiging uri ka ng taong sadyang dapat mong kahinatnan. At kasabay nito, pinabubuti mo ang iyong buhay sa mundo. Sa lahat ng ito, magiging masaya ka ngayon at sa kawalang-hanggan.

Sa ganyang paraan ito pinlano ng Diyos. Ang pagpiling maging pinakamabuting “ikaw” sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo ay tumutulong sa iyo at sa mga nasa paligid mo. At dadalhin ka nito sa Kanyang mapagmahal na mga bisig hanggang sa walang hanggan.

Ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa iyo ng pambihirang pagkakataon na maunawaan ang layunin ng buhay at maisakatuparan ito. Ngunit ikaw pa rin ang magpapasiya. Ikaw ang magpapasiya kung sasamantalahin mo ang oportunidad na iyan o hindi. Dahil sa iyong kalayaang pumili, ang iyong ‘mga desisyon ang nagtatakda ng [iyong tadhana].”3 Mahalaga ang iyong mga pagpili dahil hinuhubog ng mga ito kung ano ka ngayon tungo sa kahihinatnan mo sa hinaharap. At kung ano ang iyong kahihinatnan ay ang siyang tadhana mo.

Nagtitiwala ang Diyos sa iyo. Nais Niyang bumalik ka sa Kanya at maging katulad Niya, at nilikha Niya ang perpektong plano para tulungan kang gawin ito. Ang dapat mo lang gawin—na alam Niyang magagawa mo—ay ang sikaping sundin ito sa abot ng iyong makakaya.