2023
Ang Susi sa Tunay na Pagbabago
Agosto 2023


“Ang Susi sa Tunay na Pagbabago,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.

Ang Susi sa Tunay na Pagbabago

Posible ang tunay at patuloy na pagbabago, pero hindi natin ito magagawa nang mag-isa.

Larawan
binatilyong nagsasagwan

Noong nasa high school ako, sinubukan kong magsagwan. Parang madaling gawin ito—umupo sa bangka at ipuwesto ang mga sagwan para bumilis sa tubig. Wala akong ideya kung ano ang mangyayari sa akin.

Matagal na hindi ko mapanatiling balanse ang bangka, at sa halip na makapaglayag ako nang maayos sa tubig gamit ang mga sagwan, ang mga ito pa ang dahilan ng hindi ko pag-usad.

Sa paglipas ng panahon, nabago ko ang pagbalanse ko sa bangka at pagsagwan. Dahan-dahan akong gumawa ng iba pang mga pagbabago at mas humusay ako—kadalasan nang hindi ito napapansin. Tapos ay nasiyahan na ako sa pagsagwan! Gustung-gusto ko ang nakapagpapakalmang galaw ng pagsagwan habang mabilis at tahimik akong naglalayag sa tubig.

Ang paggawa ng mga positibong pagbabago—kahit na ang pinakamaliliit na bagay—ay hindi lamang nakatutulong sa isports na tulad ng pagsasagwan kundi maging sa dapat nating kahinatnan.

Pero hindi laging madali ang pagbabago.

Narito Tayo para Magbago

Naisip mo na ba ang isa sa mga ito habang sinusubukan mong gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay:

“Ah, nagkamali na naman ako ulit! Bakit ba napakahina ko?”

“Wala akong halaga.”

“Napakalaki ng kasalanan ko kaya hindi na ako mapapatawad.”

Ang mga ganitong pag-iisip ang nagpapadama sa atin na imposible nang magbago. Pero narito tayo sa buhay na ito para magbago at magpakabuti. Ang tunay at patuloy na pagbabago ay posible, pero hindi natin ito magagawang mag-isa.

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May nakikita ba kayo sa inyong buhay na mas mababa kaysa sa ninanais ninyo? … Kung may alam kayo na mga bagay sa buhay ninyo na hindi ninyo gusto, humingi ng tulong sa inyong Ama sa Langit at magkakaroon kayo ng lakas-ng-loob na magbago.”1

Ang lakas na magbago ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Larawan
si Jesucristo kasama ang isang babae

Paglalarawan kay Cristo ni Judith A. Mehr

Mga Katangiang Tulad ng kay Cristo: Gabay sa Pagbabago

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. Iniuutos Niya sa atin na sundin Siya at maging katulad Niya (tingnan sa 3 Nephi 27:27). Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang buhay at mga katangian.

Inilalarawan ng mga banal na kasulatan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo, kabilang na ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, kabanalan, kaalaman, tiyaga, pagpapakumbaba, sigasig, at pagsunod.2 Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag masigasig at mapanalangin nating hinahangad na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, “pagpapalain tayo ng Tagapagligtas nang higit pa sa ating sariling kakayahang maging tulad ng nais Niyang kahinatnan natin.”3

Tanggapin ang Pagkakataong Magbago

Kinailangan kong gumawa ng mga pagbabago kung gusto kong maging mas mahusay sa pagsagwan. Pagkatapos niyon ay saka ko lang naranasan ang sayang dulot ng pagsagwan.

Para maranasan natin kung ano ang maiaalok ng buhay—maging ang buhay na walang hanggan—hindi hinihiling ng Tagapagligtas na baguhin natin ang ating personalidad para lamang makapagbago. Hinihiling Niya na baguhin natin kung ano ang kailangang baguhin para mas mapalapit sa Kanya.

Ito ang ibig sabihin ng pagsisisi. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. … Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!”4

Ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang matulungan ka Niya na tanggapin ang napakagandang pagkakataong mayroon ka para magbago at maging tulad ng lahat ng nais Niya at alam Niya na maaari mong kahinatnan.

Print