“Nahihirapan Ka Bang Makilala ang Espiritu Santo?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.
Nahihirapan Ka Bang Makilala ang Espiritu Santo?
Nahirapan din ako noon. Pero kung minsan ay ginagawa nating nakakalito ito gayong hindi naman dapat.
Noong binatilyo pa ako, natakot ako na kung mali ang pagkaunawa ko sa isang pahiwatig ng Espiritu Santo, kahit paano ay may nagawa akong mali sa plano ng Diyos para sa akin. At dahil dito natatakot ako kung minsan na gumawa ng mga desisyon! Pero natulungan ako ng ilang karanasan na malaman na hindi natin kailangang labis na ikalito ito.
1. Nagtitiwala sa Iyo ang Ama sa Langit
Sa high school, nagkaroon ako ng pagkakataong lumipat sa isang bagong paaralan. Talagang gusto kong lumipat, pero hindi ako sigurado kung gusto ng Ama sa Langit na gawin ko ito. Nang hindi ako makakuha ng malinaw na kumpirmasyon, nagsimula ko nang labis na pakaisipin ito. Isang araw, binuksan ko ang isang kending tsokolate, at sabi sa loob ng pambalot, “Nariyan ka mismo sa dapat mong kalagyan.” Ito ba ang sagot sa akin? Nakikipag-usap ba sa akin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng isang pambalot ng tsokolate? Palagay ko ay hindi.
Nang hindi pa rin ako nakatanggap ng malinaw na sagot, ginawa ko na ang inaakala kong pinakamainam na desisyon at lumipat ng paaralan. Pero may pagkakataon na nag-aalala pa rin ako na baka ang mensahe sa pambalot ng tsokolate ay ang pahiwatig na hindi ko pinansin. At isang araw, nang sabihin ko sa isang kaibigan ang mga alalahanin ko, nakadama ako ng kapayapaan. Ang kapayapaang iyon ang sagot sa akin—pero dumating lamang ito matapos akong magdesisyon at kumilos ayon dito.
Nagtitiwala ang Ama sa Langit sa iyo habang nagsisikap kang sundin ang Kanyang mga kautusan at sundin si Jesucristo. Dapat mong hilingin na patnubayan ka Niya sa malalaking desisyon, pero kung hindi mo natutukoy ang malinaw na sagot, magdesisyon at magpatuloy! Tulad ng sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang espirituwal na liwanag ay bihirang dumating sa mga taong nakaupo lamang sa kadiliman at naghihintay ng pipindot sa switch. Kailangan nating kumilos nang may pananampalataya upang makilala ang Liwanag ni Cristo.”1
2. Ginagabayan Ka
Bilang missionary sa Missionary Training Center, pinanood ko ang isang video kung saan nagsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ikinuwento niya na noong naging missionary siya sa Germany, tinulungan niya si Pangulong Boyd K. Packer (na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol) nang bumisita ito roon. Bago umalis si Pangulong Packer, binigyan siya ni Elder Bednar ng kaunting pera ng Germany para sa kanyang paglalakbay. Kalaunan, kinailangan ni Pangulong Packer ng pera para makatawid sa isang hindi ligtas na lugar.
Hindi alam ni Elder Bednar na ginabayan siya ng Espiritu nang bigyan niya ng pera si Pangulong Packer. Ang nasa isip lang niya ay baka magutom si Pangulong Packer!2 At tulad ni Elder Bednar, malamang na ginagabayan ng Espiritu ang iyong mga kilos nang hindi mo ito nalalaman. Magtiwala na kapag nagsikap kang mamuhay sa landas ng tipan, mas ginagabayan ka nang higit pa sa inaakala mo.
3. Nasa Iyo ang Espiritu Santo
Isang araw noong nasa misyon ako, nagdasal kami ng kompanyon ko na mas makilala at matukoy ang Espiritu Santo sa buong maghapon namin. Habang nagninilay-nilay kami, naisip namin kung paano tayo pinangakuang mapapasaatin palagi ang Espiritu. Natanto namin na palaging nasa amin ang impluwensya ng Espiritu. Pero dahil sa napakadalas naming madama ito, kung minsan ay hindi namin ito natutukoy.
Maaaring nasanay ka nang nadarama ang Espiritu Santo kaya hindi mo ito napapansin. O maaaring iniisip mo na hindi mo pa ito nadama kailanman! Tanungin ang iyong sarili kung naghahanap ka ng malalaki at matitinding palatandaan sa halip na damhin ang magiliw na presensya ng Espiritu. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta para malaman pa ang tungkol sa impluwensya ng Espiritu Santo. Kung nagdarasal ka para makilala ang Espiritu Santo, maaari mong mapansin ang lahat ng maliliit na paraan na ginagabayan, tinuturuan, at pinapanatag ka Niya.
Katapusan
Kailangan mong gawin ang lahat para maging karapat-dapat at makilala at masunod ang personal na paghahayag. Pero kung labis mo itong iniisip, itigil ito! Sa isang Face to Face event para sa mga kabataan, sinabi ni Elder Bednar, “Gagabayan ng Espiritu Santo ang ating mga hakbang, bibigyang-inspirasyon ang sinasabi at ginagawa natin, at sa sandaling hindi natin ito malalaman.”3
Kapag gumagawa ka ng mga desisyon, dapat mong malaman na nagtitiwala ang Panginoon sa iyo at tinutulungan ka Niya. Sa pagsisikap mong tuparin ang iyong mga tipan, gagabayan ka sa landas na kalaunan ay aakay sa iyo pauwi sa iyong Ama sa Langit.