2023
4 na Paraan na Maaari Kang Maging Higit na Katulad ni Cristo
Agosto 2023


“4 na Paraan na Maaari Kang Maging Higit na Katulad ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.

4 na Paraan na Maaari Kang Maging Higit na Katulad ni Cristo

Kailangan mo ba ng mga ideya sa pagsali sa programang Mga Bata at Kabataan? Narito ang ilang bagay na ginagawa ng mga kabataan sa Pilipinas!

Larawan
mga kabataan na nasa templo

1. Maglingkod na katulad Niya (Paglilingkod at mga Aktibidad)

Nagiging mas katulad ka ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba tulad ng gagawin Niya. At hindi kailangang maging mahirap ito! Ang paglilingkod ay maaaring kasingdali ng pagsali sa mga aktibidad ng Young Men o Young Women, pagbibinyag para sa mga patay, o pagpapadala ng magandang mensahe sa isang kaibigan. Paano mo mapaglilingkuran ang ibang tao?

Larawan
dalagita

“Bilang dalagita, gustung-gusto kong naglilingkod sa aking kapwa dalagita at nagmi-minister sa kanila. Alam ko na tumutulong akong tipunin ang Israel, kahit sa sarili kong ward.”

Jana, 17

Larawan
binatilyo

“Kapag iniisip ko ang paglilingkod, iniisip ko ang tungkulin at responsibilidad ko bilang deacon na tumulong sa pagpapasa ng tinapay at tubig ng sakramento tuwing Linggo. Alam ko na si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng paglilingkod.”

Josh, 13

2. Umunlad na katulad Niya (Pansariling Pag-unlad)

Maaari kang magtakda ng mga mithiin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa espirituwal, pisikal, pakikipagkapwa, at intelektuwal (tingnan sa Lucas 2:52). Itanong sa Ama sa Langit kung paano Niya nais na umunlad ka, at pagkatapos ay gumawa ng plano at kumilos! Paano ka magiging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Larawan
dalagita

“Dahil sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin, binibiyayaan Niya tayo ng mga kaloob at talento. Para sa akin, sumasaya ako tuwing sumasayaw ako at lalo na kapag ibinabahagi ko ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba. Magandang paraan ito para mapalakas ang aking pananampalataya sa aking Tagapagligtas, mapalakas ang aking tiwala sa sarili, at makakilala pa ng mga bagong kaibigan. Pero ang isa sa pinakamagagandang bagay tungkol dito ay napapasaya ko ang aking mga magulang, kapatid, at kaibigan. Alam ko na binibigyan tayo ng mga kaloob at talento para sa kapakinabangan ng iba, at iyan ang nagpapasaya sa akin kapag sumasayaw ako.”

Leigh, 16

3. Matuto tungkol sa Kanya (Pag-aaral ng Ebanghelyo)

Nagiging mas katulad ka ng Tagapagligtas kapag pinag-aaralan mo ang ebanghelyo at pagkatapos ay kumikilos ayon sa mga bagay na natututuhan mo. Halimbawa, natututo ka tungkol sa Kanya sa iyong personal na pag-aaral at pagdalo sa simbahan at seminary. Paano mo malalaman pa ang tungkol sa Tagapagligtas?

Larawan
dalagita

“Ang pagdalo sa klase ko sa Young Women at pakikinig sa mga tagapagsalita sa araw ng Linggo ay nagbibigay sa akin ng kaalaman. Ang mga salita ng Diyos, kapag isinabuhay natin, ay nagiging karunungan.”

Mia, 12

Larawan
dalagita

“Mas madaling sabihin kaysa gawin ang pag-una sa seminary. Pero habang ipinagdarasal at pinag-iisipan mo kung bakit mahalaga ang espirituwal na pagkatuto, hindi magiging mahirap ang desisyon. Tinulungan ako nitong makilala ang aking Tagapagligtas, mas mapalapit sa Kanya, at umunlad na kasama Niya.”

Dzuliah, 19

4. Bumaling sa Kanya

Sa pagsisikap mong maging higit na katulad ni Cristo, tiyaking nakatuon ka sa Kanya! Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Kung minsan ay maaaring mahirap gawin ang lahat ng bagay na kailangan mong gawin, pero kapag nagtuon ka sa Tagapagligtas at kung ano ang gagawin Niya, malalaman mo kung ano ang pinakamahalaga.

Larawan
binatilyo

“Ang pagmamahal ko kay Jesucristo ay nakakaimpluwensya sa akin sa paggawa ng mahahalagang desisyon dahil sinisikap kong isipin kung ano ang gagawin Niya. Nakagawa ako ng mga maling desisyon noon dahil hindi ako nakapokus sa pagmamahal ko sa aking Tagapagligtas. Alam ko na hindi tayo perpekto, pero sa pagsunod kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya at tayo ay magiging higit na katulad Niya.”

Justine, 15

Print