2023
Pananampalataya, Mga Gawa, Biyaya … at Pagbibisikleta?!
Agosto 2023


“Pananampalataya, mga Gawa, Biyaya … at Pagbibisikleta?!,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mga Gawa

Pananampalataya, Mga Gawa, Biyaya … at Pagbibisikleta?!

Alamin kung ano ang nakakatulong sa iyo na patuloy na sumulong.

dalagitang nagbibisikleta

Tiningnan ko sa salamin ang natuklap na balat sa ilalim ng ilong at baba ko. Dahan-dahan kong inalis ang maliliit na piraso ng graba. Oo, nagmukha talaga itong bigote at balbas. Gasgas na bigote’t balbas!

Ilang minuto pa lang ang nakararaan, natutuhan ko ang isang napakahalagang aral tungkol sa pagsakay sa bisikleta: ang pananatiling nakabalanse ay talagang mahirap maliban kung ikaw ay pasulong! Sa halip na pumadyak, ang tagal ko pang nag-alangan, pagkatapos bigla kong tinapakan ang preno, at sumemplang na ako.

Ano ang kaugnayan nito sa ebanghelyo? Narito ang isang koneksyon na pag-iisipan. Kung paano natin kailangan ang balanse at momentum para hindi bumagsak sa bisikleta, ang ating walang-hanggang pag-unlad ay nakasalalay rin kapwa sa pananampalataya at mabubuting gawa. At ang buong pagtakbo ng bisikleta ay naging posible sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.

Isipin ito sa ganitong paraan: Ibinigay sa iyo ni Jesucristo ang bisikleta. Siya ang tumutulong sa iyo na matutong magpaandar nito. Maaari ka niyang kausapin sa pamamagitan ng mga tagubilin, bigyan ka ng mga mungkahi, at panatilihing hindi mabuway ang upuan mo habang pasakay ka. Pero ikaw ang magpapasiya kung itutuloy mo ang pagsulong.

Kamakailan nagbahagi si Elder Dieter F. Uchtdorf ng gayunding mga ideya tungkol sa mga bisikleta para hikayatin tayong patuloy na umusad nang may pananampalataya.

“Ituon ang inyong mga mata sa dinaraanan ninyo. Magpokus sa destinasyon ninyo,” sabi niya. “At patuloy na pumadyak. Ang pagpapanatili ng balanse ay nagagawa sa patuloy na pagsulong.”1

Sa pagbabasa mo ng Bagong Tipan ngayon, maaari mong mapansin na maraming itinuro ang mga naunang Apostol tungkol sa pagbibisikleta. Biro lang! Pero maraming beses silang nagturo tungkol sa pananampalataya, biyaya, at mga gawa.

Halimbawa, itinuro ni Pedro na “maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo” (Mga Gawa 15:11).

At tingnan kung saan makikita ang kanyang turo tungkol sa biyaya—sa aklat ng Mga Gawa, kung saan nakatala ang mga gawa ng mga disipulo! Malaking bahagi ng Bagong Tipan ay naglalarawan kung paano naglakbay at nagturo ang matatapat na kalalakihan at kababaihan tungkol kay Jesucristo. Kinapapalooban ito ng pinagsama-samang pananampalataya, pagsisikap, at pagtanggap sa nakapagpapalakas na tulong ng Tagapagligtas.

Ano ang iba pang mga banal na kasulatan na makikita mo na naglalahad tungkol sa pananampalataya, mga gawa, at biyaya? Paano mo napapansin ang pagtutulungan ng tatlong iyon sa sarili mong buhay? Narito ang ilang talata para makapagsimula ka: Santiago 2:14–17; Efeso 2:8–10; at Moroni 10:32–33.

Ngayon, ang analohiya sa bisikleta ay hindi perpekto, kaya huwag kang masyadong mag-alala sa kung ano ang kinakatawan ng lahat tungkol dito. Gamitin lang natin ito bilang isang bagay na makatutulong sa atin na alalahanin na hindi natin maliligtas ang ating sarili, at hindi rin naman tayo pupuwersahin ng Tagapagligtas na maligtas. Kapag nakipagtulungan tayo sa Kanya, nagsikap na sundin ang Kanyang mga turo at nagpakita ng pagmamahal sa iba, may mga himalang nangyayari. Nais ni Satanas na sumuko tayo, huminto, at malubog sa kasalanan at kawalang-pag-asa. Pero mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at pinasisigla tayo sa bawat hakbang—o pagpedal—sa ating paglalakbay!

Kaya umupo na sa bisikleta, sumulong, simulan ang pagpadyak, at damhin ang pagdampi ng hangin sa iyong mukha. Ang sarap ng pakiramdam na umuusad ka, hindi ba?!

Jesucristo

Beside Still Waters [Sa Tabi ng mga Tubig na Pahingahan], ni Simon Dewey

Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2022 (Liahona, Mayo 2022, 123).