“Alam Kong Makikita Kong Muli ang Nanay Ko,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.
Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).
Alam Kong Makikita Kong Muli ang Nanay Ko
Gustung-gusto ko ang mga talata sa Aklat ni Mormon na naglalahad kung paanong ang mga kabataang mandirigma ay pinalaki ng kanilang mga ina sa Panginoon (tingnan sa Alma 56:47–48; 57:21). Iniuugnay ko ang mga talatang iyon sa aking ina. Palagay ko’y siya ang pinakakahanga-hangang tao. Gusto kong maging katulad niya.
Nakipaglaban ang nanay ko sa kanser nang halos tatlong taon. Halos 12 taong gulang na ako nang mamatay siya. Nang pumanaw siya, parang hindi ko alam ang gagawin ko. Ang pinakanami-miss ko ay ang panahon na lagi siyang nariyan para sa amin.
Noong ika-12 kaarawan ko, 13 araw matapos pumanaw ang aking ina, dumating ang kaibigan kong si Joseph sa aking birthday party. Iniabot niya sa akin ang isang regalo, niyakap ako, at bumulong sa tainga ko, “Nalulungkot ako sa pagpanaw ng nanay mo.” Napakalaki ng naitulong niyon sa akin. Ipinakita niya sa akin na minamahal at pinagmamalasakitan ako ng mga tao.
Para makayanan ang pangungulila namin, laging humahanap ng pagkakataon ang tatay ko na gumawa ng mga bagay-bagay na magkakasama kami bilang pamilya. Malaki rin ang naitulong sa akin ng paglilingkod sa iba. Kahit malungkot ako, may ibang mga tao rin na nahihirapan. Tinulungan ko sila, at gumaan ang pakiramdam ko.
May mga gabi na umiiyak ako. Sa mga pagkakataong iyon, napanatag ako nang bumaling ako sa Panginoon at nanalangin upang muling maging masaya. Naaalala ko na naisip ko na alam kong makikita kong muli ang nanay ko.
Nalulungkot pa rin ako na wala rito ang nanay ko. Pero ang pagpanaw niya ay hindi ang katapusan na tulad ng inakala ko, dahil alam kong makikita ko siyang muli. Inaasam ko ang araw na iyon. Gayundin, napakabait ng aking madrasta, at talagang nagampanan niya ang tungkulin bilang isang ina.
Namatay ang Tagapagligtas para sa atin at inako Niya ang lahat ng ating mga kasalanan. Alam ko na alam Niya ang mga alalahanin at problema ng bawat isa sa atin. Dahil sa Kanyang sakripisyo, maaari tayong mabuhay na muli at magkaroon ng mga walang-hanggang pamilya. Ang kaalamang iyan ay talagang nakakatulong sa akin.
Ethan J., Virginia, USA