“Ang Matutuhang Pakinggan Siya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.
Ang Matutuhang Pakinggan Siya
Ang karanasan ni Kavira sa pakikipag-ugnayan ay mahirap pero makabuluhan.
Alam ng labing-anim na taong gulang na si Kavira V., taga Florida, USA, ang kahalagahan ng komunikasyon. Sa pamilya man, sa mga kaibigan, o sa Diyos, masaya si Kavira na makausap sila.
Bahagi ng dahilan kung bakit labis niyang pinahahalagahan ang pakikipag-ugnayan ay dahil alam niya kung ano ang pakiramdam ng hindi magkaroon nito.
Lumalaki na May Hadlang sa Komunikasyon
Bago lumipat sa Florida, ang pamilya ni Kavira ay dating nakatira sa Uganda. Bingi si Kavira at hindi siya nakapag-aral ng sign language noong bata siya, kaya hindi niya kayang makipag-usap sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Ang hadlang na iyon sa komunikasyon ay nakaapekto sa maraming aspeto ng kanyang buhay. Tungkol sa paaralan, sabi niya, “Nahihirapan ako sa Math. Hindi ako marunong mag-Ingles, at lagi akong binu-bully. Napakalakas ng diskriminasyon.”
Mahirap din ang pagsisimba. Noong panahong iyon kabilang sa ibang relihiyon ang kanyang pamilya. “Hindi ko maintindihan ang wika, kaya hindi ko naunawaan kung ano ang nangyayari,” sabi ni Kavira. Uupo lang siya habang nasa loob ng simbahan at gagawin ang mga ritwal nang hindi naiintindihan ang ibig sabihin ng mga ito. “Kaunti lang ang mga oportunidad para sa mga taong Bingi,” sabi niya.
Naapektuhan din ng problemang ito sa wika ang koneksyon niya sa kanyang pamilya. “Ako lang ang Bingi sa aking pamilya, kaya kung minsan ay parang naiiba ako sa kanila.”
Noong mga walong taong gulang si Kavira, lumipat ang kanyang pamilya sa Florida. Dahil bata pa siya at hindi niya kayang makipag-usap sa kanila, hindi niya alam ang eksaktong dahilan kung bakit sila nagdesisyong lumipat. Pero baka ang dahilan niyon ay humanap ng mas magagandang oportunidad para sa kanya at sa buong pamilya.
Pagkakataong Makapag-aral
Nang lumipat ang pamilya ni Kavira sa Florida, nakakita sila ng isang eskwelahan para sa mga bingi na maaari niyang pasukan. “Napakasaya ko na makakapag-aral ako,” sabi niya. “Natuto ako ng math, komunikasyon, mga kasanayan sa buhay tulad ng paghahanap ng trabaho, at mga kasanayan sa pag-aaral.” Ginagamit na niya ngayon ang American Sign Language (ASL).
Nasisiyahan din siya sa mga extracurricular activity. “Gusto ko ang lahat ng klase ng sports,” sabi niya. “Nakalakihan ko na ang paglalaro ng soccer, at nalaman ko na mayroon din sila rito [sa U.S.].” Natuto rin siyang maglaro ng volleyball, flag football, basketball, at swimming. “Masayang matutuhan ang mga bagong sports na ito.”
At mula pa noong maliit si Kavira mahilig na talaga siya sa sining. Inaasam niyang humusay pa siya at siguro’y ipagpapatuloy pa niya ang pag-aaral ng sining sa kolehiyo. “Gusto kong patuloy na mag-aral para matuto pa,” sabi niya. “Talagang gusto kong mag-aral at matuto.”
Pagkakaroon ng Koneksyon sa Pamilya
Hinihikayat si Kavira ng mga magulang niya sa kanyang pag-aaral. “Sinasabi nila na gawin mo ang makakaya mo para matutuhan ang lahat ng bagay,” sabi niya. Lubos siyang nagpapasalamat na nakahanap ang kanyang pamilya ng isang paaralan para sa mga bingi.
Nang madagdagan pa ang natututuhan, hindi na nararamdaman ni Kavira na naiiba siya sa kanyang pamilya, dahil natanto niya na magkakatulad sila. Madalas na siyang nakikipag-usap sa kanyang mga magulang at kapatid. “Alam ko kung minsan na bilang mga kabataan, hindi natin talaga pinahahalagahan ang ating pamilya—siguro kung minsan mas pinahahalagahan natin ang ating mga kaibigan kaysa pamilya natin,” sabi ni Kavira. “Pero ang pamilya ko ang nagpalakas sa akin. Itinuro sa akin ng mga magulang ko ang mga bagay na dapat kong pahalagahan. Tinulungan nila akong maging mabuti at mabait na tao.”
Nahanap si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan
Hindi nagtagal matapos lumipat ang kanyang pamilya sa Florida, may nag-anyaya sa kanila na dumalo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kapatid ni Kavira ay may kaunting napag-aralan sa sign language, kaya nag-interpret ito para sa kanya. Sinabi ni Kavira na ang pag-aaral tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay “nagligtas sa aking buhay.” Bago iyon, pakiramdam niya ay punung-puno siya ng problema sa buhay. “Parang desperado na ako, at masungit at salbahe ako sa ibang tao.”
Pero matapos na matutuhan pa ang tungkol sa Diyos, “gusto kong maging mabuting tao,” sabi niya. “Nagmalasakit ako sa aking pamilya. Ayaw ko nang maging salbahe sa mga tao. Gusto kong baguhin ang buhay ko. Hindi iyon madaling gawin, pero nang natutuhan ko pa ang tungkol sa Diyos, naiba ang pakiramdam ko. Gusto kong maging katulad Niya.”
Pakikipag-ugnayan sa Diyos
Nasisiyahan si Kavira na mas natututo siya tungkol sa paraan ng pakikipag-usap sa kanya ng Diyos. “Bilang isang Bingi, maaaring maisip mo, ‘Nangungusap ba ang Diyos?’ Hindi namin Siya naririnig na ‘nangungusap,’ kaya paano namin Siya makikilala?”
Dumalo siya sa isang youth conference para sa mga Kabataang Bingi, at pinag-usapan nila sa isa sa kanilang mga workshop kung paano sila maaaring makipag-ugnayan sa Diyos bilang mga Bingi. “Partikular naming pinag-usapan kung paano nangungusap ang Espiritu Santo sa aming puso’t isipan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2]. Hindi ito kailangang maging isang bagay na naririnig.”
Natutuhan ni Kavira na makilala ang Espiritu Santo sa kanyang buhay, pero sinabi rin niya na ito ay “isang patuloy na proseso. Lagi namting aalamin kung paano nangungusap sa atin ang Diyos.”
Sinabi rin niya na kailangan nating masigasig na hanapin ang mga pagkakataong iyon para madama ang Espiritu. “Kailangan nating hanapin Siya at maging matiyaga, nakikinig sa Kanya habang nananalangin tayo at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagtitiwala na darating ang mga pahayag na iyon sa ating puso’t isipan.” Inilalarawan niya ang pagpapahiwatig ng Espiritu bilang “inspirasyon at kagalakan.”
Ang makaugnay ang Ama sa Langit ay isang walang katumbas na kaloob dahil mas inilalapit tayo nito sa Kanya. Hindi binalewala ni Kavira ang regalong ito—tulad ng pagpapahalaga niya sa edukasyon at sa kaugnayan niya sa pamilya. Kapag natutuhan natin kung paano nangungusap sa atin ang Diyos, mas nakikilala natin Siya. Naranasan iyan ni Kavira, at magagawa mo rin iyan!