“Ang Espirituwal na Pakikipagsapalaran sa Buong Buhay Mo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.
Ang Espirituwal na Pakikipagsapalaran sa Buong Buhay Mo
Ang matutong makilala at mahalin ang Panginoong Jesucristo ay nagpapatuloy sa buong buhay mo.
Ano ang naiisip mo kapag naririnig mo ang mga salitang pakikipagsapalaran? Naiisip mo ba ang mga pelikula o aklat na may matatapang na bayani na sumusuong sa mapanganib na paglalakbay? O siguro’y naiisip mo ang isang taong kailangang pumunta sa peligrosong misyon at gawin ang imposible anuman ang mangyari?
Ang mga paghahangad na ito ay matatagpuan sa mga kuwento sa iba’t ibang panig ng mundo. Pero naisip mo na ba kung mayroon kang pakikipagsapalaran—isang bagay na napakahalaga at kagila-gilalas na magagawa mo na magpapabago sa buhay mo at sa buhay ng iba para maging mas mabuti ito magpakailanman?
Oo, totoong mayroon kang napakahalagang espirituwal na pakikipagsapalaran! Pero hindi tulad ng mga pakikipagsapalaran na nababasa mo sa mga aklat o napapanood sa mga pelikula, ang iyong pakikipagsapalaran ay nagsisimula sa paanyaya ng Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan: “Lumapit Kayo sa Akin” (Mateo 11:28).
Ang Paanyaya ng Tagapagligtas
Inaanyayahan Niya ang lahat na maniwala at magtiwala sa Kanya, tanggapin ang Kanyang pangalan, Kanyang mga turo, at Kanyang mga kautusan.
Saan ka man nakatira o anuman ang mga talento, katangian, at kakaibang mga karanasan mo sa buhay, ang unahin si Jesucristo sa iyong buhay ang pakikipagsapalaran mo sa buong buhay mo. Nabubuhay ka sa mundong ito na puno ng mga hamon at pang-aabala. Ang manatiling nakatuon kay Jesucristo at mamuhay nang may pananampalataya sa Kanya habambuhay ay mangangailangan ng tapang at tulong mula sa langit.
Magkaroon ng Lakas sa mga Ordenansa at mga Tipan
Isang napakalaking tulong mula sa langit ang mga ordenansa at tipan sa templo na nagpapanatili sa ating maging “matibay, masusing nakatuon, matatag, at di-natitinag”1 sa ating pakikipagsapalaran na lumapit sa Tagapagligtas.
Nakikipagtipan ka kapag nabinyagan ka. Habang umuunlad ka sa ebanghelyo, makagagawa ka ng mas maraming tipan sa templo. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson. “Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo.”2
Sa mundong ito na puno ng kawalang-paniniwala at nakagagambalang mga tinig at tumitinding kaguluhan at tukso, ang kaligtasan at mga paalala na ibinibigay ng mga ordenansa at tipan ang tutulong sa iyo na sumusulong sa tinatawag ni Pangulong Nelson na landas ng tipan.
Maging Marapat sa Espiritu Santo
Halos 2,000 taon na ang nakararaan, sinabi ni Apostol Pablo na ang mga bagay ng Diyos ay malalaman at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa 1 Corinto 2:11–14). Ang kanyang mga sinabi ay kamangha-manghang totoo pa rin hanggang ngayon.
Kapag natanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo sa binyag, kailangan mong sikaping mamuhay nang karapat-dapat upang patuloy na maimpluwensyahan nito sa pamamagitan ng ginagawa mo, sa sinasabi mo, at sa mga taong pinag-uukulan mo ng oras. Sa paggawa nito, ang espirituwal na liwanag ay darating nang may higit na katiyakan sa iyong kaluluwa.
Pinayuhan tayo ni Pangulong Nelson na piliing “umiwas sa anumang nagpapalayo sa Espiritu”3 at “gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”4
Tandaan at Gamitin ang mga Espirituwal na Karanasan
Si Pablo ay nagbalik-loob sa Panginoon nang “sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag” at narinig niya ang tinig ng Panginoon (Mga Gawa 22:6–7). Pinanghawakan ito ni Pablo at ang iba pang natatanging espirituwal na mga karanasan sa buong buhay niya. Dapat din nating gawin iyon.
Si Propetang Joseph Smith ay madalas na nakaranas ng pagsalungat at pag-uusig, pero hindi niya kailanman nalimutan o ikinaila ang kanyang karanasan sa Unang Pangitain. Buong tapang niyang pinatotohanan na ang Ama at ang Anak ay nagpakita sa kanya. “Ito’y alam ko,” sabi ni Joseph, “at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25). Ang pag-alaala at paggamit ng mga espirituwal na karanasan ay nagbigay-katiyakan kay Joseph ng pagmamahal ng Diyos at nagpalakas sa kanya sa gawaing ibinigay sa kanya ng Panginoon.
Bagama’t bihira lang maganap ang mga pangitain mula sa langit, ang mga espirituwal na karanasan at himala ay dumarating sa mga taong mapagpakumbaba at mapanalanging naghahangad ng mga ito. Isipin ang mga karanasan mo sa FSY o sa nadama mo nang una mong basahin ang Aklat ni Mormon. Manangan nang mahigpit sa makabuluhang mga sandaling ito ng iyong buhay. Palalakasin ka ng mga ito sa iyong pakikipagsapalaran na lumapit kay Cristo.
Piliing Sumampalataya
Sa buong buhay niya, naranasan ni Apostol Pablo na mahampas at mabato at makaligtas sa tatlong beses na pagkawasak ng barko (tingnan sa 2 Corinto 11:24–25). Hinarap niya ang maraming nagnais na saktan siya at dumanas ng “pagpapagal at hirap,” “gutom at uhaw,” at “[pagkaginaw at kahubaran]” (2 Corinto 11:26–27).
Iilang tao lamang ang magkakaroon ng matitinding pagsubok na tulad ng naranasan ni Pablo, pero sa kabila ng kanyang pinakamatitinding paghihirap, marahil si Pablo ay “nalulungkot, gayunma’y laging nagagalak” at “[walang pag-aari], gayunma’y mayroon ng lahat ng bagay (2 Corinto 6:10) dahil pinili niyang manampalatataya kay Jesucristo.
Hindi gaanong mahirap piliing manampalataya kay Jesucristo kapag nakadarama tayo ng espirituwal na lakas, pero kailangan din nating piliing manampalataya kapag nagiging mahirap ang buhay. Malalaman mo na hindi nakatayo ang Tagapagligtas sa katapusan ng iyong pakikipagsapalaran at naghihintay sa iyong lumapit sa Kanya. Nakatayo Siya sa tabi mo at itinuturo ang daan. Siya ang daan (tingnan sa Juan 14:6).
Sinabi ni Pangulong Nelson, “Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.”5 Ipinahayag sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan: Si Jesucristo ang “lakas ng mga kabataan.”6
Ang Kanyang mga Pangako ay Matutupad
Nagpapasalamat ako na alam ko nang walang pag-aalinlangan na si Jesus ang Cristo. Pinatototohanan ko na ang pagkilala at pagmamahal sa Kanya ay isa sa mga dakilang oportunidad ng mortalidad.
Balang-araw, ikaw ay luluhod sa Kanyang paanan. Sa araw na iyon, kung tinupad mo ang iyong mga pangako sa Kanya, magagalak ang iyong kaluluwa habang tinutupad Niya ang lahat ng Kanyang pangako sa lahat ng lumapit sa Kanya nang may “buong layunin ng puso” (3 Nephi 18:32), lumago sa kanilang pagmamahal sa Kanya, at hinangad na madama ang Kanyang banal na presensya sa buong buhay nila.
Ito ay magiging pinakabanal at pinakamahalagang sandali sa iyong espirituwal na paglalakbay!