2023
Tinutulungan Niya Akong Gumawa ng Mahihirap na Bagay
Agosto 2023


“Tinutulungan Niya Akong Gumawa ng Mahihirap na Bagay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2023.

Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).

Tinutulungan Niya Akong Gumawa ng Mahihirap na Bagay

sister missionary

Ipinanganak ako na may sakit na jaundice [paninilaw ng balat]. May nangyaring mali nang ginagamot ako sa sakit na ito, kaya bahagya akong nawalan ng pagdinig at nagkaroon ng uri ng Cerebral Palsy na nagpapahirap sa aking gumalaw at magbalanse.

Nahirapan din ako sa eskwela dahil sa ibang mga bata. Nanunulak sila, nanghahampas, nagsasabi ng masasamang bagay, nagsisinungaling, at tumititig. Hindi ako makalaban, kaya nagdarasal lang ako. Kung minsan nasasagot kaagad ang mga dasal ko, pero kung minsan matagal bago dumating ang sagot. Pero nagtiwala ako sa Ama sa Langit, kaya patuloy akong nagdasal.

Noong 15 anyos ako, naglingkod ako bilang Young Women class president at ward family history adviser. Natakot ako na baka hindi ko magawa ang lahat. Wala akong gaanong alam tungkol sa family history. Nagdasal ako para humingi ng tulong, tumanggap ng mga tagubilin mula sa Panginoon at sa mga inspiradong lider, at kumilos. Lubos akong nagpapasalamat sa tiwala ng Ama sa Langit sa akin. Bawat pangalang ipinadadala sa templo ay nagpapasaya sa akin. Tinulungan at binigyan ako ng kakayahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Nalaman ko na ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas ay hindi naglalagay ng limitasyon sa atin dahil sa ating mga pisikal na kalagayan. Sila ay mapagmahal at matiyaga, handa at gusto tayong turuan, palakasin, at tulungan.

Ang aking mga pisikal na kalagayan ay hindi naglimita sa akin, dahil kapag may dumarating na anumang balakid, nariyan ang Diyos na nakaunat ang mga bisig. Kailangan ko lang bumaling sa Kanya at humingi ng tulong.

Jordana S., Goiás, Brazil