“Ang Bisa ng Pagkakaibigan at Patotoo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.
Ang Bisa ng Pagkakaibigan at Patotoo
Buksan ang iyong puso sa iyong mga kaibigan at ibahagi ang alam mong totoo.
Isang malamig na araw ilang taon na ang nakararaan, dalawang lalaking missionary ang gumugol ng ilang oras sa pakikipag-ugnayan sa mga tao sa mga lansangan ng Nagano, Japan. Nakipag-usap sila sa ilang tao, mas kaunti pa rito ang naging appointment nila sa pagtuturo, at nakitang lahat ng appointment na iyon ay hindi natuloy.
Sa pagtatapos ng mahirap na araw na ito, nakilala ng mga missionary ang isang binatilyong 15 taong gulang lamang at interesadong malaman ang tungkol sa Simbahan.
Ang binatilyong iyon ay ako.
Paghahanap ng Pagkakaibigan
Nakilala ko ang isa sa mga missionary noong araw na iyon pag-uwi ko mula sa paaralan. Itinuro niya sa akin ang tungkol sa Unang Pangitain at nagpatotoo na ito ay totoo. Hindi ko naunawaan ang lahat noon, pero gusto ko pang malaman ang tungkol dito.
Pagkaraan ng dalawang linggo, inanyayahan ako ng mga missionary sa isang Christmas party sa simbahan. Pagdating ko, napakabait ng lahat! Sinalubong nila ako ng mga ngiti at pakikipagkamay at tinawag akong Brother Wada. Inisip ko kung paano nila nalaman ang pangalan ko at kung bakit nila ako tinawag na brother. Kalaunan na nang malaman kong sinabi ng mga missionary sa lahat na darating ako. Nadama kong ako ay malugod na tinanggap at tunay na kinailangan.
Nang magsimulang umawit ang lahat ng himnong Pamasko, hiniling nila sa akin na sumama sa kanila. Habang kinakanta namin ang “O Magsaya [Joy to the World]” (Mga Himno, blg. 121)—isang bagong himno para sa akin—ipinadama sa akin ng mga miyembro ng Nagano Branch na kabilang ako. Hindi nagtagal ay naging mga matalik na kaibigan ko sila.
Sa paghayo ninyo sa mundo, tulungan ang iba hangga’t maaari. Humahantong ito sa mga damdamin ng pagiging kabilang na madalas ay humahantong sa mga pagkakaibigan. Ang tunay na pagkakaibigan, batay sa pagbabahagi ng pagmamahal ng Diyos at pagsisikap na mahalin ang iba gaya ng ginawa Niya, ay magpapala sa iyong buhay magpakailanman.
Pagkabatid sa Katotohanan
Tinuruan ako ng mga missionary nang mahigit sa isang taon. Nagsimba ako at patuloy na nakipag-ugnayan sa mga miyembro. Magkasama kaming nangaglaro at nangag-usap tungkol sa maraming bagay. Nahikayat akong sundin ang Tagapagligtas at magpabinyag, pero nag-alala ako.
Ang mga magulang ko ay matatapat na Buddhist at hindi sila pumayag na pag-aralan ko ang tungkol sa Simbahan. Dahil nais kong matupad ang mga inaasahan ng aking pamilya, sinabi ko sa mga missionary na hindi ako maaaring mabinyagan. Pero ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa akin na bagtasin ang ibang landas mula sa karaniwang binabaybay ng mga taong nakapaligid sa akin. Kinailangan kong magpasiya para sa aking sarili kung anong landas ang dapat kong tahakin.
Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo kong nadama na dapat akong manalangin. Lumuhod ako sa tabi ng kama ko at sa unang pagkakataon sa buhay ko ay nanalangin nang malakas. Bago pa man ako natapos, nilinaw sa akin ng Espiritu Santo na natagpuan ko na ang katotohanan. Pero ano ang iisipin ng mga magulang ko?
Nang matanto ng mga magulang ko ang hangarin kong magpabinyag, nagulat ako sa kanilang pagsang-ayon na bumisita ang mga missionary. Pagdating ng mga missionary sa bahay namin, maganda ang pakiramdam ng mga magulang ko. Matapos mag-usap nang ilang sandali, inanyayahan kami ng mga missionary na awitin ang himnong “Pag-ibig sa Tahanan” (Mga Himno, blg. 183). Habang sama-sama kaming kumakanta, napaiyak ang aking ina. Naantig ang lahat.
Ang karanasang ito ay nagpalambot sa puso ng aking mga magulang, at isang taon at walong buwan matapos makilala ang mga missionary, nabinyagan ako. Kalaunan ay nagmisyon ako sa Utah at nagkaroon ng maraming magagandang oportunidad sa Simbahan.
Pagmamahal at Pagbabahagi
Nagawa mo na bang tumigil at mag-isip-isip kung paano pinagpala ng ebanghelyo ni Jesucristo ang iyong buhay? Sa paggawa nito, mapupuspos ka ng pagmamahal sa Diyos at mas mauunawaan na mahal na mahal ka Niya kaya isinugo Niya sa mundo ang Kanyang Bugtong at minamahal na Anak na si Jesucristo upang palakasin at pasiglahin ka kapag lumapit ka sa Kanya.
Kapag nadama mo ang pagmamahal na ito, umaasa ako na tutugon ka sa pamamagitan ng pagbubukas ng puso mo sa iyong mga mahal sa buhay at sa ibang tao at pagbabahagi ng alam mong totoo. Pinagpapala ang buhay ko dahil sa mga kaibigang lumapit sa akin at nagbahagi ng kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Napagpala rin ako nang patuloy kong pinalakas ang aking patotoo sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng buhay at mga turo ni Jesucristo, at pagpili na maging Kanyang disipulo. Magagawa mo rin ito!
Sa pagsisikap mong alalahanin ang mga pangakong ginawa mo noong ikaw ay nabinyagan at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo, nangako sa iyo ang Diyos na ang Espiritu Santo ay “magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Mangyaring manampalataya sa Kanyang pangako. Magagabayan ka sa tamang direksyon sa lahat ng iyong gagawin at sasabihin. Maaari mong kaibiganin at anyayahan ang iba na makinig sa iyong patotoo. Alam ko na mapasasaya ka nito nang higit kaysa ano pa mang bagay.