“Gumawa ng Mabuti at Manindigan sa Katotohanan at Kabutihan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.
Gumawa ng Mabuti at Manindigan sa Katotohanan at Kabutihan
Napakarami mong pagkakataong tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos—saan ka man naroroon.
Alam ng matapat na pinunong Nephita na si Gedeon ang maling doktrina kapag naririnig niya ito. Narinig niya ito mula kay haring Noe at sa kanyang masasamang saserdote na “iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso,” at “tinutustusan sa kanilang katamaran” sa pamamagitan ng pagpilit sa mga tao na ibigay sa kanila ang lahat ng bagay na kailangan nila upang mabuhay (Mosias 11:5–6). Tinuruan din nila ang mga tao na magkasala.
Matapos patayin ni Haring Noe si Abinadi at hinangad na patayin si Alma at ang kanyang mga bininyagan, nangako si Gedeon na pipigilan ang hari at wawakasan ang gayong kasamaan. Iniligtas niya si Noe dahil lamang sa paglusob ng mga Lamanita. Kalaunan, natanto ni Gedeon na ang mga tao ay inalipin ng mga Lamanita dahil tumanggi silang talikuran ang kanilang mga kasamaan. Matapos magsisi ang mga tao, tinulungan niya silang makatakas.
Bilang matandang lalaki, muling hinarap ni Gedeon ang kapalaluan at kasamaan habang nakatayo siya sa harapan ni Nehor, na nagtangkang “maakay palayo ang mga tao ng simbahan” (Alma 1:7). Gamit ang salita ng Diyos bilang kanyang tanging sandata, hinarap ng magiting na si Gedeon si Nehor at ang kasamaan nito. Galit na tumugon si Nehor sa pamamagitan ng pagsalakay kay Gedeon gamit ang kanyang espada at, nakalulungkot na pinatay ang “mabuting tao” na “nakagawa ng labis na kabutihan sa [kanyang mga tao]” (Alma 1:9, 13).
Ngayon, tulad ni Gedeon, napakarami ng pagkakataon ninyong maging “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” (Alma 1:8) sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, paninindigan para sa kabutihan, at pagprotekta sa kalayaang sumamba. Sa pagsunod mo sa tapat na halimbawa ni Gedeon, makagagawa ka ng “maraming kabutihan” para sa mga nasa paligid mo.
Magkaisa sa Paglilingkod
Bilang alagad ng Panginoong Jesucristo, maipapakita mo ang iyong pagmamahal sa Diyos at sa iyong kapwa sa pamamagitan ng paghahangad na pagpalain ang iba at pagtulong sa mga nangangailangan. Nagpapasalamat ako sa di-makasariling paglilingkod at pagmiministeryo na ibinibigay mo at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan sa mga ward, branch, stake, at templo sa buong mundo.
Mayroon ka ring maraming pagkakataong makibahagi sa paglilingkod sa inyong komunidad at mag-ambag sa mga organisasyong pang-edukasyon at pagkakawanggawa na naghahangad na pasiglahin at tulungan ang mga tao. Maraming pagpapala ang dumarating kapag nagkakaisa tayo sa paglilingkod sa iba. “Kapag nagtulungan tayo sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “pinagkakaisa ng Panginoon ang ating mga puso.”
“Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan”
Ang isang mahalagang paraan para makagawa ng kabutihan ay sa pamamagitan ng pagtupad sa iyong mga tipan at pamumuhay na katulad ng kay Cristo—saan ka man naroroon. “Itaas mo ang iyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan,” sabi ng Tagapagligtas. “Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa” (3 Nephi 18:24; tingnan din sa Mateo 5:14).
Sa paaralan man, trabaho, o laro, sa bakasyon, sa isang deyt, o online, huwag “mahihiyang taglayin sa [iyong] sarili ang pangalan ni Cristo” (Alma 46:21). Iparinig ang iyong tinig sa pagtatanggol ng kabutihan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong pananampalataya at mga paniniwala.
Sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa, mapapatunayan mo sa mga anak ng Ama sa Langit na sinusunod mo ang Kanyang Anak. Habang naninindigan ka sa katotohanan at tama sa pamamagitan ng pagtataas ng liwanag ng Tagapagligtas, mapapansin ka ng mga taong nakapaligid sa iyo at palalakasin ng langit ang loob mo.
Manindigan para sa Kalayaang Pangrelihiyon
Sa maraming paraan, ang ating panahon ay hindi naiiba sa panahon noong nagtangka si Nehor na ilayo ang mga tao sa Simbahan. Ang kalayaang pangrelihiyon ay inaatake sa iba’t ibang panig ng mundo, at ang mga tinig ng mga sumasalungat sa mahalagang papel ng relihiyon sa lipunan ay lalong lumalakas.
Magtatagumpay ang pag-atake sa kalayaang pangrelihiyon kung hindi tayo maninindigan para sa ating mga karapatan sa relihiyon. Kailan lang ay itinuro ko na “bilang simbahan ay nakikiisa tayo sa iba pang mga relihiyon na nagpoprotekta sa mga tao sa lahat ng relihiyon at paniniwala at sa karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga pananalig.”
Hindi mo kailangang humingi ng paumanhin sa iyong pananampalataya. Ang masiglang pananampalataya ay nagpapalakas at nagpoprotekta sa mga pamilya, komunidad, at bansa. Hinihikayat nito ang pagsunod sa batas, paggalang sa buhay at ari-arian, at nagtuturo ng moralidad, pag-ibig sa kapwa, kabaitan, integridad, at katapatan—mahahalagang katangian na kailangan upang umunlad ang isang matwid at malayang lipunan.
Tulad ni Gedeon, magagawa mo ang “maraming kabutihan” at maitatatag ang kaharian ng Diyos habang masigasig kang naglilingkod, itinataas ang iyong ilawan, at naninindigan para sa kalayaang pangrelihiyon. Nawa’y pagpalain ka ng Panginoon sa iyong mga pagsisikap na gumawa ng “maraming kabutihan” sa iyong pamilya, komunidad, at bansa.