Para sa Lakas ng mga Kabataan
Maging Mabait Lang
Hunyo 2024


“Maging Mabait Lang,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.

Maging Mabait Lang

Sina Raegan (14) at Rylyn (12) ay nagpapalaganap ng kabaitan sa kanilang komunidad—sa bawat karatulang pininturahan.

young women

Mga larawang kuha ni Cody Bell

Sina Raegan at Rylyn na mula sa Kentucky, USA, ay nayayamot, nagugutom, at napapagod. Sobrang napakatagal ng araw ng paglilingkod kasama ang kanilang pamilya. Pero habang nasa biyahe pauwi, nakakita sila ng isang karatula sa gilid ng kalsada na nagpabago ng kanilang ugali. Nakasaad rito, “Maging Mabait Lang.”

“Hindi na kami gaanong nagalit—at nagpasalamat kami na nakapaglingkod kami,” sabi ni Raegan. “Nagsimula kaming mag-isip kung makakagawa kami ng mga karatulang tulad niyon,” sabi ni Rylyn.

Ang Koneksyon sa Pamilya

Matapos makita ang karatulang Maging Mabait Ka Lang, nagdaos sila ng talakayan sa kanilang pamilya sa home evening tungkol sa pagiging mabait sa kanilang ate na si Kendall, na may Down syndrome at nagsimulang magkasakit. Nagpasiya sina Raegan at Rylyn na gumawa ng sarili nilang mga karatulang may nakalagay na Maging Mabait. “Naisip namin na makakatulong ito para maiwasan ang bullying,” sabi ni Raegan.

Iniisip din nila ang iba pa nilang mga kapatid, na bawat isa ay mayroon ding Down syndrome. Ang kanilang kuyang si Kallen ay pumanaw noong sanggol pa ito, at mayroon silang dalawang ampon na kapatid—sina Leena at Liam. “Gusto naming iparating sa mga tao na magpakita ng kabaitan sa kanila,” sabi ni Rylyn.

pamilya
pamilya sa sementeryo

Ang mga kapatid nina Reagan at Rylyn ay bahagi ng kanilang motibasyon sa pagpapalaganap ng kabaitan. Sina Leena at Liam ay kapwa may Down syndrome, at gayon din ang kanilang mas matatandang kapatid na sina Kendall at Kallen, na pumanaw na.

Mga Karatulang Ibabahagi

Nagsimulang ipinta nina Raegan at Rylyn ang “Maging Mabait” sa mga karatulang hindi nababasa ng tubig. Nagpunta sila sa mga tindahan at pamilihang bayan para ibenta ang mga ito, at ibinigay nila ang perang nalikom nila sa mga lokal na kawanggawa, kabilang na ang Blessings in a Backpack, ang Humane Society, ang American Red Cross, Down Syndrome of Louisville, at mga lokal na programa na tumutulong sa mga may natatanging kakayahan, o espesyal na pangangailangan.

Makalipas ang tatlong taon, nagpipinta pa rin sina Raegan at Rylyn. Nakagawa sila ng mahigit 5,400 karatula na Maging Mabait at nakalikom ng higit $50,000 para sa kawanggawa. “Kung minsan may mga grupo, kaibigan, o mga missionary na dumarating para magpinta ng 100 karatula nang sabay-sabay,” sabi ni Raegan. Minsan, isang Simbahang Baptist ang nagpagawa ng 40 kartula para sa kanilang bakuran. Nakita nina Raegan at Rylyn ang mga karatula sa mga bakuran ng mga tao, at ang ilang karatula ay nakakarating pa sa ibang bansa! Nagtalumpati rin ang mga dalagita tungkol sa kabaitan sa mga paaralan at sa mga kaganapan sa komunidad.

mga kabataan na gumagawa ng mga karatula

Sina Reagan at Rylyn ay gumawa at nagbebenta ng mga karatulang “Maging Mabait” sa pagsisikap na dagdagan ang kabaitan sa kanilang komunidad at makalikom ng pera para sa kawanggawa.

Paglilingkod at Kaginhawaan

Ang pagpipinta ng mga karatula ay nakatulong kina Raegan at Rylyn na malampasan ang mga hamon. “Noong maysakit si Kendall, may mga pagkakataon na hindi namin talaga gustong manatili sa bahay dahil mahirap para sa amin na makita iyon. Kaya nagpasiya kaming humayo at magpinta, at iyon ang nagpagaan nang husto ng mga pasanin namin,” sabi ni Raegan.

mga sapatos na may pintura

Kalaunan ay pumanaw si Kendall sa edad na 16. Sabi ni Raegan, “Mahirap, pero alam namin na walang hanggan ang mga pamilya. Alam namin na kahit na maikli lang ang oras namin na makasama siya, kung gagawin namin ang aming bahagi, tutulungan kami nito na magkaroon ng mas mataas na tiyansa na muling makasama sina Kendall at Kallen.”

mga dalagitang nasa harapan ng isang mural
mga dalagitang may hawak na karatula

Higit na Katulad ni Cristo

Sa kabila ng lahat ng ito, ang mga dalagita ay nagsisikap na maging katulad ng Tagapagligtas at makabalik kalaunan sa kanilang Ama sa Langit.

“Sa paaralan, may ilang tao na nahihirapang mag-fit in o maramdamang kabilang sila. Kaya nagkaroon ako ng mithiin na makipag-usap sa kanila para mapasaya ang kanilang araw,” sabi ni Raegan. “Pakiramdam ko ang mumunting kabaitan ay makatutulong na baguhin ang buhay ng isang tao nang higit kaysa inaakala mo. Iniisip ko kung paano nagsikap ang Tagapagligtas para mahalin ang iba sa Kanyang paligid. Iniisip ko ang pagpapagaling Niya sa bulag o pagbuhay sa mga patay. At iniisip ko na may mga simpleng bagay akong magagawa para ipakita ang aking pagmamahal at maging mabait sa iba.”

Sabi ni Rylyn, “Sa halip na isipin ang mga bagay na hindi mo kayang baguhin, isipin ang mga bagay na kaya mong ibahin. Ang mga ito ay ang mga simpleng bagay lamang na magagawa mo, tulad ng pagbukas ng pinto para sa isang tao o pagngiti. Kapag ginawa ninyo ang maliliit na bagay, mas napapalapit kayo sa pagkikita ninyong muli ng Diyos.”