“Ang Patotoo ay Parang …,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.
Ang Patotoo ay Parang …
Sa Kanyang mortal na buhay, nagturo ang Tagapagligtas sa mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng mga talinghaga at kuwento. Kung minsan ay gumagamit Siya ng maraming kuwento para ituro ang isang bagay (gaya sa Lucas 15).
Makatutulong na tingnan ang isang alituntunin ng ebanghelyo mula sa magkakaibang pananaw. Narito ang ilang paraan para tingnan ang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, pati na ang ilan mula sa mga banal na kasulatan.
Ang patotoo ay parang …
Isang Binhi
Kapag handa kang magtanim ng binhi, o ng salita ng Diyos, sa iyong puso, makikita mo itong lumalago at nagbubunga ng mabuting bunga. Sa madaling salita, kung minsa’y lumalago nang maganda ang patotoo kapag handa kang sumubok na ipamuhay ang paraang hiniling ng Diyos, kahit na mayroon ka lamang na pinakamaliit na hangaring maniwala. Pagkatapos ay ipapakita sa iyo ng Diyos ang mga bunga, o pagpapala na dumarating kapag sumusunod ka sa Kanya. Lalago ang iyong patotoo habang patuloy mo itong inaalagaan. (Tingnan sa Alma 32:28–43.)
Napapansin ko ba ang anumang mabubuting bunga na nagmula sa pangangalaga ng aking patotoo?
Isang Pader na Bato
Kapag ang isang tao ay nagtatayo ng pader na yari sa mga bato, hindi lahat ng bato ay pare-pareho ang laki o hugis. Kung minsan ay maaaring hindi pa akma ang isang bato, pero hindi ibig sabihin nito na dapat mo itong itapon! Gayundin, maaaring may mga bagay tungkol sa ebanghelyo na hindi mo pa nauunawaan. Patuloy na patatagin ang iyong patotoo nang paisa-isang bato, at sa huli, magiging malakas ito para sa iyo.
Anong mga bato ang matiyaga kong uunawain habang itinatayo ko ang aking pader ng patotoo?
Langis sa Lampara
Sa talinghaga ng sampung dalaga, limang babae ang walang dalang sariling langis. Hindi sila maaaring humingi sa sinuman kapag panahon na para salubungin ang lalaking ikakasal, na kumakatawan kay Jesucristo. Ang mga may dalang sariling langis ay nakasunod sa lalaking ikakasal. Pagdating sa mga patotoo, darating ang isang punto na kakailanganin mo rin ang sarili mong patotoo! Maaari mong patatagin ang iyong patotoo nang paunti-unti, tulad ng langis sa isang ilawan. Pagkatapos kapag dumating ang mahahalagang desisyon, maiilawan ng iyong patotoo ang daan para sa iyo. (Tingnan sa Mateo 25:1–13.)
Ano ang ginagawa ko para madagdagan ang aking patotoo nang paunti-unti? Ano ang maaari kong simulang gawin?
Isang Alagang Hayop
Kung hindi mo pakakainin at aalagaan ang isang hayop na nangangailangan sa iyo, maaari itong magutom, magkasakit, at manghina. Kung hindi mo pakakainin ang iyong patotoo ng mga espirituwal na karanasan at atensyon, maaaring manghina rin ito.
Anong mga espirituwal na bagay ang maaari kong “ibigay” sa aking patotoo para manatili itong malakas?
Mga Halaman sa Halamanan
Kung ang isang halaman sa halamanan ay nahihirapan, hindi ibig sabihin niyon na hindi malusog ang buong halamanan. Kaya kung ang isang bahagi ng iyong patotoo ay mas malakas kaysa sa iba, OK lang iyan! Patuloy na alagaan ang mga halaman na malusog at yumayabong, at kapag handa ka na, maaari ka ring magtuon sa mga nangangailangan din ng karagdagang tulong.
Aling mga bahagi ng aking patotoo ang malakas at lumalago? Aling mga bahagi ang mabibigyan ko ng pagmamahal at pansin kapag handa na ako?
Isang Bahay
Mahalaga kung saan mo itinatayo ang iyong bahay. Ganoon din para sa iyong patotoo. Kung itatayo mo ito sa isang mabuhanging pundasyon, maaaring hindi ito magtagal kapag masama ang panahon. Pero kung itatatag mo ito sa bato, o kay Jesucristo, ang iyong bahay ay mananatiling matatag kahit sa pinakamatitinding unos. (Tingnan sa Mateo 7:24–27; Helaman 5:12.)
Anong mga katotohanan ang ginagamit ko para palakasin ang aking patotoo?
Isang Puzzle
Lahat tayo ay may magkakaparehong bahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo na magagamit, pero ang paraan kung paano pinagsusunod-sunod ng bawat tao ang mga bagay-bagay ay maaaring magkakaiba. Huwag itapon ang isang piraso dahil lamang sa hindi mo makita kung paano ito maiuugnay sa ngayon. Maging matiyaga habang unti-unti kang tinutulungan ng Diyos na makita ang buong larawan.
Ano ngayon ang hitsura ng larawan ng aking patotoo?
Isang Timba
Paunti-unti, ang mga espirituwal na karanasan na mayroon ka ay nagpupuno nito. Pero dapat maging maingat! Kung minsan ay hindi mo nauunawaan na dahan-dahang napupuno ang iyong mga timba. Kung naiinip ka at lubusang tinanggalan ng laman ang iyong mga timba dahil sa palagay mo ay wala kang patotoo sa isang bagay, binabalewala mo ang mga karanasang unti-unting tumutulong sa paglago ng iyong patotoo. Hayaang mapuno ang iyong timba ng patotoo.
Ano ang pinaniniwalaan ko na hindi ko dapat itapon?