Para sa Lakas ng mga Kabataan
Saang Lungsod Ka Nakatira?
Hunyo 2024


“Saang Lungsod Ka Nakatira?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Alma 5; 7

Saang Lungsod Ka Nakatira?

Ipinapakita sa atin ni Alma na anuman ang antas ng ating espirituwalidad, ibinibigay sa atin ng Panginoon ang mga mensaheng kailangan natin.

Larawan
magandang tanawin ng lungsod

Mga larawang-guhit ni Albert Espí

Sa loob ng mahigit walong taon, ang propetang si Alma ay may dalawang gawain: ang pagiging mataas na saserdote at punong hukom. Pero nang makita niya na maraming miyembro ng Simbahan ang naging masama, isinuko niya ang kanyang katungkulan bilang punong hukom upang makapag-ukol siya ng mas maraming oras sa pangangaral sa mga tao.

Ang unang lungsod kung saan siya nangaral ay ang Zarahemla (tingnan sa Alma 5). Ang pangalawa ay ang Gedeon (tingnan sa Alma 7).

Ang kanyang mga mensahe sa dalawang lungsod na ito ay may ilang pagkakatulad, pero may malaki rin silang pagkakaiba.

Kailangang mamulat ang mga tao ng Zarahemla kung gaano na nanghihina ang kanilang espirituwalidad at kung gaano nila kailangang magsisi. Pero ang mga tao sa Gedeon ay espirituwal na handa para sa ibang uri ng mensahe.

Maaari tayong matuto mula sa iba’t ibang mensaheng itinuro ni Alma sa mga tao sa dalawang lungsod na ito. Narito ang ilang mga temang karaniwan sa mga mensaheng ito at ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo niya sa kanila.

Alalahanin

Zarahemla: Hinikayat ni Alma ang mga tao na pagnilayan at alalahanin “ang pagkabihag ng inyong mga ama [at ang] awa at mahabang pagtitiis [ng Diyos] para sa kanila” (Alma 5:6). Partikular niyang tinalakay ang masamang impluwensya ni Haring Noe sa kanila, kung paano ito humantong sa kanilang pagkaalipin, at kung paano sila mahimalang iniligtas ng Panginoon matapos silang magsisi. Dagdag pa rito, hiniling niya sa kanila na isipin ang sarili nilang mga espirituwal na karanasan noon at isipin kung nararanasan din nila ngayon ang gayon ding espirituwal na karanasan (tingnan sa Alma 5:26). Sa pag-alaala na ito, hiniling niya sa kanila na asamin at isipin kung kailan sila tatayo upang mahatulan ng Panginoon (tingnan sa Alma 5:15–24).

Gedeon: Hinikayat ni Alma ang mga tao na asamin at alalahanin ang pangako ng buhay na walang hanggan sa mga nagsisisi, nagpapabinyag, nakikipagtipan sa Diyos, at sumusunod sa mga kautusan ng Diyos (tingnan sa Alma 7:16).

Magsisi

Zarahemla: Mahigpit na tinuruan ni Alma ang mga tao tungkol sa pangangailangan nilang magsisi. Halimbawa: “Oo, maging sa aba ninyong lahat na manggagawa ng kasamaan; magsisi, magsisi, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsalita nito!” (Alma 5:32). Nangaral siya sa kanila nang matagal tungkol sa kanilang partikular na mga kasalanan at mga bunga ng mga ito.

Gedeon: Hindi sila nasa makasalanang kalagayan gaya ng mga tao sa Zarahemla. Itinuro sa kanila ni Alma na magsisi bilang paraan para magpakita ng pananampalataya sa Tagapagligtas, matanggap ang Kanyang kapangyarihan, maghanda para sa Kanyang pagparito, at maghandang gumawa ng mga tipan (tingnan sa Alma 7:9–16).

Lumapit sa Tagapagligtas

Zarahemla: Nagturo si Alma tungkol kay Jesucristo bilang “mabuting pastol [na] tumatawag sa inyo … sa kanyang sariling pangalan” (Alma 5:38). Itinuro din niya ang tungkol sa pagparito ni Jesucristo “upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan, oo, ang mga kasalanan ng bawat taong matatag na naniniwala sa kanyang pangalan” (Alma 5:48).

Gedeon: Nagtuon si Alma sa “isang bagay na higit na mahalaga” kaysa anupaman: ang Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang misyon na tubusin ang sangkatauhan (Alma 7:7).

Itinuro ni Alma ang tungkol sa maraming bagay na pagdurusahan ng Tagapagligtas para sa atin: “mga pasakit at hirap at … tukso,” “mga sakit,” “kamatayan,” “mga kahinaan” (Alma 7:11–12). At itinuro ni Alma kung bakit titiisin ng Tagapagligtas ang mga bagay na ito: “upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan [o bigyan ng kaginhawahan] ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan,” at “upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan” (Alma 7:12–13).

Ito ay isang mahalagang turo. Ang Tagapagligtas ay nagdusa ng napakaraming bagay upang Siya ay magkaroon ng ganap na pagkahabag sa atin at malaman kung paano tayo tutulungan.

Larawan
tanawin ng lungsod

Maaari Tayong Magkaroon ng Kagalakan

Maiuugnay natin ang pangangaral ni Alma sa Zarahemla at Gedeon sa ating sarili. Halimbawa:

  • Maaaring kailangan nating marinig ang iba’t ibang mensahe sa iba’t ibang sitwasyon sa ating buhay.

  • Anuman ang antas ng ating espirituwalidad ngayon, tayo ay palaging maaaring mas mapalapit sa Tagapagligtas, magsisi, at makasumpong ng kagalakan.

  • Kung tayo ay espirituwal na handa, makatatanggap tayo ng mas marami pang salita ng Diyos, kabilang na ang mahahalagang katotohanan na tutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas.

Sa huli, nagalak si Alma sa parehong grupo ng mga tao. Sa Zarahemla, “matapos magdanas ng labis na paghihirap at kalungkutan” (Alma 7:5), nagalak siya dahil sila ay nagsisi. Sa Gedeon, nagalak siya dahil alam niya na malaki na ang pananampalataya nila sa mga salitang itinuro niya sa kanila tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Alma 7:17) at nagpakita ng “labis na pagsusumigasig at pakikinig” sa kanyang mga salita (Alma 7:26).

Sa susunod na kausapin ka ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, maaari mong isipin kung anong klaseng mensahe ang kailangan mo at handa mong tanggapin.

Tala

  1. Siya nga pala, nang unang magpakita ang anghel kay Alma at sa mga anak ni Mosias upang makapagsisi sila, ito mismo ang sinabi niya sa kanila na alalahanin (tingnan sa Mosias 27:16).

Print