Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang Pundasyon ng Patotoo
Hunyo 2024


“Isang Pundasyon ng Patotoo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Isang Pundasyon ng Patotoo

dalagitang naglalatag ng bricks o mga ladrilyo bilang pundasyon

Mga larawang-guhit ni Adam Howling

Ang patotoo ay isang espirituwal na patunay na ibinibigay ng Espiritu Santo. Ang ibig sabihin lamang ng magpatotoo ay magbahagi sa iba ng pinaniniwalaan mong totoo. Maraming paraan para gawin ito. Maaaring ang isang paraan ay ang pagbabahagi ng pinaniniwalaan mo sa simbahan sa testimony meeting. Kapag sinagot mo ang mga tanong ng isang kaibigan tungkol sa pinaniniwalaan mo o kung bakit mo pinipili ang ilang bagay, ibinabahagi mo rin ang iyong patotoo.

OK lang kung wala kang patotoo ngayon sa buong ebanghelyo. Magsimula sa pinaniniwalaan mo! Maaari mong palakasin ang iyong patotoo nang unti-unti habang natututo ka, nakikilala ang mga espirituwal na karanasan sa iyong buhay, at hinihiling sa Diyos na tulungan kang malaman kung ano ang totoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:3–5).

Gaya ng itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, ito ang limang katotohanan para mapalakas mo ang iyong patotoo:

  • Ang Diyos ang iyong Ama sa Langit; ikaw ay Kanyang anak. Mahal ka Niya.

  • Si Jesucristo ay buhay. Siya ang Anak ng Diyos na buhay at ang iyong Tagapagligtas at Manunubos.

  • Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na tinawag upang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo.

  • Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na Simbahan ng Diyos sa mundo.

  • Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan ngayon ng isang buhay na propeta.

(pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2022 [Liahona, Nob. 2022, 112]).

binatilyo sa pulpito