“Pagkakaibigan sa Aklat ni Mormon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.
Pagkakaibigan sa Aklat ni Mormon
Ang apat na halimbawang ito sa Aklat ni Mormon ay makapagtuturo sa atin ng ilang nakatutuwang aral.
Maaari nitong baguhin ang mga buhay, wakasan ang mga digmaan, at pagkaisahin ang mundo nang mapayapa. Ano’ng tinutukoy namin ngayon? Pagkakaibigan! Ang mga magkakabarkadang ito sa Aklat ni Mormon ay mas napalapit kay Jesucristo habang mas napapalapit sila sa isa’t isa. Ano ang matututuhan natin mula sa kanila?
Pagtanggap sa Di-inaasahan: Sina Nephi at Zoram (Basahin ang kanilang kuwento sa 1 Nephi 4)
Nang nagsimulang maglakbay si Nephi para kunin ang mga laminang tanso, hindi niya inasahan na babalik siyang kasama si Zoram, na magiging kaibigan niya habambuhay (tingnan sa 2 Nephi 1:30). Dahil pareho silang handang sundin ang Espiritu kahit na dinala sila nito sa mga lugar na hindi inaasahan, nakabuo sila ng isang pagkakaibigan na nagpala sa mga henerasyon.
-
Maikling aral: Ang mga ugnayan ay maaaring dumating at mawala sa paglipas ng panahon. Habang nananatili tayong tapat sa Diyos, ibinibilang ang iba, at sumusubok ng mga bagong bagay, hindi natin alam kung kailan magpapakita ang ating susunod na kaibigan.
Pagtagumpayan ang mga Pagkakaiba: Sina Ammon at Haring Lamoni (Basahin ang kanilang kuwento sa Alma 18)
Ang mga lalaking ito ay nagmula sa magkakaibang kultura at relihiyon. Sa katunayan, madalas na nakikipagdigmaan sa isa’t isa ang kanilang mga tao! Pero nakihalubilo si Ammon sa mga tao ni Lamoni upang sikaping ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanila. Ginawa nila ang hinikayat ng propeta na gawin natin sa mga mensahe sa kumperensya kamakailan—nagsikap silang huwag maimpluwensiyahan ng mga nakaraang di-pagkakasundo at kilalanin ang isa’t isa bilang kapwa mga anak ng Diyos. Natuklasan nila na may magkakahalintulad silang mga paniniwala at kalaunan ay naging mabuting magkaibigan sa puntong handa silang ipagsapalaran ang kanilang buhay para sa isa’t isa.
-
Maikling aral: Ang mga kaibigan ay matatagpuan sa mga tao sa lahat ng kultura at pananampalataya. Maaari nating piliing pakitunguhan ang iba nang may paggalang at hanapin ang parehong pananaw at paniniwala ukol sa pananampalataya, kabanalan, at kabutihan.
Pagtulong sa Iba: Si Abis at ang Reyna (Basahin ang kanilang kuwento sa Alma 19)
Hindi natin alam kung naging magkaibigan ang mga babaeng ito, pero nagpakita sila ng mga katangian ng isang tunay na kaibigan. Magkasama nilang naranasan ang isang mahimalang espirituwal na karanasan at pinagpala ng bawat isa ang ibang tao sa kanilang patotoo. Bagama’t kabilang sila sa magkaibang antas ng lipunan—ang isa ay alipin at ang isa naman ay maharlika—hindi sila nagtuon sa mga pagkakaibang iyon. Pinasigla nila ang mga tao, kapwa sa pisikal at espirituwal, at tumulong na baguhin ang buong kaharian.
-
Maikling aral: Habang tumitingin tayo nang lampas sa mga makamundong bagay na maaaring maghiwalay sa atin, tayo at ang iba pang matatapat na tao ay maaaring tumulong at magpabago sa mundo.
Pagsasalita at Pagpapatawad: Sina Pahoran at Kapitan Moroni (Basahin ang kanilang kuwento sa Alma 61)
Parehong sinisikap nina Pahoran at Kapitan Moroni na iligtas ang kanilang bayan laban sa digmaan. Dahil ang mga liham mula sa malayo ang tanging paraan nila para makipag-ugnayan, hindi nila palaging alam ang nangyayari sa buhay ng bawat isa. Humantong ito sa ilang malalaking di-pagkakaunawaan! Pero sa halip na manatiling nasasaktan at galit, sinunod nila ang mga turo ng Tagapagligtas at mapagpakumbabang pinatawad ang isa’t isa. Kalaunan ay tinulungan nila ang isa’t isa—at ang buong bansa nila—na sumulong.
-
Maikling aral: Maaari nating lutasin ang mga problema nang may kapatawaran at magtuon sa pinakamabuti sa isa’t isa, kahit hindi natin nauunawaan kung bakit kumikilos ang iba sa ganoong paraan.