“Sapat na para sa Akin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.
Mga Tinig ng mga Kabataan
Sapat na para sa Akin
Nang lumipat ako sa Ireland, ipinadama sa akin ng mga paniniwala ko na bukod-tangi ako sa iba. Natanto ko na kailangan kong alamin kung bakit ko ginagawa ang mga ginawa ko. Matapos itong pag-aralan, nagpasiya ako na masaya akong sundin ang mga kautusan.
Subalit noong nakaraang taon, ganoon din ang pinagdaanan ko. Sinimulan kong pag-isipan kung ano ang gusto kong gawin kapag nagtapos ako sa pag-aaral, tulad ng kung magmimisyon ba ako. Alam ko na kung magmimisyon ako, kailangan kong paniwalaan ang mga bagay na ituturo ko sa mga tao.
Sinimulan ko ang masusing pag-aaral sa aking relihiyon. Ang pinakamahalaga, sinimulan ko ang masusing pag-aaral tungkol sa Aklat ni Mormon. Iyon ang unang pagkakataon na binasa ko nang dahan-dahan at mapanalangin ang Aklat ni Mormon. Inaasahan ko na bigla kong malalaman na totoo ang aklat, gaya ng naranasan ni Itay nang sumapi siya sa Simbahan. Alam ko na noong binasa ko ito, naging masaya ako at mas napalapit sa Diyos. Pero hindi ko nadama ang parehong nag-aalab na damdaming nadama ng tatay ko noon.
Di ko muna binasa ang huling kabanata para mabasa ko ito kasama ng mga missionary sa aming lugar. Nang hindi alam kung ano ang nararamdaman ko, isa sa kanila ang nagsimulang talakayin kung paano siya nagkaroon ng gayon ding karanasan. Sinabi niya na para sa ilang tao, ang pagkakaroon ng patotoo ay parang ilaw na binubuksan. Pero para sa iba, para itong pagsikat ng araw. “At sapat na iyon sa akin,” sabi niya.
Hindi ako perpekto. May mga araw na hindi ko nababasa ang Aklat ni Mormon, dahil nalilimutan ko lang, o kung minsan ay dahil nagdadahilan akong huwag magbasa. Lumalago pa rin ang aking patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Pero naniniwala akong totoo ito. Mayroon akong malalim na pagmamahal sa Aklat ni Mormon. Habang mas binabasa ko ito, mas lumalago ang pagmamahal na iyon, at nasasagot ang mga tanong ko.
At ngayon, sapat na iyon para sa akin.
Meka S., edad 17, Dublin, Ireland
Nasisiyahan siya sa sining, paggantsilyo, at pagtugtog ng gitara.