Umugnay sa Kapangyarihan ni Cristo
Narito ang ilang pangunahing alituntuning dapat pag-isipan at ipagdasal tungkol sa nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Mula sa broadcast na Pandaigdigang Araw ng Patotoo: Lahat ng Bagay ay Aking Magagawa sa Pamamagitan ni Cristo, Okt. 22, 2023.
Mahal kong mga kaibigang kabataan, nais kong malaman ninyo na si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakadakilang pinagmumulan ng katotohanan at lakas sa lupa. Ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay tumutulong sa lahat ng lalapit sa Kanya. Ang Kanyang ebanghelyo ay puspos ng nagpapalakas na kapangyarihan dahil naroon ang mga walang-hanggang katotohanang dinaragdagan ng awtoridad ng Kanyang priesthood. Kapag masunurin tayo sa Kanyang mga utos, bawat isa sa atin ay mapagpapala ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Wala na akong maisip na mas mahalagang maunawaan ninyo sa puntong ito ng inyong buhay.
Kaugnay ng kaalamang ito, babanggitin ko ang ilang pangunahing alituntuning dapat ninyong pag isipan at ipagdasal.
Una sa lahat, kailangan ninyong malaman kung sino kayo talaga. Kayo ay anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Bilang miyembro ng Simbahang ito, kayo ay isa ring anak na lalaki o anak na babae ng tipan. At bawat isa sa inyo ay disipulo ni Jesucristo. Ang tatlong pantukoy na ito (anak ng Diyos, anak ng tipan, at disipulo ni Cristo) ay mas mahalaga kaysa sa anumang iba pang mga pantukoy. Rebyuhin ang mga katotohanang ito tungkol sa inyo nang paulit-ulit sa inyong isipan. Bigkasin ang mga ito nang malakas.
Bukod pa rito, kayo rin ang kinabukasan ng Simbahan at ng sanlibutan. Hindi lamang ako nananalig sa inyo, kundi nananalig sa inyo ang inyong Ama sa Langit at si Jesucristo. Isinugo kayo ngayon sa lupa dahil alam ng Diyos na maaari kayong maging matatag at matapang. At kailangan ng Diyos ng matatag at matapang na mga anak na lalaki at anak na babae sa lupa ngayon.
Hindi kayo isinugo rito para mabigo. Isinugo kayo sa lupa para magtagumpay—at tulungan ang iba na magtagumpay. Kapag inyong sinunod si Jesucristo, magkakaroon kayo ng lakas at tapang na kailangan ninyo para harapin ang oposisyon sa mapanganib na mundong ito. Pangako ko iyan sa inyo.
Alamin kung paano makatatanggap ng personal na paghahayag. Walang ibang kaloob sa lupa na tulad ng kaloob na Espiritu Santo. Subukan ninyong magpakabuti pa nang kaunti bawat araw. Matutulungan kayo ng Espiritu Santo. Lalo kayong magiging mas mahusay sa pagkilala sa Kanyang mga pahiwatig. Tutulungan Niya kayong malaman kung ano ang dapat gawin at hindi dapat gawin, kung saan dapat pumunta at saan hindi dapat pumunta. Tutulungan Niya kayong mahiwatigan kung sino ang inyong mga tunay na kaibigan at sino ang hindi. Bibigyan kayo ng Espiritu Santo ng lakas at pananatilihin kayong ligtas.
Sundin nang may katumpakan ang Word of Wisdom at ang batas ng kalinisang-puri. Ang paggawa nito ay magbibigay sa inyo ng pisikal at espirituwal na lakas na hindi taglay ng mga sumusuway sa mga kautusang ito. Sa inyong patuloy na pagsampalataya at pagsunod, daragdagan ng Panginoon ang inyong kakayahang daigin ang mga pagsubok sa inyong buhay.
Hilingin sa Diyos sa panalangin na tulungan kayong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya. Ang pagsampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, na may kasamang araw-araw na pagsisisi, ay magdaragdag sa access ninyo sa kapangyarihan ng Diyos.
Kung ang pakiramdam ninyo marahil ay nalihis na kayo nang napakalayo o napakatagal sa landas ng tipan, tinitiyak ko sa inyo na hindi iyan totoo. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang inyong hinaharap ay maaaring maging maningning, at makinang pa. Kausapin ang inyong mga magulang at ang inyong bishop o branch president. Tutulungan nila kayong muling makatahak sa landas ng pag-unlad. Bumalik sana kayo sa kagalakan at kaligtasan ng landas ng tipan. Kailangan naming makasama kayo.
Ang inyong tagumpay sa huli ay darating kapag nakiisa kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Alam ko na ang buhay na walang Diyos ay isang buhay na puno ng takot. Alam ko rin na ang buhay na kasama ang Diyos ay isang buhay na puno ng kapayapaan, kagalakan, at kapangyarihan. Magpasiyang mamuhay na kasama ang Diyos.
Mahal kong mga kabataan, handa ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, na pagpalain kayo. Hindi Nila kayo pababayaan.