“Kapag Nangyayari ang Masasamang Bagay sa Mabubuting Tao,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Kapag Nangyayari ang Masasamang Bagay sa Mabubuting Tao
May mahirap bang nangyayari sa iyong buhay nitong mga nakaraang araw? Kung oo, hindi ka nag-iisa.
Dalawang bilanggo sa Aklat ni Mormon ang trinato nang napakasama kaya maaari mong isipin—batay sa pagtratong ito—na sila ang pinakamasamang uri ng kriminal.
Iginapos ang mga bilanggong ito. Araw-araw silang binubugbog ng kanilang mga bantay sa bilangguan. Kung hindi pa sapat iyon, hinuhubaran pa sila at hindi binibigyan ng pagkain o tubig. Ano ang nagawa nilang krimen?
Sinusubukan lang naman nina Alma at Amulek na ipangaral ang ebanghelyo (na siyang matututuhan mo sa buwang ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, habang pinag-aaralan ang Alma 8–14).
Pagtitiwala sa Diyos
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng masasamang bagay na nangyayari sa mabubuting tao. Siyempre, gayon din naman sa makabagong panahon. Marahil ay may kilala at mahal kang mga taong katulad ng inilalarawan.
Minsan ay inilarawan ito sa ganitong paraan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Para sa bawat maysakit na gumaling kaagad habang naghihintay na lumusong sa Tangke ng Betesda, may isang taong gugugol ng 40 taon sa disyerto habang naghihintay na makapasok sa lupang pangako. Para sa bawat Nephi at Lehi na mahimalang naprotektahan ng nakapaligid na apoy dahil sa kanilang pananampalataya, mayroon tayong isang Abinadi na sinunog sa nagliliyab na tulos dahil sa kanyang pananampalataya. …
“Ano ang ipinupunto ko? Ang ipinupunto ko ay na ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos sa hirap at ginhawa, kahit na kabilang doon ang ilang pagdurusa hanggang sa ang Kanyang bisig ay maipahayag alang-alang sa atin.”
Kung minsa’y kailangan lang nating magtiis pa!
Pagbalanse ng mga Timbangan
Sa partikular na salaysay na ito sa banal na kasulatan, mahimalang naging maayos ang mga bagay-bagay para kina Alma at Amulek. Pinalakas sila upang masira o mapatid ang kanilang mga gapos at makatakas nang buhay habang ang bilangguan ay bumabagsak sa lupa at nililipol ang kanilang mga bantay sa bilangguan (tingnan sa Alma 14:26–29).
Pero sa ilang naunang kabanata lamang ay nabasa natin ang tungkol sa isang mabuting pinuno na si Gedeon na sinalakay at pinatay dahil sa kanyang pagtatanggol sa pananampalataya (tingnan sa Alma 1:7–9). Bakit magkakaiba ang mga resulta? Sa katunayan, talagang hindi natin alam.
“Hindi maipaliliwanag ang ilang kawalang-katarungan; nakagagalit ang kawalang-katarungang hindi maipaliwanag,” itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol. Magkagayunman, laging may pag-asa! Idinagdag ni Elder Renlund, “Dinaig ni Jesucristo ang sanlibutan at ‘tinanggap’ ang lahat ng kawalang-katarungan. Dahil sa Kanya, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa mundong ito at magalak. Kung hahayaan natin Siya, ilalaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan.”
Anuman ang sitwasyon natin, si Jesucristo ang lakas—at ang pinagmumulan ng kapayapaan—para sa ating lahat.