Huwag Kayong Mabagabag
Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kapatid. Oo, nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, ngunit habang nananatili tayo sa landas ng tipan, hindi natin kailangang matakot.
Idinaragdag ko ang aking saksi sa mga mensahe nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder Quentin L Cook na ibinahagi kanina tungkol sa pagkakasundo at pagkakaisa ng Konseho ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Alam ko na ang mga inanunsiyong paghahayag na ito ay ang isip at nais ng Panginoon at pagpapalain at palalakasin ang mga indibiduwal, pamilya, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw hanggang sa susunod na mga henerasyon.
Ilang taon na ang nakalipas, isa sa mga anak naming babae at ang kanyang asawa ay nagtanong sa amin ni Sister Rasband ng isang tanong na napakahalaga at nakaiimpluwensiya sa buhay: “Ligtas at makabubuti pa ba na magkaroon ng mga anak sa tila masama at nakakatakot na mundong ginagalawan natin?”
Ngayon, ito ay isang mahalagang katanungan na dapat pag-aralan ng isang ina at ama na kasama ang kanilang mga minamahal na anak na may mga asawa na. Narinig namin ang takot sa kanilang mga tinig at naramdaman ang takot sa kanilang mga puso. Ang sagot namin sa kanila ay isang maigting na “Oo, mas okey pa sa okey,” habang nagbabahagi kami ng mga pangunahing turo ng ebanghelyo at ng aming mga taos-pusong impresyon at karanasan sa buhay.
Ang takot ay hindi na bago. Ang mga disipulo ni Jesucristo, sa Dagat ng Galilee, ay natakot sa “bagyo, at …mga alon” sa madilim na gabi.1 Bilang mga disipulo Niya ngayon, mayroon din tayong mga kinatatakutan. Ang mga single adult ay natatakot gumawa ng malaking mga pangako tulad ng pagpapakasal. Ang mga bata pang mag-asawa, tulad ng mga anak namin, ay maaaring mangamba sa pagkakaroon ng anak sa patuloy na sumasamang mundo. Ang mga missionary ay natatakot sa maraming bagay, lalo na sa paglapit sa mga taong hindi nila kakilala. Natatakot ang mga balo na magpatuloy nang mag-isa. Ang mga tinedyer ay natatakot na hindi mapabilang; ang mga nasa elementarya ay natatakot sa unang araw ng pasukan; ang mga nasa kolehiyo ay nangangamba na makuha ang resulta ng kanilang mga pagsusulit. Natatakot tayo na pumalya, matanggihan, mabigo, at sa hindi mga hindi natin alam. Natatakot tayo sa mga bagyo, lindol, at sunog na sumisira sa ating mga lupain at mga buhay. Natatakot tayong hindi mapili, at sa kabilang banda, natatakot tayong mapili. Natatakot tayo na hindi tayo sapat; natatakot tayo na walang biyaya ang Panginoon para sa atin. Natatakot tayo sa pagbabago, at ang mga takot natin ay maaaring maging malaki. Naisama ko na ba ang halos lahat ng kinatatakutan ng tao?
Simula noong unang panahon, nilimitahan na ng takot ang pananaw ng mga anak ng Diyos. Gustung-gusto ko talaga ang kuwento ni Eliseo sa II Mga Hari. Ang hari ng Siria ay nagpadala ng hukbo na “naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.”2 Ang kanilang plano ay hulihin at patayin ang propetang si Eliseo. Mababasa natin:
“At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”3
Iyon ay ang takot na nagsasalita.
“At [sumagot si Eliseo], Huwag kang matakot: sapagkat ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.”4
Ngunit hindi siya tumigil dito.
“Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya’y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siyay nakakita: at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.”5
Maaaring mayroon o wala tayong karo ng mga apoy na ipinadala sa atin upang tanggalin ang ating takot at magapi ang mga kahinaan natin, ngunit malinaw ang aral. Ang Panginoon ay nasasaatin, nag-aalala Siya sa atin at binibiyayaan tayo sa mga paraang tanging Siya lamang ang nakagagawa. Ang panalangin ay maaaring magbigay ng lakas at paghahayag na kailangan natin upang maisentro ang ating mga pag-iisip kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Alam ng Panginoon na kung minsan ay makararamdam tayo ng takot. Naramdaman ko na iyon at gayundin kayo, kung kaya’t punung-puno ang mga banal na kasulatan ng payo ng Panginoon:
“Magalak, at huwag matakot.”6
“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”7
“Huwag matakot, munting kawan.”8 Gusto ko ang lambing ng mga katagang “munting kawan.” Sa Simbahan na ito maaaring kaunti ang bilang natin batay sa kung paano sukatin ng mundo ang impluwensiya, ngunit kapag binuksan natin ang ating mga espirituwal na mga mata, “ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.”9 Ipinagpatuloy ng ating mapagmahal na Pastol, na si Jesucristo, “Hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.”10
Paano iwinawaksi ang takot? Para sa batang lalaki, nakatayo siya sa tabi ni Eliseo, isang propeta ng Diyos. Gayun din ang pangako sa atin. Kapag nakikinig tayo kay Pangulong Russell M. Nelson, kapag pinakikinggan natin ang kanyang payo, tumatayo tayong kasama ang propeta ng Diyos. Tandaan ang mga salita ni Joseph Smith: “At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!”11 Si Jesucristo ay buhay. Ang pagmamahal natin para sa Kanya at Kanyang ebanghelyo ay nagwawaksi ng takot.
Ang ating pagnais na “sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu”12 ay maghahawi ng takot upang mas makita natin ang walang hanggang pananaw ng ating buhay sa mundo. Nagbabala si Pangulong Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at [nakapagpapanatag, at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”13
Sinabi ng Panginoon, tungkol sa mga salot na babalot sa lupa at magpapatigas sa puso ng marami: “Ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag.”14
At ang banal na payo na ito: “Huwag kayong mabagabag, sapagkat, sa panahong ang mga bagay na ito ay mangyari, malalaman ninyo na ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad.”15
Tumayo sa mga banal na lugar—huwag mabagabag—at matutupad ang mga pangako. Tingnan natin ang bawat isa nito at iugnay sa ating mga takot.
Una, tumayo sa mga banal na lugar. Kapag nakatayo tayo sa mga banal na lugar—ang ating mabubuting tahanan, ang inilaan na mga simbahan natin, ang inilaan na mga templo—nararamdaman natin na kasama natin ang Espiritu ng Panginoon. Nakahahanap tayo ng mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa atin o ng kapayapaan na isantabi muna ang mga ito. Iyan ang Espiritu na kumikilos. Ang mga sagradong lugar sa kaharian ng Diyos sa lupa ay humihingi ng ating pagpipitagan, ang ating respeto para sa iba, ang ating pinakamabuting pagsasabuhay ng ebanghelyo, at ang ating paghangad na isantabi ang ating mga takot at hangarin ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Walang puwang para sa takot sa mga banal na lugar na ito ng Diyos o sa puso ng Kanyang mga anak. Bakit? Dahil sa pagmamahal. Mahal tayo ng Diyos—sa tuwina—at mahal natin Siya. Ang pagmamahal natin sa Diyos ay nilalabanan ang lahat ng ating takot, at ang pagmamahal Niya ay sagana sa mga banal na lugar. Pag-isipan ito. Kapag hindi tayo lubos na tapat sa mga pangako natin sa Diyos, kapag lumalayo tayo sa Kanyang landas na patungo sa buhay na walang hanggan, kapag kinukuwestiyon o pinagdududahan natin ang ating halaga sa Kanyang banal na plano, kapag hinahayaan natin ang takot na buksan ang pinto sa lahat ng mga kasama nito—nanghihinang kalooban, galit, siphayo, kabiguan—iniiwan tayo ng Espiritu, at hindi natin kasama ang Panginoon. Kung alam ninyo iyon, alam ninyo na hindi magandang lugar iyon. Sa kabaligtaran, kapag nakatayo tayo sa mga banal na lugar, nararamdaman natin ang pagmamahal ng Diyos, at “ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot.”16
Ang susunod na pangako ay “Huwag mangamba.”17 Kahit gaano pa katindi ang kasamaan at kaguluhan na pumupuno sa mundo, pinangakuan tayo sa pamamagitan ng araw-araw na pananampalataya kay Jesucristo ng “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pag-iisip.”18 At kapag dumating si Cristo nang may wagas na kapangyarihan at kaluwalhatian, ang kasamaan, paghihimagsik, at kawalan ng katarungan ay magwawakas.
Matagal na panahon na ang nakalilipas, Si Apostol Pablo ay nagpropesiya para sa panahon natin, sinasabi sa batang Timoteo:
“Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.
“Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, …
“…mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios.”19
Tandaan, sila na “sumasaatin” sa magkabilang panig ng tabing, yaong mga nagmamahal sa Panginoon ng kanilang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, “ay higit kay sa sumasa kanila.”20 Kung masigasig tayong nagtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga paraan, kung ginagawa natin ang Kanyang gawain, hindi tayo matatakot sa kalakaran ng mundo o mababagabag ng mga ito. Nakikiusap ako sa inyo na isantabi ang mga makamundong impluwensiya at pamimilit ng iba at hangarin ang espirituwalidad sa inyong buhay sa araw-araw. Mahalin ang minamahal ng Panginoon—na kinabibilangan ng Kanyang mga kautusan, Kanyang mga banal na tahanan, ang ating mga banal na tipan sa Kanya, ang sakramento tuwing araw ng Sabbath, ang ating komunikasyon sa pamamagitan ng pagdarasal—at hindi kayo mangangamba.
Ang huling punto: magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako. Alam ko na lahat ng Kanyang mga pangako ay matutupad. Alam ko ito na kasing tatag ng pagtayo ko sa harapan ninyo sa sagradong pulong na ito.
Inihayag ng Panginoon: “Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon.”21
Kaya nga hindi tayo dapat mangamba sa kaguluhan sa panahon natin, sa mga nasa malaki at maluwang na gusali, sa mga nanunuya sa matatapat na nagsisikap at masigasig na nakatuon na paglilingkod sa Panginoong Jesucristo. Ang optimismo, tapang, pati pag-ibig sa kapwa ay mula sa puso na hindi nabibigatan sa mga problema o kaguluhan. Si Pangulong Nelson, na “maganda ang pananaw sa hinaharap,” ay nagpaalaala sa atin, “Kung gusto nating magkaroon ng pagkakataong masuri ang iba’t ibang opinyon at mga pilosopiya ng tao na sumisira ng katotohanan, kailangan tayong matutong tumanggap ng paghahayag.”22
Upang makatanggap ng pansariling paghahayag, kailangan nating unahin ang pagsasabuhay ng ebanghelyo at paghihikayat ng pananampalataya at espirituwalidad sa ibang tao at sa ating sarili.
Si Spencer W. Kimball ay isa sa mga propeta noong kabataan ko. Sa mga nakaraang ilang taon, matapos matawag bilang Apostol, nakahanap ako ng kapayapaan sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1943. Kinabahan siya sa pagtawag sa kanya; alam ko ang pakiramdam na iyon. Sinabi ni Elder Kimball: “Labis akong nag-isip at nagdasal, at nag-ayuno at nagdasal. Maraming magkasalungat na mga kaisipan ang pumasok sa isip ko—mga tinig na nagsasabing: ‘Hindi mo magagawa ang gawain. Hindi ka karapat-dapat. Wala kang kakayahan’—at laging sa huli ay dumarating ang nagbubunying kaisipan: ‘Kailangan mong gawin ang nakatakdang gawain—kailangan mong kayanin, gawing karapat-dapat at naaangkop ang sarili mo.’ At nagpatuloy ang mas tuminding labanan.”23
Lumakas ang loob ko mula sa taos-pusong patotoo ng Apostol na ito na magiging ika-12 Pangulo ng dakilang Simbahan na ito. Nalaman niya na kailangan niyang isantabi ang kanyang mga pangamba at “gawin ang itinakdang gawain” at kailangan niyang magtiwala sa Panginoon upang gawin ang sarili niya na “may kakayahan, karapat-dapat, at naaangkop.” Kaya rin natin ito. Magpapatuloy ang mas tumitinding labanan, ngunit haharapin natin ang mga ito nang may Espiritu ng Panginoon. Tayo ay “hindi mangangamba” dahil kapag nakatayo tayong kasama ang Panginoon at naninindigan para sa Kanyang mga alituntunin at Kanyang walang hanggang plano, tumatayo tayo sa banal na lugar.
Ngayon, anong nangyari sa anak na babae at manugang na nagtanong nang taos-puso, mapanuri, at nakabatay sa takot na tanong ilang taon na ang nakalilipas? Seryoso nilang pinag-isipan ang pinag-usapan namin nang gabing iyon; nagdasal at nag-ayuno sila at nakapagpasya sa kanilang sarili. Masaya at maligaya para sa kanila at sa amin na, mga lolo at lola, nabiyayaan na sila ngayon ng pitong magagandang anak habang sumusulong sila sa pananampalataya at pagmamahal.
Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kapatid. Oo, nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, ngunit habang nananatili tayo sa landas ng tipan, hindi natin kailangang matakot. Binabasbasan ko kayo na sa paggawa nito, hindi kayo mababagabag ng panahon kung kailan tayo nabubuhay o ng mga problema na darating sa inyo. Binabasbasan ko kayo na piliing tumayo sa mga banal na lugar at huwag matinag. Binabasbasan ko kayo na maniwala sa mga pangako ni Jesucristo, na Siya ay buhay at Siya ay nagbabantay sa atin, nagmamalasakit at nakatayong kasama natin. Sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.