Ang Ating Siga ng Pananampalataya
Para sa mga naghahanap, nagpapahintulot, nagsisikap na matamo ito, ang bukang-liwayway ng pananampalataya, kung minsan ay unti-unting dumarating o maaaring bumalik.
Mahal kong mga kapatid, hindi ba’t kagila-gilalas na makatanggap ng patuloy na paghahayag mula sa langit sa pamamagitan ni Pangulong Russell M. Nelson at ng mga lider natin sa Simbahan na nag-aanyaya sa ating mamuhay sa bago at mas banal na paraan,1 sa tahanan at sa simbahan, nang ating buong puso, pag-iisip, at lakas?
Nagkaroon na ba kayo ng pagkakataong gawin ang isang bagay at nadama ninyong hindi kayo handa o kulang ang alam ninyo para dito ngunit napagpala kayo sa pagsisikap na gawin ito?
Naranasan ko na iyan. Narito ang isang halimbawa.
Ilang taon na ang nakalipas, si Elder Richard G. Scott, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay magiliw akong inanyayahan, “Gerrit, gusto mo bang samahan ako sa pagpinta gamit ang watercolor?”
Sinabi ni Elder Scott na ang pagpipinta ay tumutulong sa kanya na magmasid at makalikha. Isinulat niya: “Sikaping maging malikhain, kahit na ang mga resulta ay karaniwan lang. … Ang pagkamalikhain ay humihikayat ng pasasalamat para sa buhay at sa mga ipinagkaloob ng Panginoon sa inyo. … Kung matalino ang pagpili ninyo, hindi ito mangangailangan ng maraming oras.”2
Inilarawan ni Pangulong Henry B. Eyring na ang kanyang mga gawain sa sining ay bunsod ng “damdamin ng pagmamahal,” kabilang “ang pagmamahal sa Lumikha na umaasang ang Kanyang mga anak ay matutulad sa Kanya—na lilikha at bubuo.”3 Ang mga malikhaing gawa ni Pangulong Eyring ay nagbibigay ng “kakaiba, at espirituwal na pananaw sa patotoo at pananampalataya.”4
Inilalarawan ng gawang-sining ni Pangulong Boyd K. Packer ang isang mahalagang mensahe ng ebanghelyo: “Ang Diyos ang Lumikha ng langit at ng lupa at ng lahat ng bagay na narito, na ang buong kalikasan ay nagpapatotoo sa paglikhang iyon na may banal na patnubay, at mayroong ganap na pagkakaisa ang kalikasan, siyensya, at ang ebanghelyo ni Jesucristo.”5
Nagpatotoo si Alma na, “lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos.”6 Inaawit ng ating mga anak sa Primary, “T’wing maririnig huni ng ibon o langit ay mamasdan, … Anong ligaya ako’y mapabilang sa mundong likha ng Maylalang.”7 Binigyang-diin ng awtor na si Victor Hugo ang “mga mahimalang ugnayan ng mga nilalang at mga bagay; sa maganda at malaking sansinukob na ito, mula sa araw hanggang sa pinakamaliit na insekto. … Bawat ibong lumilipad ay may taglay na bahagi ng Diyos sa kanilang sarili. … Ang isang nebula ay tila isang punso ng mga bituin.”8
At ibinabalik tayo niyan sa paanyaya ni Elder Scott.
“Elder Scott,” sagot ko, “Nais kong maging mas mapagmasid pa at malikhain. Tuwang-tuwa ako kapag naiisip ko na nagpipinta ang Ama sa Langit gamit ang balumbon ng mga ulap at bawat kulay ng langit at tubig. Ngunit”—pag-aalangan ko—“Elder Scott,” sabi ko, “hindi ako marunong magpinta gamit ang watercolor. Nag-aalala ako na baka hindi ka masiyahan kung susubukan mo akong turuan.”
Ngumiti si Elder Scott at sinabing magkita kami. Sa itinakdang araw, inihanda niya ang papel, mga pintura, at pinsel. Gumuhit siya ng ilang outline at tinulungan akong basain ang papel.
Ginamit naming modelo ang kanyang magandang watercolor painting na pinamagatang Campfire at Sunset. Habang nagpipinta kami, nag-usap kami tungkol sa pananampalataya—kung paanong kapag nakaharap tayo sa liwanag at init ng siga, tinatatalikuran natin ang kadiliman at kawalan ng katiyakan—na sa mahaba, malungkot na mga gabi, ang ating siga ng pananampalataya ay makapagbibigay ng pag-asa at katiyakan. At dumarating ang bukang-liwayway. Ang ating siga ng pananampalataya—ating mga alaala, karanasan, at pamana ng pananampalataya sa kabutihan ng Diyos at magigiliw na awa sa ating buhay—ang nagpalakas sa atin sa buong magdamag.
Ang aking patotoo ay—para sa mga naghahanap, nagpapahintulot, nagsisikap na matamo ito—ang bukang-liwayway ng pananampalataya, kung minsan ay unti-unting dumarating o maaaring bumalik. Darating ang liwanag kapag hinangad at hinanap natin ito, kapag tayo ay matiyaga at masunurin sa mga utos ng Diyos, kapag handa nating tanggapin ang biyaya, pagpapagaling, at mga tipan ng Diyos.
Nang magsimula kaming magpinta, sinabi ni Elder Scott, “Gerrit, kahit sa isang lesson may maipipinta ka na gugustuhin mong ingatan at alalahanin.” Tama si Elder Scott. Pinahalagahan ko ang watercolor ng aming siga ng pananampalataya na ipininta ko sa tulong ni Elder Scott. Ang aking kakayahan sa pagpipinta noon at ngayon ay limitado pa rin, ngunit ang alaala ng ating siga ng pananampalataya ay makahihikayat sa atin sa limang paraan.
Una, mahihikayat tayo ng ating siga ng pananampalataya na magalak sa makabuluhang pagkamalikhain.
May kagalakan sa paglalarawan sa isipan, pag-aaral, at, paggawa ng mga kapaki-pakinabang na bagong bagay. Totoo ito lalo na kapag pinalalakas natin ang pananampalataya at tiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Hindi natin maaaring mahalin nang lubos ang ating sarili para mailigtas ang ating sarili. Ngunit mas mahal at mas kilala tayo ng Ama sa Langit kaysa sa pagmamahal at pagkakilala natin sa ating sarili. Mapagkakatiwalaan natin ang Panginoon at hindi aasa sa ating sariling kaunawaan.9
Nangyari na ba sa inyo na kayo lang ang hindi inimbita sa birthday party ng isang tao?
Nangyari na ba sa inyo na kayo ang huling pinili, o hindi napili, kapag pumipili ng mga sasali sa team?
Nakapaghanda na ba kayo para sa test sa paaralan, sa interbyu sa trabaho, sa isang pagkakataon na talagang gusto ninyo—at nadama ninyong nabigo kayo?
Nagdasal na ba kayo para sa isang relasyon na, sa kung anong dahilan, ay hindi naayos?
Dumanas na ba kayo ng malubhang karamdaman, iniwan ng asawa, nagdalamhati para sa inyong pamilya?
Alam ng ating Tagapagligtas ang ating mga kalagayan. Kapag ginamit natin ang kalayaan na ibinigay ng Diyos at ginamit ang lahat ng ating kakayahan nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, matutulungan tayo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na harapin ang mga hamon at kagalakan ng buhay. Kasama sa pananampalataya ang hangarin at pagpiling maniwala. Ang pananampalataya ay nagmumula rin sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, na ibinigay para pagpalain tayo, habang tinatahak natin ang Kanyang landas ng tipan.
Kapag tayo ay nakadama, o nakadarama, ng kawalang-katiyakan, pag-iisa, kalungkutan, galit, pagkabigo, panghihina ng loob, o pagkawalay sa Diyos at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, kinakailangan natin ng dagdag na pagsisikap at pananampalataya para muling makapasok sa Kanyang landas ng tipan. At sulit ito! Lumapit lamang, o muling lumapit, sa Panginoong Jesucristo! Ang pag-ibig ng Diyos ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan—temporal o espirituwal.10 Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang katapusan at walang hanggan. Bawat isa sa atin ay nag-aalinlangan at nabibigo. Tayo, sa sandaling panahon, ay maaaring maligaw ng landas. Buong pagmamahal na tinitiyak sa atin ng Diyos, saanman tayo naroon o anuman ang ating ginawa, palagi tayong makababalik sa Kanya. Naghihintay Siya at handa tayong yakapin.11
Pangalawa, mahihikayat tayo ng ating siga ng pananampalataya na mag-minister sa bago, mas dakila, at mas banal na mga paraan na puspos ng Espiritu.
Ang gayong pagmiministering ay nagdudulot ng mga himala at mga pagpapala ng pagiging kabilang sa tipan—kung saan dama natin ang pag-ibig ng Diyos at naghahangad na mag-minister sa iba sa gayong diwa.
Kamakailan, nakilala namin ni Sister Gong ang isang ama at pamilya na pinagpala ng isang matapat na kapatid sa priesthood na lumapit sa kanilang bishop at nagtanong kung siya (ang kapatid sa priesthood) ay maaaring maging kompanyon ng ama sa home teaching. Ang ama ay hindi aktibo noon at di interesado sa home teaching. Ngunit nang magbago ang puso ng ama, siya at ang mapagmahal na priesthood brother na ito ay nagsimulang bumisita sa mga pamilya na “naka-assign” sa kanila. Matapos ang pagbisitang iyon, ang kanyang kabiyak—na hindi rin nagsisimba noon—ay nangumusta sa kanya. Sinabi ng ama, “May naramdaman ako kakaiba”—at pagkatapos ay nagpunta sa kusina para kumuha ng beer.12
Ngunit ang bawat karanasan ay nasundan pa: mga espirituwal na karanasan, serbisyo sa ministering, pagbabago ng mga puso, temple preparation class, pagsisimba, pagkabuklod bilang pamilya sa banal na templo. Isipin ninyo kung gaano ang pasasalamat ng mga anak at mga apo sa kanilang ama at ina at sa ministering brother na dumating bilang kaibigan at kasama ng kanilang ama para mahalin at mag-minister sa iba.
Ang pangatlong siga ng pananampalataya ay paghikayat: ang malikhaing kagalakan at mga pagpapala ng ebanghelyo ay dumarating kapag hinahangad nating mahalin ang Panginoon at ang ating kapwa nang buong puso at kaluluwa natin.
Inaanyayahan tayo ng mga banal na kasulatan na ilagay ang lahat ng ating pagsisikap sa altar ng pagmamahal at paglilingkod. Sa Lumang Tipan, ipinayo sa atin na “ibigin ang Panginoon mong Dios” nang buong puso, kaluluwa, at isipan natin.13 Ipinayo ni Josue, “Ibigin ang Panginoon ninyong Dios, … lumakad sa lahat niyang mga daan, … ingatan ang kaniyang mga utos, … lumakip sa kaniya, at … maglingkod sa kaniya ng buo ninyong puso at ng buo ninyong kaluluwa.”14
Sa Bagong Tipan, ipinahayag ng ating Tagapagligtas ang dalawang dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, … at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”15
Sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, si Haring Benjamin ay gumawa “nang buong lakas ng kanyang katawan at ng pandama ng kanyang buong kaluluwa” at nakapagtatag ng kapayapaan sa lupain.16 Sa Doktrina at mga Tipan, gaya ng alam ng lahat ng missionary, iniuutos ng Panginoon na maglingkod tayo sa Kanya nang “buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.”17 Nang pumasok ang mga Banal sa Jackson County, iniutos sa kanila ng Panginoon na panatilihing banal ang Sabbath, na “ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya.”18
Nagagalak tayo sa paanyayang ilaan ang ating buong kaluluwa sa paghahanap ng mas dakila at mas banal na mga paraan para mahalin ang Diyos at ang mga taong nasa paligid natin at palakasin ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa ating puso at sa ating tahanan at sa simbahan.
Pang-apat, hinihikayat tayo ng ating siga ng pananampalataya na magtatag ng regular na mga huwaran ng mabuting pamumuhay na nagpapalakas ng pananampalataya at espirituwalidad.
Ang mga banal na kaugalian, mabubuting asal, o mapanalangin huwarang ito ay maaaring kabilangan ng panalangin; pag-aaral ng banal na kasulatan; pag-aayuno; pag-alala sa ating Tagapagligtas at mga tipan sa ordenansa ng sakramento; pagbabahagi ng mga biyaya ng ebanghelyo sa pamamagitan ng missionary, gawain sa templo at family history, at iba pang serbisyo; pagsusulat ng mga espirituwal na bagay sa personal journal; at iba pa.
Kapag ang mabubuting huwaran at espirituwal na mga hangarin ay nagkaugnay, ang panahon at kawalang-hanggan ay nagkakasama. Ang espirituwal na liwanag at buhay ay dumarating kapag ang paggawa sa mga gawaing pangrelihiyon ay naglalapit sa atin sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag mahal natin ang diwa at katuturan ng batas, ang mga bagay ng kawalang-hanggan ay dahan-dahang dadaloy sa ating kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.19 Sa pamamagitan ng araw-araw na pagsunod at ng tubig na buhay na nagpapasigla, nakakahanap tayo ng mga sagot, pananampalataya, at lakas upang maharap ang mga hamon at pagkakataon sa araw-araw nang may tiyaga, pananaw, at kagalakan ng ebanghelyo.
Panglima, kapag sinunod natin ang pinakamaiinam na huwaran habang naghahanap ng bago at mas banal na mga paraan na mahalin ang Diyos at matulungan tayo at ang iba pa na maghanda na makita Siya, ang ating siga ng pananampalataya ay makahihikayat sa atin na alalahanin na ang pagiging sakdal o perpekto ay na kay Cristo, wala sa ating sarili o sa pananaw ng mundo tungkol sa pagiging perpekto.
Ang mga paanyaya ng Diyos ay puno ng pagmamahal at posibilidad dahil si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”20 Sa mga nangabibigatan, ang paanyaya Niya ay, “Magsiparito sa akin,” at sa mga lumalapit sa Kanya, nangangako Siya na, “kayo’y aking papagpapahingahin.”21 “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … ibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”22
Sa katiyakang ito na “sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay [magiging] ganap kay Cristo” ay naroon din ang kapanatagan, kapayapaan, at pangako na makasusulong tayo nang may pananampalataya at tiwala sa Panginoon kahit na ang mga bagay ay hindi nangyayari tulad ng ating inaasahan, o marahil nararapat sa atin, bagama’t hindi natin kasalanan, kahit ginawa natin ang lahat ng ating makakaya.
Sa iba’t ibang panahon at paraan, nakadarama tayong lahat ng kakulangan, kawalan ng katiyakan, at marahil ng hindi pagiging karapat-dapat. Gayunman sa ating matapat na pagsisikap na mahalin ang Diyos at mag-minister sa ating kapwa, maaari nating madama ang pagmamahal ng Diyos at ang inspirasyong kailangan para sa kanila at sa ating buhay sa bago at mas banal na mga paraan.
Nang nahahabag, ang Tagapagligtas ay naghikayat at nangako na maaari tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”23 Ang doktrina ni Cristo, ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, at ang pagtahak nang ating buong kaluluwa sa Kanyang landas ng tipan ay makatutulong para malaman natin ang Kanyang mga katotohanan at magpapalaya sa atin.24
Pinatototohanan ko na ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo at Kanyang plano ng kaligayahan ay ipinanumbalik at itinuturo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa banal na kasulatan, at ng mga propeta mula kay Propetang Joseph Smith hanggang kay Pangulong Russell M. Nelson ngayon. Nagpapatotoo ako na ang Kanyang landas ng tipan ay humahantong sa ipinangakong pinakadakilang kaloob ng ating mapagmahal na Ama sa Langit: “Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”25
Nawa ang Kanyang mga pagpapala at walang hanggang kagalakan ay mapasaatin habang pinasisigla natin ang ating puso at pag-asa at pangako sa ating siga ng pananampalataya, ang dalangin ko sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.