Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay
Sa panahong ito ng hosana at aleluia, umawit ng aleluia—sapagka’t Siya’y maghahari magpakailanman!
Mahal kong mga kapatid: nang may hosana at aleluia, ipinagdiriwang natin ang buhay na Jesucristo sa panahong ito ng patuloy na Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay. Nang may perpektong pagmamahal, tinitiyak sa atin ng Tagapagligtas: “Kayo’y mag[ka]karoon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”1
Ilang taon na ang nakalipas, sa pagbisita namin ni Sister Gong sa isang magiliw na pamilya, nahihiyang inilabas ng kanilang batang anak na si Ivy ang lalagyan ng kanyang biyolin. Inilabas niya ang violin bow, hinigpitan, at nilagyan ito ng rosin. Pagkatapos ay ibinalik niya ang bow sa lalagyan, yumuko, at umupo. Dahil nagsisimula pa lamang matutong tumugtog ng biyolin, nagbahagi lamang siya ng lahat ng nalalaman niya tungkol sa biyolin. Ngayon, pagkaraan ng maraming taon, mahusay nang tumugtog ng biyolin si Ivy.
Sa mortal na buhay na ito, medyo katulad tayo ni Ivy at ng kanyang biyolin. Nagsisimula tayo sa umpisa. Sa pag-eensayo at pagtitiyaga, umuunlad at humuhusay tayo. Sa pagdaan ng panahon, tinutulungan tayo ng moral na kalayaang pumili at ng mga karanasan sa buhay na ito na maging mas katulad ng ating Tagapagligtas habang gumagawa tayo na kasama Niya sa Kanyang ubasan2 at tinatahak ang Kanyang landas ng tipan.
Ang mga anibersaryo, kabilang na ang ikadalawang daang anibersaryong ito, ay nagtatampok sa mga huwaran ng pagpapanumbalik.3 Sa pagdiriwang ng patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, naghahanda rin tayo para sa Pasko ng Pagkabuhay. Sa dalawang kaganapang ito, nagsasaya tayo sa pagbabalik ni Jesucristo. Siya ay buhay—hindi lang noon, kundi ngayon; hindi lang para sa iilan, kundi para sa lahat. Siya ay dumating at darating upang pagalingin ang mga bagbag na puso, palayain ang mga bihag, ibalik ang paningin ng mga bulag, at palayain ang mga naaapi.4 Iyan ang bawat isa sa atin. Makakamtan ang Kanyang mapantubos na mga pangako, anuman ang ating nakaraan, kasalukuyan, o mga alalahanin sa hinaharap.
Bukas ay Linggo ng Palaspas. Ayon sa tradisyon, ang mga palaspas ay isang sagradong simbolo para maipakita ang kagalakan sa ating Panginoon, tulad sa Matagumpay na Pagpasok ni Cristo sa Jerusalem, kung saan ang “malaking karamihan … ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya.”5 (Maaaring maging interesado kayong malaman ang orihinal ng painting na ito ni Harry Anderson na nakasabit sa opisina ni Pangulong Russell M. Nelson, sa likuran lamang ng kanyang mesa.) Sa aklat ng Apocalipsis, ang mga pumupuri sa Diyos at Cordero ay “nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.”6 Kasama ng mga “balabal ng kabutihan” at “mga putong ng kaluwalhatian,” kabilang ang mga palaspas sa panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple.7
Mangyari pa, ang kahalagahan ng Linggo ng Palaspas ay higit pa sa pagsalubong ng napakaraming tao kay Jesus nang may hawak na mga palaspas. Sa Linggo ng Palaspas, pumasok si Jesus sa Jerusalem sa paraang nahiwatigan ng matatapat na ito ay katuparan ng propesiya. Tulad ng ipinropesiya ni Zacarias8 at ng Mang-aawit, pumasok ang ating Panginoon sa Jerusalem sakay ng isang asno habang nagsisigawan ang napakaraming tao ng “Hosana sa kataastaasan.”9 Ang ibig sabihin ng Hosana ay “magligtas ngayon.”10 Noon, tulad ngayon, nagagalak tayo, “Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.”11
Isang linggo pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ay Pasko ng Pagkabuhay. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na si Jesucristo ay “pumarito upang bayaran ang utang na hindi Kanya dahil may utang tayo na hindi natin kayang bayaran.”12 Tunay ngang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, lahat ng anak ng Diyos ay “maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”13 Sa Pasko ng Pagkabuhay, kumakanta tayo ng aleluia. Ang ibig sabihin ng Aleluia ay “purihin ninyo ang Panginoong Jehova.”14 Ang “Hallelujah Chorus” sa Messiah ni Handel ay isang kapita-pitagang pahayag sa Pasko ng Pagkabuhay na Siya ang Hari ng mga Hari, at Panginoon ng mga Panginoon.15
Ang mga sagradong pangyayari sa pagitan ng Araw ng Palaspas at Araw ng Pagkabuhay ay kuwento tungkol sa hosana at aleluia. Hosana ay pagsamo natin sa Diyos na magligtas. Aleluia ang pagpupuri sa Panginoon para sa pag-asa ng kaligtasan at kadakilaan. Sa hosana at aleluia, kinikilala natin ang buhay na Jesucristo bilang sentro ng Pasko ng Pagkabuhay at pagpapanumbalik sa mga huling araw.
Nagsimula ang Pagpapanumbalik sa mga huling araw sa isang theophany—ang literal na pagpapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa batang propeta na si Joseph Smith. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Kung matititigan ninyo ang langit nang limang minuto, mas marami kayong malalaman kaysa kung babasahin ninyo ang lahat ng naisulat tungkol sa paksa.”16 Dahil bukas nang muli ang kalangitan, nakilala natin ang Diyos at “naniniwala [tayo] sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.”17—ang banal na Panguluhang Diyos.
Sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, Abril 3, 1836, sa mga unang taon ng Pagpapanumbalik, nagpakita ang buhay na Jesucristo pagkatapos ilaan ang Kirtland Temple. Ang mga nakakita sa Kanya roon ay nagpatotoo sa Kanya gamit ang magkatugma at magkasalungat na apoy at tubig: “Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova.”18
Sa okasyong iyon, ipinahayag ng Tagapagligtas: “Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.”19 Muli, magkatugma at magkasalungat—una at huli, nabuhay at pinaslang. Siya ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas,20 ang may akda at tagatapos ng ating pananampalataya.21
Pagkatapos ng pagpapakita ni Jesucristo, dumating din sina Moises, Elias, at Elijah. Ayon sa banal na utos, ipinanumbalik ng dakilang sinaunang mga propetang ito ang mga susi at awtoridad ng priesthood. Kaya, “ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala”22 sa loob ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan upang pagpalain ang lahat ng anak ng Diyos.
Tinupad din ng pagdating ni Elijah sa Kirtland Temple ang propesiya ni Malakias sa Lumang Tipan na babalik si Elijah bago “dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.”23 Sa paggawa nito, ang pagpapakita ni Elijah ay sumabay, bagama’t hindi sinasadya, sa panahon ng Paskua ng mga Judio, na isang tradisyon na mapitagang naghihintay sa pagbabalik ni Elijah.
Maraming debotong pamilyang Judio ang nag-iiwan ng puwesto para kay Elijah sa kanilang hapag-kainan ng Paskua. Pinupuno ng marami ang isang baso upang anyayahan at salubungin siya. At ang iba, sa tradisyonal na Passover Seder, ay nagpapapunta ng bata sa pinto, na kung minsan ay bahagyang nakabukas, upang tingnan kung nasa labas si Elijah na naghihintay na maanyayahan.24
Bilang pagtupad sa propesiya at bilang bahagi ng ipinangakong pagpapanumbalik ng lahat ng bagay,25 dumating nga si Elijah tulad ng ipinangako, sa Pasko ng Pagkabuhay at sa pagsisimula ng Paskua. Dinala niya ang awtoridad na magbuklod upang mabigkis ang mga pamilya sa lupa at sa langit. Tulad ng itinuro ni Moroni kay Propetang Joseph, “itatanim [ni Elijah] sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon,” pagpapatuloy ni Moroni, “ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa pagparito [ng Panginoon].”26 Inilalapit tayo ng diwa ni Elijah, isang manipestasyon ng Espiritu Santo, sa ating mga henerasyon—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—sa ating mga genealogy, kasaysayan, at paglilingkod sa templo.
Alalahanin din natin sandali ang ipinapakahulugan ng Paskua. Ang Paskua ay pag-alaala sa paglaya ng mga anak ni Israel mula sa 400 taong pagkaalipin. Inihayag sa aklat ng Exodo kung paano nangyari ang paglayang ito matapos ang mga salot na mga palaka, kuto, langaw, pagkamatay ng mga baka, pigsa, pamamaga sa balat, malalaking tipak ng yelo at apoy, balang, at makapal na kadiliman. Ang huling salot ay nagbanta sa pagkamatay ng mga panganay na anak sa buong lupain, ngunit hindi sa sambahayan ni Israel kung—kung magpapahid ang mga pamilyang iyon ng dugo ng panganay na tupa na walang kapintasan sa mga pintuan ng kanilang bahay.27
Nilampasan ng anghel ng kamatayan ang mga bahay na may marka ng simbolikong dugo ng tupa.28 Ang paglampas na iyon ay kumakatawan sa pagdaig ni Jesucristo sa kamatayan. Katunayan, ang nagbayad-salang dugo ng Cordero ng Diyos ay nagbigay sa ating Mabuting Pastol ng kapangyarihan na tipunin ang Kanyang mga tao sa lahat ng lugar at kalagayan patungo sa kaligtasan ng Kanyang kawan sa magkabilang tabing.
Mahalagang pansinin na Inilarawan sa Aklat ni Mormon ang “kapangyarihan at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo” i29—ang diwa ng Pasko ng Pagkabuhay—sa dalawang pagpapanumbalik.
Una, kasama sa pagkabuhay na mag-uli ang pisikal na pagpapanumbalik ng ating “wasto at ganap na anyo”; “bawat biyas at kasu-kasuan,” “maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala.”30 Ang pangakong ito ay nagbibigay ng pag-asa sa mga nawalan ng biyas; o sa mga nawalan ng paningin, pandinig, o hindi makalakad; o yaong mga nawalan ng katinuan dahil sa malubhang sakit, karamdamam sa pag-iisip, o iba pang kapansanan. Nakikita Niya tayo. Pinagagaling Niya tayo.
Ang pangalawang pangako ng Pasko ng Pagkabuhay at ng Pagbabayad-sala ng Panginoon ay “lahat ng bagay ay manu[nu]mbalik sa kanilang wastong kaayusan”31 sa espirituwal. Ang espirituwal na pagpapanumbalik na ito ay nagpapakita ng ating mga gawa at hangarin. Tulad ng tinapay sa tubigan,32 ipinanunumbalik nito ang “mabait doon sa mabait,” “mabuti doon sa mabuti,” “makatarungan doon sa makatarungan,” at “maawain doon sa maawain.”33 Hindi nakapagtatakang ginamit ni propetang Alma ang salitang panunumbalik nang 22 beses34 sa paghimok niya sa ating “makitungo nang makatarungan at patuloy na gumawa ng mabuti.”35
Dahil “Diyos ang [nag]bayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan,”36 magagawang buo ng Pagbabayad-sala ng Panginoon hindi lamang ang naging kundi ang magiging. Dahil alam Niya ang ating mga pasakit, hirap, sakit, at “lahat ng uri ng tukso,”37 matutulungan Niya tayo, nang may awa, ayon sa ating mga kahinaan.38 Dahil ang Diyos ay isang “ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos,” ang plano ng awa ay “[matutugunan] ang hinihingi ng katarungan.”39 Nagsisisi tayo at ginagawa ang lahat ng ating makakaya. Niyayakap Niya tayo magpakailanman sa “mga bisig ng kanyang pagmamahal.”40
Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang pagpapanumbalik at pagkabuhay na mag-uli. Kasama kayo, ikinagagalak ko ang patuloy na Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad noong simula, 200 taon na ngayong tagsibol, patuloy na dumarating ang liwanag at paghahayag sa pamamagitan ng buhay na propeta ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan na tinatawag sa Kanyang pangalan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—at sa pamamagitan ng personal na paghahayag at inspirasyon ng banal na kaloob na Espiritu Santo.
Kasama kayo, sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at ang Kanyang Bugtong na Anak, ang buhay na si Jesucristo. Ang mga mortal na tao ay walang awang ipinako sa krus at mabubuhay na mag-uli kalaunan. Ngunit ang buhay na Jesucristo lamang sa Kanyang perpektong nabuhay na mag-uling katawan ang mayroong mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, mga paa, at tagiliran. Tanging Siya lang ang makapagsasabing, “Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.”41 Tanging Siya lang ang makapagsasabing: “Ako ang siyang itinaas. Ako si Jesus na ipinako sa krus. Ako ang Anak ng Diyos.”42
Tulad ng batang si Ivy at ng kanyang biyolin, tayo sa ilang kaparaanan ay nag-uumpisa pa rin. Talagang “hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, [ang] mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”43 Sa mga panahong ito, marami tayong matututuhan sa kabutihan ng Diyos at sa ating banal na potensyal upang lumago ang pagmamahal ng Diyos sa atin habang hinahanap natin Siya at tinutulungan ang isa’t isa. Sa mga bagong paraan at lugar, kaya nating kumilos at maging mas mabuti, taludtod sa taludtod, kabutihan sa kabutihan, nang paisa-isa at magkakasama.
Mahal kong mga kapatid saanmang lugar, kapag nagpupulong at natututo tayo nang magkakasama, ang inyong pananampalataya at kabutihan ay pumupuspos sa akin ng pagsunod sa ebanghelyo at pasasalamat. Pinalalakas ng inyong patotoo at paglalakbay sa ebanghelyo ang aking patotoo at paglalakbay sa ebanghelyo. Ang inyong mga alalahanin at kaligayahan, ang inyong pagmamahal sa sambahayan ng Diyos at komunidad ng mga Banal, at pagsunod sa ipinanumbalik na katotohanan at liwanag ay nagpapalakas sa patotoo ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo, na ang buhay na Jesucristo ang nasa sentro ito. Magkakasama tayong nagtitiwala na, “[sa dilim at liwanag,] aking Panginoon, manatili.”44 Alam nating lahat na kahit ano pa ang ating mga pasanin at alalahanin, mabibilang natin ang ating maraming pagpapala.45 Sa mga detalye at maliliit at karaniwang bagay sa araw-araw, makikita nating naisasakatuparan ang mga dakilang bagay sa ating buhay.46
“At ito ay mangyayari na ang mabubuti ay matitipon mula sa lahat ng bansa, at patutungo sa Sion, umaawit ng mga awit ng walang hanggang kagalakan.”47 Sa panahong ito ng hosana at aleluia, umawit ng aleluia—sapagka’t Siya’y maghahari magpakailanman! Sumigaw ng hosana, sa Diyos at sa Cordero! Sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.