Pangkalahatang Kumperensya
Pumarito at Maging Kabilang
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Pumarito at Maging Kabilang

Inaanyayahan namin ang lahat ng anak ng Diyos sa buong mundo na sumama sa amin sa dakilang gawaing ito.

Minamahal kong mga kapatid, minamahal kong mga kaibigan, bawat linggo, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang dako ng mundo ay sumasamba sa ating pinakamamahal na Ama sa Langit, ang Diyos at Hari ng sansinukob, at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Pinagninilayan natin ang buhay at mga turo ni Jesucristo—ang nag-iisang walang kasalanang nilalang na nabuhay, ang walang kapintasan at walang dungis na Cordero ng Diyos. Kasindalas ng itinutulot ng pagkakataon, tumatanggap tayo ng sakramento bilang pag-alaala sa Kanyang sakripisyo at pagkilala na Siya ang sentro ng ating buhay.

Siya ay minamahal at iginagalang natin. Dahil sa Kanyang dakila at walang-hanggang pagmamahal, si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa inyo at sa akin. Winasak Niya ang mga pintuan ng kamatayan, giniba ang mga harang na naghihiwalay sa mga kaibigan at sa mga mahal sa buhay,1 at nagdala ng pag-asa sa mga nawalan ng pag-asa, nagpapagaling sa mga maysakit, at nagpapalaya sa mga naaapi.2

Sa Kanya natin inihahandog ang ating puso, buhay, at araw-araw na katapatan. Sa kadahilanang ito, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, [at] nangangaral tayo tungkol kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”3

Ipamuhay ang Pagiging Disipulo

Gayunpaman, ang maging isang disipulo ni Jesucristo ay higit pa sa pagsasalita at pangangaral ng tungkol kay Cristo. Ipinanumbalik mismo ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan para tulungan tayo sa landas patungo sa pagiging higit na katulad Niya. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa upang magbigay ng mga pagkakataon na maipamuhay ang mga pangunahing alituntunin ng pagkadisipulo. Sa pamamagitan ng pakikibahagi natin sa Simbahan, natututuhan nating kilalanin at sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu. Nagkakaroon tayo ng ugaling tumulong nang may pagkahabag at kabaitan sa iba.

Ito ay pagsisikap na panghabambuhay, at kinakailangan nito ng praktis.

Ang mga matagumpay na atleta ay gumugol ng di-mabilang na oras sa pagpapraktis ng mga pangunahing tuntunin sa kanilang isport. Ang mga nurse, networker, nuclear engineer, at maging ako na isang mapagkumpitensyang hobby cook sa Harriet’s kitchen ay nagiging magaling at mahusay lamang kapag masigasig kaming nagpapraktis.

Noong kapitan ako ng eroplano, madalas kong bigyan ng training ang mga piloto gamit ang isang flight simulator—isang sopistikadong makina na ginagaya ang karanasan sa pagpapalipad ng eroplano. Hindi lamang tumutulong ang simulator na matutuhan ng mga piloto ang mga pangunahing tuntunin sa pagpapalipad; ito rin ay nagtutulot sa kanila na maranasan at matugunan ang mga di-inaasahang pangyayari na maaaring makaharap nila kapag totoong eroplano na ang pinalilipad nila.

Naaangkop ang parehong mga alituntunin sa mga disipulo ni Jesucristo.

Ang aktibong pakikibahagi sa Simbahan ni Jesucristo at sa maraming iba’t ibang pagkakataon na ibinibigay nito ay tutulong sa atin na maging mas handa para sa mga pagbabago ng mga kalagayan ng buhay, anuman at gaano man kahirap ang mga ito. Bilang mga miyembro ng Simbahan, hinihikayat tayo na ituon ang ating sarili sa mga salita ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga sinauna at makabagong propeta. Sa pamamagitan ng taimtim at mapagpakumbabang panalangin sa ating Ama sa Langit, natututuhan nating makilala ang tinig ng Banal na Espiritu. Tumatanggap tayo ng mga tungkulin na maglingkod, magturo, magplano, mag-minister, at mangasiwa. Ang mga pagkakataong ito ay nagtutulot sa atin na umunlad sa espiritu, isipan, at pag-uugali.

Tutulungan tayo ng mga ito na maghanda sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan na magpapala sa atin sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Halina at Sumama sa Amin!

Inaanyayahan namin ang lahat ng anak ng Diyos sa buong mundo na sumama sa amin sa dakilang gawaing ito. Pumarito at tingnan! Maging sa mahirap na panahong ito ng COVID-19, kausapin kami online. Kausapin ang aming mga missionary online. Alamin para sa inyong sarili kung ano ang Simbahang ito! Kapag natapos ang mahirap na panahong ito, bisitahin kami sa aming mga tahanan at sa aming mga lugar na pinagsasambahan!

Inaanyayahan namin kayo na pumarito at tumulong! Pumarito at maglingkod kasama namin, mag-minister sa mga anak ng Diyos, sumunod sa mga yapak ng Tagapagligtas, at gawing mas mainam na lugar ang mundong ito.

Pumarito at maging kabilang! Mas mapapalakas ninyo kami. At kayo rin ay magiging mas mabuti, mas mabait, at mas maligaya. Ang inyong pananampalataya ay lalalim at magiging mas matibay—mas makakayanan ang mahihirap at di-inaasahang mga pagsubok sa buhay.

At paano kayo magsisimula? Maraming posibleng paraan.

Inaanyayahan namin kayo na basahin ang Aklat ni Mormon. Kung wala kayong kopya, mababasa ninyo ito sa ChurchofJesusChrist.org4 o i-download ang Book of Mormon app. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo at katuwang ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Mahal namin ang mga banal na kasulatang ito at natututo kami mula sa mga ito.

Inaanyayahan namin kayo na maglaan ng ilang oras sa ComeuntoChrist.org para malaman kung ano ang itinuturo at pinaniniwalaan ng mga miyembro ng Simbahan.

Anyayahan ang mga missionary na kausapin kayo online o sa inyong tahanan kung maaari—mayroon silang mensahe ng pag-asa at pagpapagaling. Ang mga missionary na ito ay ang mga mahal naming anak na lalaki at babae na naglilingkod sa maraming lugar sa iba’t ibang dako ng mundo na naglalaan ng kanilang panahon at gumugugol ng sariling pera.

Sa Simbahan ni Jesucristo, makakakita kayo ng isang pamilya ng mga tao na hindi gaanong naiiba sa inyo. Makakakita kayo ng mga tao na nangangailangan ng inyong tulong at ng mga taong nais kayong tulungan sa pagsisikap ninyo na maging pinakamabuting bersiyon ng inyong sarili—ang taong nais ng Diyos na kahinatnan ninyo.

Ang Yakap ng Tagapagligtas ay Para sa Lahat

Maaaring iniisip ninyo, “Marami akong nagawang pagkakamali sa buhay ko. Hindi ko sigurado kung mararamdaman ko na kabilang ako sa Simbahan ni Jesucristo. Hindi pag-aaksayahan ng oras ng Diyos ang isang taong katulad ko.”

Si Jesus ang Cristo, bagama’t Siya ang “Hari ng mga hari,”5 ang Mesiyas, “ang Anak ng Dios na buhay,”6 ay lubos na nagmamalasakit sa bawat anak ng Diyos. Nagmamalasakit Siya anuman ang katayuan ng isang tao—mahirap o mayaman, may kahinaan o may katatagan. Sa Kanyang naging buhay dito sa lupa, ang Tagapagligtas ay nagministeryo sa lahat: sa masasaya at matagumpay, sa mga nagdurusa at nalihis ng landas, at sa mga nawalan ng pag-asa. Kadalasan, hindi mga taong kilala, marangya, o mayaman ang pinaglingkuran at tinulungan Niya. Kadalasan, walang maibigay na kapalit ang mga taong tinulungan Niya kundi pasasalamat, mapagpakumbabang puso, at hangaring manampalataya.

Kung ginugol ni Jesus ang Kanyang mortal na buhay sa paglilingkod sa “pinakamaliit na ito,”7 hindi ba Niya mamahalin sila sa panahong ito? Wala bang lugar sa Kanyang Simbahan para sa lahat ng anak ng Diyos? Maging sa mga yaong nakadaramang sila ay hindi karapat-dapat, nalimutan, o nag-iisa?

Walang partikular na antas ng pagiging perpekto ang dapat ninyong matamo upang maging marapat sa biyaya ng Diyos. Ang mga panalangin ninyo ay hindi kailangang malakas o mahusay na mabigkas o tama ang gramatika upang makarating sa langit.

Katunayan, walang itinatangi ang Diyos8—walang halaga sa Kanya ang mga bagay na pinahahalagahan ng sanlibutan. Alam Niya ang nilalaman ng inyong puso, at mahal Niya kayo anuman ang inyong katayuan, halaga ng pera at ari-arian, o bilang ng mga Instagram follower.

Kapag ibinabaling natin ang ating puso sa ating Ama sa Langit at lumalapit sa Kanya, mararamdaman natin na lumalapit Siya sa atin.9

Tayong lahat ay Kanyang mga minamahal na anak.

Maging ang mga yaong hindi tumatanggap sa Kanya.

Maging ang mga yaong nagagalit sa Diyos at sa Kanyang Simbahan, gaya ng isang anak na napakatigas ng ulo at suwail na nag-alsa balutan, at padabog na lumabas ng pintuan at nagsabing lalayas na sila at hindi na babalik kailanman.

Kapag naglayas ang isang anak sa tahanan, maaaring hindi niya mapansin ang nag-aalalang mga magulang na nakatanaw sa bintana. Nang may pagmamahal, tinatanaw nila ang paglisan ng kanilang anak—umaasang matututo ang kanilang mahal na anak mula sa napakalungkot na karanasang ito at marahil makita ang buhay nang may bagong pananaw—at kalaunan ay babalik sa tahanan.

Ganito rin ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Hinihintay Niya ang ating pagbabalik.

Ang inyong Tagapagligtas, na may mga luha ng pagmamahal at pagkahabag sa Kanyang mga mata, ay naghihintay sa inyong pagbabalik. Kahit dama ninyong malayo kayo sa Diyos, makikita Niya kayo; mahahabag Siya sa inyo at tatakbo para yakapin kayo.10

Pumarito at maging kabilang.

Tinutulutan Tayo ng Diyos na Matuto mula sa Ating mga Kamalian

Tayo ay mga manlalakbay na tinatahak ang daan ng mortalidad sa paghahanap ng kahulugan at tunay na katotohanan. Madalas, ang tanging nakikita natin ay ang daan sa unahan—hindi natin nakikita kung saan hahantong ang mga liko sa daan. Hindi ibinibigay sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang lahat ng sagot. Inaasahan Niya na aalamin natin ang maraming bagay para sa ating sarili. Inaasahan Niya na mananampalataya tayo—kahit mahirap gawin ito.

Inaasahan Niya na kikilos tayo nang may panibagong tiwala sa sarili at kaunting katatagan—kaunting determinasyon—at magpapatuloy sa pagsulong sa buhay.

Iyan ang paraan para tayo matuto at umunlad.

Gusto ba talaga ninyo na idetalye sa inyo ang lahat ng bagay? Gusto ba talaga ninyo na masagot ang lahat ng tanong? Naka-mapa ang bawat patutunguhan ninyo?

Naniniwala ako na karamihan sa atin ay mapapagod agad sa ganitong uri ng istilo ng pamamahala ng langit. Natututuhan natin ang mahahalagang aral ng buhay sa pamamagitan ng karanasan. Sa pagkatuto mula sa ating mga kamalian. Sa pamamagitan ng pagsisisi at pagkatanto na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”11

Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay namatay nang sa gayon ay hindi tayo makondena dahil sa ating mga pagkakamali at mahadlangan magpakailanman sa ating pag-unlad. Dahil sa Kanya, makapagsisisi tayo, at ang ating mga pagkakamali ay maaaring maging batong-tuntungan natin tungo sa mas dakilang kaluwalhatian.

Hindi ninyo kailangang tahakin nang mag-isa ang daang ito. Hindi tayo hinahayaan ng ating Ama sa Langit na magpagala-gala sa kadiliman.

Kaya nga, noong tagsibol ng 1820, nagpakita Siya kasama ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa isang binatilyo na si Joseph Smith.

Isipin ninyo iyan nang ilang sandali! Ang Diyos ng sansinukob ay nagpakita sa tao!

Ito ang una sa maraming pakikipag-ugnayan ni Joseph sa Diyos at sa iba pang mga nilalang mula sa langit. Marami sa mga salita ng mga banal na nilalang na ito na nakipag-usap sa kanya ang nakatala sa mga banal na kasulatan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Madali itong makukuha. Maaari itong basahin ng sinuman at matutuhan para sa kanilang sarili ang mensahe ng Diyos para sa atin ngayon.

Inaanyayahan namin kayo na pag-aralan ang mga ito para sa inyong sarili.

Medyo bata pa si Joseph Smith nang matanggap niya ang mga paghahayag na ito. Karamihan sa mga ito ay natanggap bago siya mag-30 taong gulang.12 Kulang siya ng kaalaman at karanasan, at para sa ilang tao, siya marahil ay tila hindi kwalipikado na maging propeta ng Panginoon.

Gayon pa man tinawag pa rin siya ng Panginoon—sinusunod ang huwarang mababasa natin sa lahat ng banal na kasulatan.

Hindi naghintay ang Diyos na makahanap ng perpektong tao para ipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo.

Kung naghintay Siya, naghihintay pa rin Siya hanggang ngayon.

Malaki ang pagkakatulad natin kay Joseph. Bagama’t nagkakamali siya, ginamit siya ng Diyos para maisakatupran ang Kanyang mga dakilang layunin.

Madalas sabihin ni Pangulong Thomas S. Monson ang payo na ito: “Sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.”13

Ipinaliwanag ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto: “Pakaisipin ninyo ang sa inyo’y pagkatawag, mga kapatid: hindi marami ang marurunong sa inyo ayon sa mga pamantayan ng tao, hindi marami ang may kapangyarihan, hindi marami ang mahal na tao.”14

Ginagamit ng Diyos ang mahihina at mga karaniwan upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Ang katotohanang ito ay tatayo bilang patotoo na dahil sa kapangyarihan ng Diyos, hindi ng tao, kaya naisasakatuparan ang Kanyang gawain sa lupa.15

Pakinggan Siya, Sundin Siya

Nang magpakita ang Diyos kay Joseph Smith, ipinakilala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at sinabing, “Pakinggan Siya!”16

Iniukol ni Joseph ang buong buhay niya sa pakikinig at pagsunod sa Kanya.

Tulad ng nangyari kay Joseph, nagsisimula ang pagiging disipulo natin sa pasiya nating pakinggan at sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Kung hangad ninyong sundin Siya, tipunin ang inyong pananampalataya at pasanin ang Kanyang krus.

Malalaman ninyo na talagang kabilang kayo sa Kanyang Simbahan—isang lugar na may kapanatagan at pagmamahal kung saan makakabahagi kayo sa dakilang mithiin ng pagiging disipulo at pagtatamo ng kaligayahan.

Umaasa ako na sa ikadalawang daang taong ito ng Unang Pangitain, habang pinagninilayan at pinag-aaralan natin ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo, ay maunawaan natin na hindi lamang ito isang makasaysayang pangyayari. Kayo at ako ay may mahalagang responsibilidad sa dakila at patuloy na kuwentong ito.

Ano, kung gayon, ang responsibilidad natin?

Ito ay ang matuto kay Jesucristo. Pag-aralan ang Kanyang mga salita. Pakinggan at sundin Siya sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa dakilang gawaing ito. Inaanyayahan ko kayo na pumarito at maging kabilang!

Hindi ninyo kailangang maging perpekto. Kailangan lang na mayroon kayong hangarin na palakasin ang inyong pananampalataya at lumapit sa Kanya bawat araw.

Ang responsibilidad natin ay mahalin at paglingkuran ang Diyos at ang mga anak ng Diyos.

Kapag ginawa ninyo ito, palilibutan kayo ng Diyos ng Kanyang pagmamahal, kagalakan, at tiyak na patnubay sa buhay na ito, maging sa pinakamahihirap na kalagayan, at higit pa riyan.

Pinatototohanan ko ito, at binabasbasan ko kayo nang may malaking pasasalamat at pagmamahal sa bawat isa inyo, sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas, ang ating Guro—sa pangalan ni Jesucristo, amen.