Pangkalahatang Kumperensya
Lumapit kay Cristo at Huwag Lumapit nang Nag-iisa
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


10:19

Lumapit kay Cristo at Huwag Lumapit nang Nag-iisa

Ang pinakamainam na paraan para magawa ninyong mas mabuti ang mundo ay ihanda ang mundo para kay Cristo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa lahat ng sumunod sa Kanya.

Kamakailan ay nakatanggap ako ng liham mula sa isang mausisang dalagita. Sabi niya: “Hindi ako umuunlad. … Hindi ako sigurado kung sino ako, pero pakiramdam ko ay narito ako para sa isang bagay na dakila.”

Nakaramdam na ba kayo na parang may hinahanap kayo, nag-iisip kung kilala kayo ng Ama sa Langit at kung kailangan Niya kayo? Mga minamahal kong kabataan, at sa lahat, pinatototohanan ko na ang sagot ay oo! May plano ang Panginoon para sa inyo. Inihanda Niya kayo para sa panahong ito, ngayon mismo, para maging lakas at puwersa ng kabutihan sa Kanyang dakilang gawain. Kailangan namin kayo! Hindi ito magiging gayon kadakila kung wala kayo!

Sa isang sagradong pagkakataon, ipinaalala sa akin ng ating minamahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson ang dalawang simpleng katotohanan na pangunahin sa inyong dakila at maluwalhating gawain.

Habang nakaupo kami ng asawa ko sa sofa, inilapit ng propeta ang kanyang silya sa amin, na halos magdikit na ang aming mga tuhod, at tiningnan ako ng kanyang mapanuring asul na mga mata. Hindi ako sigurado kung bumilis ba ang tibok ng puso ko o kung lubos na itong huminto nang tinawag niya ako na maglingkod bilang Young Women General President. Ang itinanong niya sa akin ay nasa puso ko pa rin, “Bonnie, ano ang pinakamahalagang bagay na kailangang malaman ng [mga kabataan]?”

Saglit akong nag-isip nang mabuti at nagsabing, “Kailangan po nilang malaman kung sino sila.”

“OO!” ang bulalas niya, “at kailangan nilang malaman ang kanilang layunin.”

Ang Ating Banal na Identidad

Kayo ay itinatangi at minamahal na anak ng Ama sa Langit. Minamahal Niya kayo sa perpektong paraan kaya ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, para magbayad-sala para sa inyo at para sa akin.1 Ang pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas ay hindi magmamaliw—kahit na tayo ay mabigo! Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo.2 Ang pag-alaala sa pagmamahal na ito ay makapagtataboy sa kalituhan sa mundo na nagtatangkang pahinain ang inyong kumpiyansa sa inyong banal na identidad at bulagin kayo sa inyong potensiyal.

Sa isang FSY conference, nakilala ko ang dalawang dalagita na nahihirapan. Binanggit nilang dalawa ang pagbaling sa kanilang patriarchal blessing para muling matuklasan ang personal na pagmamahal at patnubay ng Panginoon sa kanila. Hanapin ang patriarchal blessing ninyo, hipan ninyo ang mga alikabok nito kung kailangan, at palagi itong pag-aralan. Kung wala pa kayo nito, kumuha na kayo—kaagad. Huwag ipagpaliban ang pagtuklas sa gustong sabihin ng Panginoon tungkol sa kung sino kayo.

Ang Ating Walang Hanggang Layunin

Ang ikalawang katotohanang sinabi ni Pangulong Nelson sa atin noong araw na iyon ay ang malaman ang ating layunin. Ito ang ating dakila at napakahalagang tungkulin.

Maraming taon na ang nakararaan, ang anak kong si Tanner ay mga limang taong gulang nang una siyang sumali sa laro ng soccer. Masayang-masaya talaga siya!

Nang dumating kami sa laro, nalaman namin na gagamit ang team nila ng isang regulation-size soccer goal—hindi maliit na goal kundi ng isang napakalaking net na tila sobrang laki para sa mga batang limang taong gulang.

Naging isang alamat ang laro nang makita ko si Tanner na naging isang goalie. Gulat na gulat ako. Nauunawaan ba niya ang layunin niya na bantayan ang net?

Tumunog ang pito, at labis kaming nawili sa laro na nakalimutan namin ang tungkol kay Tanner. Biglang nakuha ng isang manlalaro sa kalabang koponan ang bola at idinribol ito nang mabilis papunta sa kanya. Tumingin ako kay Tanner para tiyakin na handa siyang lumaban at ipagtanggol ang goal. Nakita ko ang isang bagay na hindi ko inaasahan.

batang lalaking naglalaro bilang goalie

Sa isang punto ng laro, nawala sa pokus si Tanner at sinimulan niyang ilusot ang kanyang kaliwang braso sa ilang butas ng net. Pagkatapos ay ginawa rin niya ito sa kanyang kanang braso. Pagkatapos, sa kanyang kaliwang paa. At ang huli, sa kanyang kanang paa. Lubos na napulupot si Tanner sa net. Nakalimutan niya ang kanyang layunin at kung ano ang gawaing ipinagkatiwala sa kanya.

Batang lalaking nakapulupot sa net

Bagama’t hindi nagtagal ang paglalaro ni Tanner ng soccer, ang kanyang aral sa akin noong araw na iyon ay hindi ko kailanman malilimutan. Tayong lahat ay nawawala sa pokus paminsan-minsan kung bakit tayo naririto at naibabaling ang ating lakas sa ibang bagay. Ang isa sa mga pinakamabisang sandata ni Satanas ay ang ibaling tayo sa mabubuti at mas mabubuting layunin na sa oras ng pangangailangan ay maaaring maglayo sa atin sa pinakamabuting gawain—ang mismong gawain na ipinagagawa sa atin sa mundong ito.1

Ang ating walang-hanggang layunin ay lumapit kay Cristo at aktibong makiisa sa Kanya sa Kanyang dakilang gawain. Ito ay kasing-simple ng paggawa ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino … para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel.”4 At kapag ginagawa natin ang Kanyang gawain nang kasama Siya, mas nakikilala at minamahal natin Siya.

Patuloy nating hinahangad na mas lumapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, pagpapahalaga pagsisisi, at pagsunod sa mga kautusan. Kapag ibinibigkis natin ang ating sarili sa Kanya sa mga tipan at ordenansa, napupuno ang ating buhay ng tiwala,5 proteksiyon,6 at malalim at nagtatagal na kagalakan.7

Habang lumalapit tayo sa Kanya, nakikita natin ang iba gaya ng nakikita Niya sa kanila.8 Lumapit kay Cristo. Lumapit na ngayon, pero huwag lumapit nang nag-iisa!9

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi lamang maganda; ito ay kinakailangan ng lahat. “Walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas [tayo], tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo.”10 Kailangan natin si Jesucristo! Kailangan ng mundo si Jesucristo.11

Tandaan, ang pinakamainam na paraan para magawa ninyong mas mabuti ang mundo ay ihanda ang mundo para kay Cristo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa lahat ng sumunod sa Kanya.

May kuwento sa Aklat ni Mormon na makapangyarihang bumabanggit sa paggugol ng oras ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita. Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang pakiramdam na maranasan iyon?

Noong inihayag ni Cristo na kailangan Niyang bumalik sa Ama, “muli niyang iginala ang kanyang mga paningin.”12 Nakikita ang mga luha sa mga mata ng mga tao, alam Niyang nais nila na manatili pa Siya.

Ang Tagapagligtas na nag-aanyaya sa mga Nephita na magpagamot sa Kanya

Itinanong Niya, “Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, … bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin.”13

Taglay ang napakalaking pagkahabag, hindi Siya nagtakda ng limitasyon at tinawag ang lahat ng “nahihirapan sa anumang dahilan.” Gustung-gusto ko na walang hindi napapagaling si Jesucristo, napakalaki o napakaliit man nito.

Alam din Niya ang ating mga pagdurusa at nananawagan na, Dalhin ang mga nababalisa at labis na nalulungkot, ang napapagod, ang palalo at hindi nauunawaan, ang nalulumbay, o ang mga “nahihirapan sa anumang dahilan.”

Ang Tagapagligtas na nagpapagaling

At ang lahat ay “humayo … ; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila. …

“… Kapwa sila na mga napagaling at sila na mga walang sakit, ay yumukod sa kanyang paanan, at sinamba siya.”14

Sa tuwing binabasa ko ito, itinatanong ko sa sarili ko: Sino ang dadalhin ko kay Cristo? Sino ang dadalhin ninyo?

Magagawa ba natin na muling igala ang ating mga paningin, tulad ng ginawa ni Jesus, para matiyak na walang taong nakaligtaan at naanyayahan ang bawat isa na kilalanin Siya?

Hayaang magbahagi ako ng isang halimbawa kung gaano kasimple na gawin ito. Ang 15 taong gulang kong kaibigan na si Peyton ay may mithiing magbasa ng limang talata ng banal na kasulatan tuwing agahan bawat araw, ngunit hindi niya ito ginawa nang mag-isa. Sa muling paggala ng kanyang paningin, inanyayahan ni Peyton ang kanyang mga magulang at mga kapatid, maging ang kanyang limang taong gulang na kapatid na lalaki. Ang tila maliit na gawaing ito ay ang itinuturo ni Cristo nang mag-anyaya Siyang, “Dalhin sila rito.”

Ang paanyayang ito ng Panginoon ay ipinaaabot pa rin hanggang sa ngayon. Young women at young men, magsimula ngayon, sa inyong sariling tahanan. Gagawin ba ninyong magdasal at itanong sa Ama sa Langit kung paano ninyo masusuportahan ang inyong mga magulang sa patuloy na paglapit nila kay Cristo? Kailangan nila kayo gaya ng pangangailangan ninyo sa kanila.

Pagkatapos ay muling igala ang inyong paningin sa inyong mga kapatid, kaibigan, at mga kapitbahay. Sino ang dadalhin ninyo kay Cristo?

Inihayag ng ating Tagapagligtas, “Masdan, ako ang ilaw; ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo.”15 Madarama natin ang Kanyang pag-ibig at kapayapaan kung makikiisa tayo sa Kanya sa pagliligtas ng pamilya ng Diyos, dahil ipinangako Niya na, “Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”16

Ngayon ang napakagandang panahon upang makibahagi sa layunin ni Cristo!

Oo, narito kayo para sa isang bagay na dakila. Kaisa ako ni Pangulong Nelson, na nagsabing: “Kailangan kayo ng Panginoon upang mabago ang mundo. Kapag tinatanggap at sinusunod ninyo ang Kanyang kalooban para sa inyo, magagawa ninyo ang imposible!”17

Tahasan kong pinatototohanan na kilala kayo ng Panginoon at mahal Niya kayo! Sama-sama nating isulong ang Kanyang layunin hanggang sa dakilang araw na iyon kung kailan magbabalik si Cristo dito sa lupa at aanyayahan ang bawat isa sa atin na lumapit “rito.” Magagalak tayo na sama-samang magtipon, sapagkat tayo ang mga lumalapit kay Cristo, at hindi tayo lumalapit nang nag-iisa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.