Anyayahan si Cristo na Maging May-akda ng Inyong Kuwento
Hayaang ang kuwento ng inyong buhay ay mapuno ng pananampalataya, at pagsunod sa inyong Huwaran, ang Tagapagligtas na si Jesucristo.
Magsisimula ako sa pagbibigay ng ilang tanong na pagninilayan:
-
Anong uri ng personal na kuwento ang isinusulat ninyo para sa inyong buhay?
-
Ang landas bang tinatahak ninyo sa inyong kuwento ay tuwid?
-
Nagwawakas ba ang inyong kuwento kung saan ito nagsimula, sa inyong tahanan sa langit?
-
May huwaran ba kayong tinutularan sa inyong kuwento—at iyon ba ay ang Tagapagligtas na si Jesucristo?
Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ang “siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya.”1 Aanyayahan ba ninyo Siya na itatag at pasakdalin ang inyong kuwento, maging may-akda at tagatapos nito?
Batid Niya ang wakas mula sa simula. Siya ang Lumikha ng langit at lupa. Nais Niyang bumalik tayo sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Siya ay lubos na nagmamalasakit sa atin at nais Niyang magtagumpay tayo.
Ano sa palagay ninyo ang humahadlang sa atin na ipagkatiwala sa Kanya ang mga kuwento ng ating buhay?
Makatutulong marahil ang paglalarawang ito sa pagsusuri ninyo sa inyong sarili.
Alam ng isang mahusay na abogado na sa cross-examination, dapat bihira kang magtanong sa isang saksi ng tungkol sa isang bagay na hindi mo alam ang sagot. Ang pagtatanong ay naghihikayat sa saksi na sabihin sa iyo—at sa hukom at hurado—ang isang bagay na hindi mo pa alam. Maaari kang makatanggap ng sagot na ikagugulat mo at salungat sa salaysay na ginawa mo para sa iyong kaso.
Bagama’t ang pagtatanong sa saksi ng isang bagay na hindi mo alam ang sagot ay talagang hindi katalinuhan para sa isang lumilitis na abogado, ang kabaligtaran nito ay totoo para sa atin. Maaari tayong magtanong sa ating mapagmahal na Ama sa Langit, sa pangalan ng ating maawaing Tagapagligtas, at ang saksi na sumasagot sa ating mga tanong ay ang Espiritu Santo, na palaging nagpapatotoo sa katotohanan.2 Dahil ang Espiritu Santo ay kumikilos nang may ganap na pakikiisa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, alam natin na mapagkakatiwalaan ang mga pahayag ng Espiritu Santo. Kung gayon, bakit minsan ay ayaw nating humingi ng ganitong tulong mula sa langit, katotohanang ipinahahayag sa atin ng Espiritu Santo? Bakit ipinagpapaliban natin ang pagtatanong ng mga bagay na hindi natin alam ang sagot gayong ang saksi ay hindi lamang magiliw kundi nagsasabi rin ng katotohanan sa tuwina?
Marahil, dahil wala tayong pananampalatayang tanggapin ang sagot na matatanggap natin. Marahil, dahil tumatanggi ang pagiging likas na tao natin na lubos na isuko ang sarili sa Panginoon at lubos na magtiwala sa Kanya. Kaya marahil pinipili nating manatili sa kuwento ng buhay na isinusulat natin para sa ating sarili, isang komportableng bersiyon ng ating kuwento na hindi inedit ng Dalubhasang May-akda. Ayaw nating magtanong at makatanggap ng sagot na hindi akma sa kuwentong isinusulat natin para sa ating sarili.
Katunayan, malamang kaunti sa atin ang magsusulat ng tungkol sa mga pagsubok na nagdadalisay sa atin. Ngunit hindi ba’t nais nating makabasa ng isang kuwento kung saan sa bandang huli ay nadadaig ng bida ang paghihirap? Ang mga pagsubok ay bahagi ng kuwento kaya’t ang mga paboritong kuwento natin ay nagiging makabagbag-damdamin, walang kupas, nagpapalakas ng pananampalataya, at kasiya-siyang ikuwento. Ang mga paghihirap na nakasulat sa ating mga kuwento ng buhay ang siyang naglalapit sa atin sa Tagapagligtas at nagdadalisay sa atin, at tayo ay nagiging higit na katulad Niya.
Upang madaig ni David si Goliat, kailangang harapin ng bata ang higante. Ang komportableng buhay para kay David ay maaaring nagbalik na lang siya sa pag-aalaga ng mga tupa. Ngunit sa halip, naisip niya ang karanasan niya noong iligtas niya ang mga tupa mula sa isang leon at oso. At dahil sa kagitingang iyon, tinipon niya ang kanyang pananampalataya at tapang na ipaubaya sa Diyos ang pagsulat ng kuwento ng kanyang buhay, nagsasabing, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito.”3 Taglay ang hangaring manaig ang Diyos, nakikinig sa Espiritu Santo, at handa na hayaan ang Tagapagligtas na maging may-akda at tagatapos ng kanyang kuwento, tinalo ng batang si David si Goliat at nailigtas ang kanyang mga tao.
Mangyari pa, ang pinakadakilang alituntunin ng kalayaang pumili ay tayo ang susulat ng sarili nating mga kuwento—maaari ngang umuwi na lang si David at nag-alaga ng mga tupa. Ngunit si Jesucristo ay handang gamitin tayo bilang mga banal na kasangkapan, mga tinasahang lapis sa Kanyang kamay, upang makasulat ng isang obra-maestra! Siya ay maawain at handa akong gamitin, isang maikling lapis, bilang kasangkapan sa Kanyang mga kamay, kung may pananampalataya akong hayaan Siya, kung hahayaan ko Siya na maging may-akda ng aking kuwento.
Si Esther ay isa pang magandang halimbawa na hinayaang manaig ang Diyos sa kanyang buhay. Sa halip na sariling kaligtasan lamang ang isipin, siya ay nanampalataya, at lubos na ipinagkatiwala ang sarili sa Panginoon. Binalak ni Haman na lipulin ang lahat ng Judio sa Persia. Nalaman ito ni Mordecai, kamag-anak ni Esther, at sumulat siya na hinihimok si Esther na makipag-usap sa hari para sa kanyang mga tao. Sinabi ni Esther sa kanya na kapag nagtungo sa hari ang isang tao nang hindi ipinatatawag ay parurusahan ito ng kamatayan. Gayunman, sa pambiharang pagpapakita ng pananampalataya, hiniling niya kay Mordecai na tipunin ang mga Judio at mag-ayuno para sa kanya. “Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo,” sabi niya, “at sa gayo’y papasukin ko ang hari, na hindi ayon sa kautusan: at kung ako’y mamatay ay mamatay.”4
Handa si Esther na ipaubaya sa Tagapagligtas ang pagsulat ng kuwento ng kanyang buhay, bagama’t sa pananaw ng mortalidad, maaaring maging kalunus-lunos ang wakas nito. Sa kabutihang-palad, tinanggap ng hari si Esther, at nakaligtas ang mga Judio sa Persia.
Mangyari pa, ang gayong katapangan ni Esther ay bihirang hingin sa atin. Ngunit kapag hinayaan nating manaig ang Diyos, ang hayaan Siya na maging may-akda at tagatapos ng ating mga kuwento, nangangailangan ito ng pagsunod natin sa Kanyang mga kautusan at pagtupad sa mga tipang ginawa natin. Sa pagsunod natin sa kautusan at pagtupad sa tipan mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon para sa atin upang makatanggap tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu, madarama natin ang kamay ng Panginoon, na isinusulat ang ating mga kuwento kasama natin.
Noong Abril 2021, hiniling sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na pag-isipan ang magagawa natin kung mayroon tayong mas malaking pananampalataya kay Jesucristo. Taglay ang mas malaking pananampalataya kay Jesucristo, maaari tayong magtanong ng mga bagay na hindi natin alam ang sagot—magtanong sa ating Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, upang matanggap ang sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa katotohanan. Kung mas malaki ang pananampalataya natin, magtatanong tayo at nakahandang tanggapin ang sagot na ibibigay sa atin, kahit hindi ito ayon sa ating komportableng kuwento ng buhay. At ang ipinangakong pagpapala sa pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo ay karagdagang lakas sa ating pananampalataya sa Kanya bilang nagtatag at nagpasakdal nito. Ipinahayag ni Pangulong Nelson na tayo ay “tumanggap ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya.”5
Kaya, maaaring itanong nang may pananampalataya ng isang mag-asawang hindi nagkaanak kung dapat ba silang mag-ampon ng mga bata at maging handang tanggapin ang sagot, bagama’t ang nais nila ay mabibiyayaan sila ng sariling mga anak.
Maaaring itanong ng isang senior couple kung panahon na para magmisyon at maging handa sa pag-alis, bagama’t kabilang sa nais nila ay marami pang oras para sa trabaho. O siguro ang sagot ay “hindi pa,” at malalaman nila kalaunan kung bakit kailangan nilang manatili pa sa kanilang pamilya.
Maaaring itanong nang may pananampalataya ng isang tinedyer kung ang paghahangad na magtagumpay sa larangan ng sport o akademya o musika ang pinakamahalaga at maging handang sundin ang mga pahiwatig ng perpektong saksi, ang Espiritu Santo.
Bakit nais natin na ang Tagapagligtas ang maging may-akda at tagatapos ng ating mga kuwento? Dahil ganap na alam Niya ang ating potensyal, dadalhin Niya tayo sa mga lugar na hindi natin naisip kailanman. Maaari Niya tayong gawing isang David o isang Esther. Tayo ay Kanyang susubukan at dadalisayin upang maging higit na katulad Niya. Ang mga matatamo natin kapag kumilos tayo nang may higit na pananampalataya ay mas magpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo.
Mga kapatid, isang taon na ang nakaraan nang itanong sa atin ng ating mahal na propeta: “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? … Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo?”6 Mapagkumbabang idaragdag ko ang tanong na ito: “Handa ba kayong hayaan ang Diyos na maging may-akda at tagatapos ng inyong kuwento?”
Sa Apocalipsis nalaman natin na tayo ay tatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan mula sa mga aklat ng buhay, ayon sa ating mga gawa.7
Tayo ay hahatulan batay sa ating aklat ng buhay. Maaari nating piliin ang komportableng kuwento ng buhay para sa ating sarili. O maaari nating hayaang ang Dalubhasang May-akda at Tagatapos ang magsulat ng ating kuwento na katuwang natin, na inuuna ang ipinagagawa Niya sa atin kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon.
Hayaang si Cristo ang maging may-akda at tagatapos ng inyong kuwento!
Hayaang maging saksi ninyo ang Espiritu Santo!
Magsulat ng isang kuwento ng inyong buhay kung saan tinatahak ninyo ang tuwid na landas pabalik sa inyong tahanan sa langit upang mamuhay sa piling ng Diyos.
Hayaang ang paghihirap at pagsubok na bahagi ng bawat magandang kuwento ay maging paraan para mas mapalapit kayo, at maging higit na katulad ni Jesucristo.
Magkuwento ng mga pangyayari na kung saan nahiwatigan ninyong bumukas ang kalangitan. Magtanong ng mga bagay na hindi ninyo alam ang sagot, batid na handa ang Diyos na ipaalam ang Kanyang kalooban sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Hayaang ang kuwento ng inyong buhay ay mapuno ng pananampalataya, at pagsunod sa inyong Huwaran, ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.