Pangkalahatang Kumperensya
Maglaan ng Oras para sa Panginoon
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


5:49

Maglaan ng Oras para sa Panginoon

Sumasamo ako sa inyo ngayon na labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong buhay—sa bawat araw.

Mahal kong mga kapatid, sa loob ng dalawang araw ay tinuruan tayong mabuti ng mga tagapaglingkod ng Panginoon na nagsikap na alamin kung ano ang kanilang dapat sabihin.

Sinabi sa atin ang mga dapat nating gawin sa susunod na anim na buwan. Ngayon, ang tanong ay, paano tayo mababago dahil sa ating narinig at nadama?

Ipinakita ng pandemya kung paano mabilis na mababago ang buhay, kung minsan sa mga sitwasyon na hindi natin kontrolado. Gayunpaman, maraming bagay ang maaari nating makontrol. Tayo ang nagtatakda ng ating mga prayoridad at nagpapasiya kung paano natin gagamitin ang ating lakas, panahon, at kakayahan. Tayo ang nagpapasiya kung paano natin pakikitunguhan ang isa’t isa. Tayo ang pumipili ng lalapitan natin para sa katotohanan at gabay.

Ang mga impluwensiya ng mundo ay kahika-hikayat at napakarami. Ngunit napakaraming impluwensiya ang mapanlinlang, mapanukso, at makapaglalayo sa atin sa landas ng tipan. Upang maiwasan ang tiyak na pagdurusang kahahantungan nito, sumasamo ako sa inyo ngayon na labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong buhay—sa bawat araw.

Kung ang karamihan sa impormasyong nakukuha ninyo ay mula sa social media o sa iba pang media, ang inyong kakayahang marinig ang mga bulong ng Espiritu ay mababawasan. Kung hindi rin ninyo hinahangad ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin at pag-aaral ng ebanghelyo, pinahihina ninyo ang inyong sarili laban sa mga pilosopiya na maaaring kaganyak-ganyak ngunit hindi totoo. Kahit ang pinakamatatapat na Banal ay maaaring malihis dahil sa walang humpay na panunukso ng mundo.

Mga kapatid, sumasamo ako sa inyo na maglaan ng panahon para sa Panginoon! Patibayin at gawing hindi matitinag sa pagdaan ng mga panahon ang inyong pundasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na magpapahintulot na tuwina ninyong makasama ang Espiritu Santo

Huwag maliitin kailanman ang katotohanan na “ang Espiritu ay nagsasabi … ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito.”1 “Iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.”2

Walang higit na makapag-aanyaya pa sa Espiritu kaysa sa pagtutuon kay Jesucristo. Mangusap tungkol kay Cristo, magpakabusog sa mga salita ni Cristo, at magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.3 Gawing nakasisiya ang inyong Sabbath habang sumasamba sa Kanya, tumatanggap ng sacrament, at pinananatiling banal ang Kanyang araw.4

Tulad ng binigyang-diin ko kaninang umaga, mangyaring maglaan ng panahon para sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay. Ang paglilingkod at pagsamba sa templo ang magpapalakas ng inyong espirituwal na pundasyon.

Pinasasalamatan namin ang lahat ng nakikibahagi sa pagtatayo ng bago nating mga templo. Itinatayo ang mga ito sa iba’t ibang panig ng mundo. Masaya akong ianunsyo ngayon ang mga plano na magtayo ng mga templo sa o malapit sa mga sumusunod na lugar: Kaohsiung, Taiwan; Tacloban, Philippines; Monrovia, Liberia; Kananga, Democratic Republic of the Congo; Antananarivo, Madagascar; Culiacán, Mexico; Vitória, Brazil; La Paz, Bolivia; Santiago West, Chile; Fort Worth, Texas; Cody, Wyoming; Rexburg North, Idaho; Heber Valley, Utah; at pagsasaayos ng Provo Utah Temple pagkatapos ilaan ang Orem Utah Temple.

Mahal ko kayo, mga kapatid. Kilala kayo ng Panginoon at mahal Niya kayo. Siya ang inyong Tagapagligtas at Manunubos. Pinamumunuan at pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan. Aakayin at gagabayan Niya kayo sa inyong personal na buhay kung kayo ay maglalaan ng panahon para sa Kanya sa inyong buhay—sa bawat araw.

Patnubayan nawa kayo ng Diyos hanggang sa muli nating pagkikita, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.